Tatlong araw at
tatlong gabi nang nakaburol ang katawan ni Kapitan Kirkir Kuldâ. Pero wala pa rin ang kanyang ulo. Sinuyod na ng konstabularya ang bulubundukin
ng tuktok ng ilog Diponglo kung saan
siya nangaso; wala silang nakita. Ni ang
kaputian ng mga bulaklak ng talahib ay walang dugong ipinagkanulo,payapa
silang yumuyukod sa pagdaan ng hangin.
Hindi
patay si Kapitan Kirkir, hindi siya ang nakaburol. Ibinulong ng mga bubuyog ang ganitong balita
mula nang misahan ang bangkay. Buhay si Kirkir,
hindi nasaling man lamang ng talim ng badang ng mga Ilongot ang kanyang balat,
ang kanyang leeg. Tinutugis pa rin niya
hangga ngayon ang mga taksil na mamumugot na iyon, ang mga ignoranteng nais niyang
turuan ng kabihasnan. Bakit nila
aangkinin ang lupa ng mga Kuldâ, wala silang titulo. Buhay si Kapitan Kirkir. Umaangil pa ang kanyang riple. Tumatangis ang mga nagmamahal sa kapitan.
Humahagulgol ang kaisa-isa niyang asawang si Kapitana Gatil Kuldâ.
“Buhay si Kapitan Kirkir”, buka ng bunganga ng
mga nakikipaglamay pero sa kanilang puso at isip matagal nang patay ang kapitan. Lihim silang nagdiriwang sa pagkawala ng bodegang humihigop sa ani
nilang sibuyas. “Buhay si Kapitan Kirkir!”
Pero sa kanilang puso matagal nang inuuod ang katawan at kaluluwa nito.
Sa
araw ng libing, nagulantang ang lahat nang dumating sa sementeryo ang ampon ng
mag-asawang Kuldâ. “Sandali po!” Bahagyang umindayog ang nakabiting kabaong,
tumigil sandali ang mga kamay na akmang maglalaglag ng bulaklak, sandaling lumaya ang hangin sa palahaw ng mga
pumapalakat na kamag-anak. “Natagpuan ko
na ang ulo ni Tatay. Itaas n’yo ang
kabaong.”
Tulala
ang lahat. Sinundan ng tingin ang sakong bitbit ng binata, sukpot ito sa
dugo. “Patay na nga,” lihim na pagdiriwang ng mga
magsisibuyas. “Buksan mo, gusto kong
makita ang asawa ko sa huling pagkakataon,” atungal ng nabiyudang si Kapitana
Gatil Kuldâ. “Binura na po ng lupa ang
kanyang mukha, mas mainam pong hindi na
natin siya gambalain,” nakatungong sabi ng binata. Iniangat ng binata ang takip ng kabaong at
isiningit ang sako sa tuktok ng leeg ng bangkay.
Nagpatuloy ang palahaw, nagsalimbayan ang mga kamay sa paglaglag ng
bulaklak.
Nanatiling
nakatungo ang binata. Nagkakalansingan
ang mga badang ng mga Ilongot, sumisirit ang dugo at ang katahimikan ng ripleng
hindi napaputok, umaalingawngaw ang kalabog ng ulong gumulong at ikinubli ng mga
puno ng talahib hanggang maglaho.
Tatlong araw at tatlong gabi nang nakaburol ang katawan ng kanyang ama-amahan
pero nasaan ang ulo? Pagod na siya sa
paghahanap. Kaya umusal na lamang siya ng dasal: “Salamat sa
iyong ulo, sana maging mapayapa ang iyong paglalakbay sa kabilang buhay.”
Pagkasabi nito, inundayan niya ng saksak sa leeg ang isang biik. Pinugutan.
Inilibing ang katawan sa gilid ng ilog Diponglo at isinilid sa isang sako ang ulo .
Pagkatabon
ng kabaong, tumuntong ang binata sa puntod. Kumulapol ang putik sa kanyang
bota. “Mainam na ring hindi natin makita
ang ulo ni Tatay, ng minamahal n’yong si
Kapitan Kirkir Kulda. Ipaubaya na natin sa lupa ang lahat.”
“Patay na nga ang
kirkir,” anas ng mga nakipaglibing. Sila na sa puso’t isip ay matagal nang
pinugutan si Kapitan Kirkir Kuldâ.