Kujak

GAYA NG USAPAN NAMIN, dumating si Anton bago mananghalian. Nagsasalansan kami noon ni Inang ng mga kahoy na sinibak ni Tatang. Sa gawing tarangkahan, nagtatali si Tatang ng mga yero, dingding na sawali, at kung anu-ano pang dadalhin namin paglipat sa bagong bayan. Ipinagpaalam ako ni Anton kay Tatang, tutulong kami sa pagbabakod ng sinehan ni Mr. Rimo. Baka sakali laang naman na payagan ako, kahit alam kong malabo. Galit kasi si Tatang kay Mr. Rimo.

Dati sa bukid namin nagpapasine pero dahil inonse raw kami ni Mr. Rimo, ayaw na ni Tatang.

“Babalian ko ng tadyang yung tarantadong ahenteng yun,” sabi ni Tatang kay Inang nung minsang nag-uusap sila tungkol kay Mr. Rimo.

Pelimon, wag masyadong mainit ang ulo, alang kauuwian yan. Alam ng Diyos ang lahat,” sabi ni Inang.

Galit pa rin pero tumahimik na si Tatang, di ko alam kung dahil sa Diyos o dahil nakita nyang nakikinig ako. Basta talagang sayang, huling pasine pa naman yon at magaganda ang palabas. Si Tatang kasi pabigla-bigla, lagi pang mainit ang ulo.

“Sige, sasabihin ko sa kanya,” sagot ni Tatang kay Anton. Para talagang kulog ang boses nya. Naramdaman ko na agad na hindi nya ko papayagan. Lalo na at galit pa sya sa akin kasi pinahiya ko raw sya kay ninong Iton. Magpapatuli na sana ako nung isang linggo. Ansaya ni Tatang, ngumangata na ko ng talbos ng bayabas at hawak na nya ako sa balikat. Pero nung ipatong ni ninong sa banukan[1] yung utin ko, aywan, bigla ko na laang siniko si Tatang saka ako kumaripas pauwi. Kinagabihan, halos magdamag nagtalo si Tatang at si Inang.

“Bayaan mo na bata pa naman, gridtri pa laang sya,” sabi ni Inang.

Sinong bata? Bulbulan na yang hinayupak na yan! Isa pa, ala syang maliliguan sa putang inang bundok na lilipatan natin. Alang ilog dun, saan sya dadayb pagkatuli nya?”

Nagtutulug-tulugan ako nun. Sinadya kong sumigok-sigok nang malalim para maawa si Tatang at huwag na nya akong kagalitan. Antagal nilang nag-usap, pati nangyari kay Ating naungkat nila. Mag-iisang taon nang di umuuwi si Ating. Doon yata nagsimula ang init ng ulo ni Tatang. Buntis daw si Ating kaya natatakot umuwi. Tapos si Kuyang, ala na kaming balita. Ayun, kaya pa pala galit si Tatang kay Mr. Rimo. Nung isang bakasyon, si Mr. Rimo daw ang nagsabi sa mga sundalo na nasa Baler si Kuyang, kasama ng mga taong-labas. Di ko alam kung tutuo, basta si Kuyang ala talaga sa amin nun dahil di na muna pinauwi ni Tatang. Kaso antagal nang ala kaming balita sa kanya. Pero mainam naman daw yon sabi ni Tatang, andami kasing sundalong umaaligid sa amin.

Ang problema, sa akin nabubunton lahat ng galit nya. Bahagya syang may hindi magustuhang ginawa ko, magpapanting agad ang tainga nya. Minsan nga kahit ala akong ginagawa galit sya. Gaya nung minsan, bigla na laang nya kong sininghalan.

“Putris ka, kundi dahil sa kaduwarkugan[2] mo, tuli ka na sana ngayon, ala ka na sanang problema!” Parang gusto na kong isakmol ng mata nya sa pagmulagat[3] sa akin.

“Kujak , intayin kita mamaya ha?” sigaw sa akin ni Anton, sabay pitik sa kalabaw. Di na sya bumaba, natakot siguro kay Tatang.

BAGO MANANGHALIAN, lumapit ako kay Tatang.

“Tatang –” sabi ko.

“Kung tungkol sa pasine yang sasabihin mo, kalimutan mo na, mabibiringki[4] ka laang pag nagpilit ka,” singhal nya sa akin. Di nya ko nilingon, nakadungaw laang sya sa bintana. Napakapa ako sa puwit ko, masakit pa yung latay ng huling palo nya.

Hindi ko alam pero bigla ko na laang nasabi na gusto ko nang magpatuli.

“Tarantado ka, kita mong di ako magkandaugaga! Ngayon? Ano pang maitutulong mo sa paglilipat kung nangangamatis yang utin mo?” Lumipad yung biyas ng kawayan na hawak ni Tatang, buti na laang nakailag ako.

Di na ko kumibo, pero sa loob ko sabi ko sa kanya tarantado din sya. Naisip ko, hindi kaya nya alam na huling pasine na. Ala na sigurong isambuwan at lilipat na kami sa bagong bayan. Sayang talaga. Dati, libre kaming lahat, wantusawa sa panunuod. Naililibre ko pa pati mga kaeskwela ko.

Sana di ko na laang sya ipinagpakulo ng sambong nung nagkasakit sya, sana dinuraan ko yung kape nya. Mahulog sana sya sa kalabaw pag punta nya sa bukid. Dati naman di sya ganyan. Nung nagsalita nga si Datu Macli-ing sa plasa nung gridwan ako, binalangga[5] pa nya ko para makita ko yung mga nagpalabas ng sayaw Ilongot, tapos pinakilala nya ko kay Datu Macli-ing. Ansaya nun. At saka nung bawal na ang baril at bigla na laang dumami ang mga sundalo, kaming dalawa ni kuyang yung nangibaon ng kanyang karbin sa likod ng kasilyas. Sabi nya nun maasahan na raw ako.

Ngayon puro galit na laang, nananakit pa. Di pa nga tamaan ng kidlat. Nung minsan kumakanta laang kami ni Anton ng tamad na burgis na ayaw gumawa, inasbaran[6] na nya agad ako ng kawayan sa hita. Nakikipagbidahan laang kami nun ni Anton sa sundalong laging nakaistambay malapit sa amin, yung tinatawag na Sards.

“Kanta naman kayo,” sabi ni Sards. Kumanta naman kami ni Anton. Nang marinig kami ni Tatang, pinaswitan[7] agad nya ko. Paghakbang ko pa laang sa tarangkahan, nangalpak agad ang hita ko. Kung pwede nga laang tagain ang Tatang.

Kinapa ko ulit ang puwit ko. Naisip ko di bale na, mabiringki na kung mabiringki, basta tutulong ako kay Anton. Bahala na.

Nagtulug-tulugan ako pagkakain. Mayamaya nagpaalam si Tatang kay Inang, pupunta raw kila ninong Iton. Sinilip ko sya sa butas ng sawali habang palayo. Nung di ko na sya makita, kumaripas na ko papunta kay Anton, di ko na naintindihan kung ano ang sinabi ni Inang.

“Antagal mo a, nakatatlong poste na ko,” salubong sa akin ni Anton.

“Si Tatang kasi –” hindi ko na natapos ang sasabihin ko. Itinuro sa akin ni Mr. Rimo yung balumbon ng tarapal na sako. Iminustra nyang buksan ko saka ilatag. Nakaupo sya sa tablang nakapatong sa pilapil, may hawak na bolpen at notbuk.

Nagpapasine si Mr. Rimo sa Pantabangan tuwing tag-araw. Nung isang taon, sa bukid namin sya nagpalabas. Libre kaming lahat, si Ating, si Kuyang, si Inang at si Tatang, lahat pati si Impo at si Ingkong. Iba pa yung mga inilibre ni Tatang at ni Inang. Sobrang saya nun, lahat ng palabas napanuod ko, yung Benhar, Toratora, Dalonggesdey, Dirtidasen, ang gaganda talaga. Tapos yung pinakamatagal na pinalabas, limang gabi ata, yung Ginuhit sa Tadhana, tungkol yun kay Marcos. Andami nyang napatay na Hapon, ang galing sa barilan. Pero sabi ni Tatang, di raw tutuo yun, kabulaanan daw yun. Ang mga pinapatay daw ni Marcos yung mga alang laban, yung mga mahihirap. Si Tatang talaga, pati sine pinapatulan.

HABANG INILALATAG ko yung tarapal, naisip ko na bahala na kapag nalaman ni Tatang na tumulong ako kay Mr. Rimo. Tutal, ala naman akong pampanuod at siguradong di naman nila ko bibigyan ni Inang.

Nag-ubu-ubuhan si Anton. Nang tumingin ako sa kanya, nginuso nya yung posteng sinisiksik nya ang pagkakabaon. Humablot sya ng talahib at tinali sa poste. Tumango ako habang hinahatak yung tarapal. Pagkatapos naming makubkob ang pagpapasinehan, mga anim na pinitak yata yun, l umapit kami kay Mr. Rimo.

“Balik kayo mamaya, mga alas-sais ha,” sabi nya. Kami rin daw ang magbabantay sa paligid ng bakod habang nagpapalabas. Ayos laang yun, makakapanuod pa rin naman kami. Umupo muna kami ni Anton sa silong ng duhat sa kabilang gilid ng tarapal, nag-usap kami tungkol sa plano namin. Kung sisenta ang talagang bayad sa nagtitiket, kalahati o kahit baintesingko na laang ang sisingilin namin sa mga susuot . Binilang ko ang pasusuutin namin, di bababa sa sampu. Ayos na. Kung sampu, uno singkwenta sa kanya, piso sa akin.

Mayamaya, dumukot si Anton at inabutan ako ng tatlong tigdi-dyes. “Uryam-uryam[8] muna tayo matagal pang mag-umpisa,” sabi nya.

NASA PLASA RIN SI MR. RIMO, tumataya sa uryam-uryam. Kakaunti pa laang ang mga pasugal , unang araw pa laang kasi. Pumwesto kami sa gilid ng nagkakagalog ng dais. Sakop na sakop ng palad nya yung platito na may saklob na takip ng garapon. Paghinto nya sa pagkalog, tumaya si Anton sa tres, singkuwenta; si Mr. Rimo sa sais, isang tumpok na barya. Sa sais din ako tumaya, dyes. Dahan-dahan binuksan nung tagakalog yung platito – isang uno, dalawang sais. Kamot sya ng ulo, napa-asus naman si Anton. Natriple ang tumpok ng barya ni Mr. Rimo, ako nanalo ng bainte. Napangiti ako pero di ko pinakita kay Anton baka sabihin nya na masaya ako dahil natalo sya.

Mayamaya, bigla na laang kumulo ang dugo ko; dumating sila Biryong Laklak. Dating kababag ni Tatang yun, minsan muntik na nyang tagain yun. Biruin mo, nung dumating si Datu Macli-ing, nakiusap si Tatang na alang iinom. Antigas ng ulo ni Biryong Laklak, dun pa mismo sa plasa uminom. Buti na laang naitaboy nila Tatang.

“Dito ka laang ha,” sabi sa akin ni Tatang pagkababa nya sa akin. Tapos kinalabit nya si ninong Iton. Bilib ako sa kanya nun, binaliti yung kamay ni Biryong saka kinumpiska yung balisong.

“LIHIS, LIHIS, yung mga barya dyan tumabi-tabi,” pagaralgal na kanta ni Biryong. Gumitgit sya at yung tatlo nyang kasama, nadikdik ako sa halos likuran na ng tagakalog. Putang ina nyo, sabi ko sa isip ko. Tiningnan ko si Mr. Rimo, napasimangot din.

Lumakas na ang tayaan, isang taya ni Biryong mga lukot na perang papel at mga piso. Andami na nilang nakakabig. Ako rin mabigat na ang bulsa, pati si Anton, lagi nang nakangiti, kindat nang kindat sa akin. Nabangkrap yata yung tagakalog kaya pumalit si Mr. Rimo, magkakilala pala sila.

Nung huling tayaan, pagkatapos nyang kalugin, di napansin ni Mr. Rimo na nakaangat nang bahagya yung takip ng garapon, pero hawak pa rin nya. Sinilip ko, triple tres. Anlakas ng kabog ng dibdib ko. Tumingin ako kay Anton, tumingin din ako kay Biryong Laklak, nakatingin din sila sa akin.

“Taya na, itodo nyo na, huling kalog na to,” sigaw ni Mr. Rimo. Sinasalansan nung pinalitan nyang tagakalog yung mga barya sa harapan nila. Inilapat ni Mr. Rimo yung takip ng garapon sa platito saka biglang tinaas ang dalawang kamay sabay palakpak.

O wala bang tataya? Huli na to, magsisimula na ang palabas.” Tinatapik nya yung lamesa habang nag-iintay ng tataya. Palakas nang palakas yung tugtog mula sa dyip na umiikot sa buong bayan para ianawns ang palabas.

Nakatingin sa akin si Anton, nakatingin din si Biryong, nakatingin sa akin lahat ng mananaya. Dinukot ko lahat ng laman ng bulsa ko, halos umapaw sa palad ko ang mga barya. Tinumpok ko lahat sa tres. Sumunod si Anton, dahan-dahang tinayo ang mga piso at ingkwenta katabi ng tumpok ng taya ko. Yung mga tigdidyes at tigsisingko, inayos nya sa paligid, tapos kumuha sya ng baintesingko, sinuksok sa tainga nya. Kinindatan uli nya ko.

Nagtayaan na rin yung iba, lahat sa tres, hanggang natakpan na ng pera yung buong kudrado ng tres, yung ibang taya lumampas na sa guhit. Inilapag ni Biryong sa kwatro yung taya nya, kalahating dangkal yata ng perang papel, singkwenta pesos ang nasa ibabaw. Ngingisi-ngisi si Biryong habang nagkakamot ng tyan, sinasadya atang ipakita yung nakasukbit nyang balisong.

"Sa tres lahat yan Rimo, sa tres,” pangising sabi ni Biryong, tumatalsik ang laway. Tapos tinampal nya yung lamesa, muntik nang mabuwal yung tore ng barya ni Anton.

“Okey sa tres lahat. O, wala na ba?” tanong ni Mr. Rimo. Dahan-dahan nyang pinatong yung mga daliri nya sa takip ng garapon, bahagyang inangat. Pigil ang hininga ko, kinwenta ko yung taya ko, taymstri, andami kong pera, plas pa yung kikitain namin mamaya. Unti-unting binatak ni Mr. Rimo yung takip, di ko makita ang dais, natatakpan ng kamay nya. Pigil-hininga ako. Tapos bigla nyang inangat.

“Salsal!” sigaw ni Biryong. Napapadyak naman si Anton. Mabilis na kinalahig ng dalawang kamay nung dating tagakalog ang mga taya. Parang nabingi ako, takang-taka ako kung paano nangyari yun. Kitang-kita ko yung mga dais, tres lahat ang nakaibabaw, bat biglang uno, singko, dos ang lumabas. May madyik ata tong si Mr. Rimo, naisip ko.

Tinadyakan ni Biryong yung lamesa ng uryam-uryam, humiriki[9] ang isang paa, mabuti na laang at naibulsa na lahat nila Mr. Rimo yung mga pera.

“Huwag namang ganyan brad,” sabi nung unang tagakalog. Dinuro sya ni Biryong saka dinuraan.

Burat ka! Bumalik ka na sa lupalop na pinanggalingan mo!” Nanlilisik ang mata ni Biryong, nakalilis ang sando, kitang-kita yung puluhan ng balisong nya.

Si Mr. Rimo naman, may kinakapa sa kanyang baywang, nakita ko yung puluhan ng baril. May lumapit na dalawang sundalo, kasunod si Sards. Inakbayan ni Mr. Rimo yung tagakalog. “Halika na, asikasuhin na natin yong palabas,” sabi nya.

Mabilis silang umalis, sumunod kami ni Anton. Paparami na ang tao, tumigil na sa harap ng pagpapasinehan yung dyip. Sa lakas ng trumpa, di ko na naintindihan yung mga sinigaw ni Biryong Laklak habang papalayo kina Sards.

Pagdating namin sa sinehan, binigyan kami ni Mr. Rimo ng Pepsi at durog na tinapay galing sa lata. May mga nakapila na, naggugupit ng tiket yung asawa ni Mr. Rimo sa may pintuan, anliwanag nung bumbilyang nakatutok sa kanya. Yung iba pa nilang kasamahan, nagbibidahan sa gilid ng tarapal. Sa kabilang gilid, andun yung tagakalog, nagbabantay ng dyineritor.

“Pumwesto na kayo,” sabi sa amin ni Mr. Rimo. Pumunta agad ako sa posteng may nakabuhol na talahib, inangat ng paa ko yung tarapal. Ayos. Nilapitan ako ni Anton.

“Simple ka laang ha, basta trenta o baintesingko ang singil. Alam na nila yun,” bulong nya. “Pagkatapos ng patalastas, iangat mo nang tatlong beses tong tarapal, di yan nakapako ha. Pag nagtsek si Mr. Rimo, humarap ka laang sa kanya, sabihin mo ayos laang po.” Tumango laang ako kay Anton, kanina pa namin pinagusapan yun.

“Kailangang makabawi tayo,” pahabol nya bago sya pumunta sa kabilang bakod.

Ganda ng langit, alang kaulap-ulap, andaming bitwin. Ang haba ng salita ni meyor, puro magagandang bagay tungkol sa dam, may libre daw kaming kuryente, libreng tubig, tapos babayaran daw yung mga bukid, mga puno, yung mga bahay, lahat.

Parami nang parami ang mga tao sa loob, kanya-kanyang pwesto. Yung iba may dalang bangko, yung iba sako, yung iba karton. Parang inantok na ko sa salita ni meyor. Nahiga muna ako, umunan sa pilapil, ganda talaga ng langit. Paminsan-minsan, tumitingin ako sa telon. Pagkatapos ni meyor, mga patalastas na. Kortal, pamily planing, alang bago May pumadyak sa labas, tapos bumulong. Dinikit ko ang tainga ko sa tarapal.

“Si Batog to. Bat antagal, andito na kami a, bilis!”

Bumulong din ako. Sige, isa-isa laang ha, abot muna ng pera tapos iaangat ko.”

Lumusot ang kamay ni Batog, may nakaipit na trenta sa daliri. Inangat ko yung tarapal.

“Simple ka laang, dahan-dahan,” bulong ko

Pagpasok ni Batog, binaba ko yung tarapal pero umangat ulit, sumuot si Pilo kasunod si Onang tapos si Bentot, si Ila, andami nila. May nag-abot ng baintesingko, may singko, may dyes. May hindi nagbayad, bigla na laang umekis-ekis tapos nawala sa gitna. Huling sumuot si Jonas, inabutan ako ng batertupi.

“Kendi na laang ha? Si Nanay kasi ang nagbantay ng tindahan namin, di ako nakakupit,” sabi nya habang nakaupo at nakatingin sa telon. Napailing na laang ako.

“Ala nang papasok?” tanong ko.

“Huli na ko,” sabi nya sabay gapang sa bandang gitna.

Umaatungal na yung leon sa telon, malapit nang mag-umpisa. Ginuhit sa Tadhana ulit ang palabas, may kadobol, Benhar. Makasawa na yung tungkol kay Marcos, sandaang beses ko

na ata napanuod. Pero yung Benhar, kahit mayamaya, di ako magsasawa. Ganda kasi, lalo na sa parteng nagkakarera ng karwahe, yung gulong ng isa madaya, parang may lagare.

Biglang umangat uli yung tarapal. May sumungaw na kulot na buhok, si Biryong Laklak!

“Huwag kang maingay,” sabi nya, kasunod nya yung tatlong kasama nya kanina. Yung isa, may bitbit na plastik na galon, upuan siguro. Sisingilin ko sana sila kaya laang natakot ako, pinabayaan ko na laang. Parang amoy gasolina ang hininga ni Biryong Laklak. Siguro ala na silang maitungga, sabi ko sa sarili ko. Isa-isa silang pumunta sa may bandang telon.

Tumingin ako sa pintuan, may mga pumapasok pa rin. Mayamaya, natanaw ko si Tatang, nakabalanggot. Napamura ako, patay sabi ko sa isip ko. Tumagilid ako sa tabi ng poste. Palapit si Tatang, mayamaya huminto, may kinausap. Yung may dalang galon ata, aywan, di ako sigurado, madilim kasi. Mabilis laang silang nag-usap, bumalik sa bandang pasukan si Tatang. Nakahinga ako nang maluwag.

Di nagtagal sinasalita na ng mga nanunuod yung mga na nakasulat sa telon. Nakibigkas na rin ako. Yung iba ibinibida na ang mangyayari. Tapos tumahimik na. Medyo pumagitna na rin ako.

Mayamaya parang umulan, kinapa ko ulo ko, di naman basa. Yung ibang nanunuod, naglingunan, tumingala. Tapos biglang may sumaboy na lupa galing sa gawi ni Anton, nagtayuan yung mga tao, nagmumura na yung iba. May sumaboy na naman, may kahalong maliliit na bato, ansakit. Kalbo pa naman ako.

Dumakot na rin ako ng lupa, tapos isinaboy ko patalikod. Di na magkamayaw ang sabuyan at murahan, nakatayo na lahat. Mayamaya biglang nagliyab yung telon, nagtakbuhan ang mga tao kung saan-saan. Tumakbo ako sa gilid, nagkapunit - punit yung tarapal sa pagsuot ng mga tao.

Sa may pintuan, natanaw ko si Mr. Rimo, akap yung asawa nya. Tapos biglang namatay yung bumbilya, nagliliyab pa rin yung telon, pati yung tarapal sa likod. Biglang may nagpaputok ng baril, sunud-sunod. Nataranta na ko. Halos ala na akong makita pero nakitakbo na rin ako.

“Parang awa nyo na!” sigaw ni Mr. Rimo. “Bitiwan nyo ko!” ang lapit ng boses nya.

May mainit na basang tumalsik sa pisngi ko. Pumalakat yung asawa ni Mr. Rimo.

“Asawa ko, tulungan nyo asawa ko!” analakas ng iyak nya.

Tapos biglang may kamay na umakap sa akin, umangat ako sa lupa, ambilis ng takbo ng may dala sa akin, umuugong yung tainga ko.

“Tayka, tayka muna!” sigaw ko habang kumakawag.

Mayamaya huminto kami, nakatungtong na uli ako sa lupa, sa harap ng tarangkahan namin. Nakaakbay sa akin si Tatang, tapos umupo sya. “Nasaktan ka?” tanong nya.

Gusto kong sumagot pero di ako makakibo, gusto kong umiyak pero baka sabihin niya kalalaki kong tao umiiyak ako. Pinigil ko na laang.

“Anong nangyari bat di pa kayo pumasok,” tanong ni Inang. May dalang syang de-tuwad.[10]

Nagkagulo po sa sinehan, sasabihin ko sana pero di lumabas yung boses ko, napapasigok na ko. Paglapit ni Inang sa akin, bigla syang nataranta, pinapasok ako sa tulugan namin, kasunod si Tatang. Hinubaran agad ako ni Inang, tapos dali-dali nya akong pinunasan. Pinagbihis din nya si Tatang. Nilagay niya sa planggana yung mga damit namin. Pagkatapos, pinahiga na nya ko saka nya hinipan yung ilaw. Mayamaya, narinig kong nagkukusot siya ng damit.

Si Tatang naman, tumagilid paharap sa akin, tinapik-tapik nya ko sa balikat. Sumubsob ako sa unan para di nya ko mahalatang umiiyak.

----------------------

[1] banukan (mabilis) – korteng “L” na sangang ginagamit na katangan o sangkalan ng tutuliing utin. Itinutusok sa lupa ang isang dulo at isinusuot naman ang kabila sa lambi (balat ng utin) na bibiyakin. Karaniwang gawa sa sanga ng bayabas ang banukan.

[2] kaduwarkugan (mabilis) – kaduwagan o pagkamatatakutin.

[3] pagmulagat (malumay) – pagtitig na nanlalaki ang mga mata.

[4] mabibiringki – mapapalo o makakatikim ng pisikal na pamamarusa o pananakit.

[5] binalangga – pinasan nang nakasaklang sa mga balikat ang magkabilang hita.

[6] inasbaran – pinalo, hinagupit.

[7] pinaswitan – tinawag sa pamamagitan ng pagpito o pagsipol.

[8] Uryam-uryam beto-beto

[9] Humiriki -- tumagilid

[10] de-tuwad – ilaw na gawa sa boteng nilagyan ng gaas at mitsa. Itinutuwad ito para lumakas ang apoy.

bangungot

Mahilig kang magbigay ng pangalan. Ang iyong mga manika, ang mga garapon, ang pinto, bintana, mga baitang ng hagdan – lahat, lahat sa iyo ay may bansag.

Pero bigla ka na lamang naumid, at hindi na kumibo. Inusisa ko ang dahilan; pinanatili mo akong estranghero sa iyong kinikimkim.

Humihiwa sa aking retina ang talim ng iyong pananahimik, lumalapnos sa aking balat ang liyab ng panakaw mong mga sulyap.

Hanggang bulagain ako ng isang bangungot: hindi ka tumigil sa pagbibigay ng bansag. Sa iyong diary, halos mabutas ang pahina sa pagkakaukit ng aking pangalan. Napapaligiran ito ng mariing sulat ng mga salitang humulagpos sa aking bibig nang minsang sumilakbo ang aking galit dahil sa musmos at tapat mong pagkakamali.

taimtim na panalangin



Tila tuod sa pagkakaluhod si Aling Inocencia. Magkasalikop ang kanyang mga palad, taimtim na hinahaplos ng patpat niyang hinlalake ang bawat butil ng nanlalagkit na rosaryo. Walang patid ang pagkibot ng kulay tabako niiyang mga labi. Wala siyang ibang nakikita kundi ang duguang paa ng plastik na imahe ni Hesus sa altar; wala siyang ibang naririnig kundi ang alingawngaw ng sariling bulong at hininga.

Nakaikid sa sulok ng kalan ang isang ahas, walang katinag-tinag ang ulong nakaamba sa pagtuklaw. Labas- pangil namang pumorma ng pagdamba ang pusang nasa pasamano ng kalan. Sa isang iglap, kasabay ng matinis nitong angil, lumipad ang pusa. Bahagyang nasalat ng paa nito ang umigkas na ulo ng ahas.

Umalimbukay ang abo sa atip na kogon ng kalan nang bumalandra ang pusa sa dating kinaroroonan ng ahas. Agad nitong ikinalmot ang mga paa sa harap para salagin ang ulos ng katunggaling nakapulupot na sa kabilang dulo ng pasamano. Hangin ang nahagip ng pangil ng ahas pero humampas ang leeg nito sa panga ng kasukatan ng lakas.

Sumadsad ang pusa sa kabilang tungko ng kalan. Lumigwak ang umuusok na kape mula sa nadumpog nitong takure. Kidlat na umekis-ekis ang ahas sa sawaling dingding. Sumirit ang init sa talampakan ng pusa, sinunggaban nito ang ulo ng ahas na agad namang nakailag.

Sumalpok sa dingding ang pusa. Tumilapon sa ere ang gasuntok na bagang dumikit sa paa nito at nahulog sa pugad ng manok na nakasabit sa gilid ng kalan.

Nagulantang ang naglilimlim na inahin, nagpuputak at ikinampay ang mga pakpak. Napaypayan ang baga, umusok ang dayami sa pugad. Sa ilang saglit, sinagpang ng apoy ang tayantang na dingding at atip ng kalan.

Patuloy sa pag-usal ng panalangin si Aling Inocencia. Walang tinag, nakapako ang titig at tinig sa duguang paa ni Kristo sa altar, taimtim ang dalanging ipag-adya ang kanyang kaluluwa sa apoy ng impyerno.

ina


Dapit-hapon, sa gilid ng layb.* Muli siyang dumaan pasan ang isang tuyong sanga na may nakabiting itim na supot. Sinundan ko siya ng tingin: diwatang tanod ng gubat pero walang mahika. At maikli ang kanyang buhok, tagpi-tagping bestida ang kanyang suot, kulay lupa ang kanyang balat, namumutok sa umbok at buhol-buhol na ugat ang kanyang mga binti at braso, nakausli ang kanyang mga panga.

Sumuksok siya sa dilim, doon sa halos hindi na maabot ng aking tingin. Pumikit ako at dinama sa aking dibdib: nagniningning ang mga ngiti ng mga paslit na sumalubong sa kanyang pag-uwi. Muli, nadama nila ang tibay ng gigiray-giray nilang barung-barong. Muli, nadama nilang mas lumiwanag ang aandap-andap na tinghoy na tanging tanglaw nila sa dilim ng gabi.


* layb – main library ng UP Los Baños campus

pitik ng pilik


Nangyari Na Ang Nangyayari


Minsan papunta ako sa Bataan, may babaeng tumabi sa akin sa bus. Pagka-upong pagka-upo niya, naramdaman ko agad na kilala ko siya, na nagkita na kami, na nakatabi ko na siya sa mismong upuang iyon.

Nangyari na ‘yon alam ko, hindi ko lamang maisip kaagad noon kung kailan. Pagdating sa Orani, pumara ang babae. Sinundan ko siya ng tingin at bago siya nawala sa aking mata, naalala ko kung saan kami nagkita: sa panaginip. At hindi lamang minsan, paulit-paulit. Sa parehong upuan sa kaliwang gilid ng bus at parehong panahon – papalubog ang araw.

Paulit-ulit at magkakasalikop na panaginip:

Nangyari na ito hindi ko lamang maalala kung kailan. Katabi ko rin ang babaeng katabi ko ngayon, tinititigan ko ang mga guhit na iniukit ng ngiti sa gilid ng kanyang mga mata. Tinitiketan siya ng konduktor. Ngumunguya ako ng babolgam at tumitipa ang talampakan sa ritmo ng "Nena" ni Heber Bartolome na kinakanta ng drayber. Magaan ang pakiramdam ko sa kanya, singgaan ng hibla ng aking buhok na nasa labas ng bintana, palutang-lutang na sumasabay sa alon ng bus.

Nangyari na ito. Pareho kaming papunta sa Bataan – siya sa Orani at ako, sa Mariveles. Nagkuwentuhan kami, nagtawanan. Isinuot pa nga niya sa akin ‘yong Ray Ban na nakasabit sa blouse niya ngayon. Nilukot ko naman ang binabasa kong diyaryo at iniabot sa kanya.

Mga ilang minuto pagkababa niya, naalala ko kung saan kami nagkita: sa panaginip. At hindi lamang minsan, paulit-paulit. Sa parehong upuan sa kaliwang gilid ng bus at parehong panahon – papalubog ang araw.


Kulay Kalawang Na Landas-Paa

Tinutuklap ng sikat ng araw ang aking batok, naglalakad ako sa kulay kalawang na landas-paa sa isang tuyot na parang. Naninilaw ang mga damo, nangingitim ang bakod na kawayan sa gawing kaliwa. Malabo ang tanawin sa kanan, maliban sa mga nakatinghas na puno ng talahib. Sa gawing unahan, kinakawayan ako ng mga sinampay – lampin, pajama, kumot, at iba pang damit-pambata. Patuloy ako sa paglakad hanggang makarating ako sa tiwangwang na pinto ng isang barungbarong. Pagsilip ko, sinalubong ako ng puting liwanag. Nagising ako.

Mula 1980 hanggang 1987, paulit-ulit akong dinalaw ng panaginip na iyon. Minsan, gabi-gabi sa loob ng isang linggo. Minsan, kahit sa pag-idlip ko sa tanghali. Dumalas ito nang dumalas noong lumabas ako sa seminaryo noong 1983. Nakatanggap ako noon ng sulat kay Inang na nagsasabing hanapin ko raw si Ate sa Maynila. Mainit ang sitwasyon ng bansa noon, kamamatay ni Ninoy at kabi-kabila ang pagkilos laban sa diktadura ni Marcos. Kabi-kabila rin ang sinasalihan kong gawain at organisasyon. Dahil dito, nakaligtaan ko ang tungkol sa sulat at hindi ko pinansin ang paulit-ulit kong panaginip.

Hanggang isang araw, may paabot mula kay Inang na nasa Tondo raw si Ate. Nagkataong nasa Maynila ako noon at walang iskedyul. Pumunta agad ako sa direksyong sinabi ni Inang. Pero, wala na raw doon ang hinahanap kong babae, sabi ng aleng pinagtanungan ko. Mga tatlong buwan na raw siyang umalis at hindi nila alam kung saan lumipat.

Parang wala ako sa aking sarili noon pero naramdaman kong tiyak ang aking mga hakbang. Sumakay ako ng jip papuntang Fairview. Hindi ko namalayan ang biyahe. Pagkalampas ng Batasan, pumara ako, naglakad hanggang makarating sa isang bakanteng lote.

Kumanan ako: kulay kalawang na landas-paa, naninilaw na damo, bakod na kawayan, parang tinutuklap ang batok ko sa init ng araw. Tinunton ko ang landas-paa. Kumakampay ang mga sinampay na damit ng bata sa bandang unahan. Nagtuloy-tuloy ako. Dugtong-dugtong, dikit-dikit ang mga barung-barong, hindi malaman kung saan nagsisimula at nagtatapos ang mga bahay. Pagdating ko sa isang bukas na pinto, sumilip ako.

Natutulog ang isang bagong silang na sanggol, pinapaypayan ng babaeng maputla at humpak ang pisngi – si Ate.


Kalsadang Korteng Tagdan Ng Tirador

Lumilipad ako, una mabilis at mataas, natatanaw ko ang mga bundok at bukid. Mayamaya, babagal at bababa ang lipad ko, hanggang makita ko na ang mga bubong. Tapos bigla akong bubulusok. Halos mabunot ang aking mga buhok, halos malunod ako sa hangin. Mayamaya lumabo ang paligid. Pagliwanag, nakatayo na ako sa kalsadang korteng tagdan ng tirador, nakaharap sa sangandaaan Biglang sumakit ang dibdib ko, parang tambol na kinakabog. Nagising ako.

May kung ilang buwan ding hindi ako hiniwalayan ng panaginip na ‘yon. Huminto lamang simula noong ako at ang dalawa kong kasama ay arestuhin ng militar sa Cabanatuan City noong 1984. Pauwi na kami noon galing sa inorganisa naming anti-US military bases symposium. Si dating Vice-President Teofisto Guingona ang speaker namin noon. Andami naming dalang polyetos at mga tirang sandwich at mga juice sa tetra pack. Naglakad lamang kami para makatipid sa pamasahe. Mayamaya biglang kumabog ang dibdib ko, halos hindi ako makahinga. Umupo ako sandali. Pinagtatalunan ng mga kasama ko kung kakaliwa kami o kakanan. Hindi ko na matandaan kung ano ang naging desisyon namin, basta ang alam ko, lumiko kami at nagpatuloy sa paglakad.

Mayamaya, pinapaligiran na kami ng mga mamang bundat at nakabaril, iyong iba naka-uniporme, iyong iba nakasibilyan. Dinala kami sa headquarters ng militar at pinagbintangang maghahatid ng pagkain sa mga kasama raw naming NPA. Mahigit limang oras ang interogasyon sa amin, at may patikim pang romansang-militar. Tatlong araw ko ring pinagaling ang bukol ko sa noo na tumama sa gilid ng mesa nang sipain ako ng bantay kong namumutok sa laki ang tiyan.

Antigong Bahay

Wala akong pakpak pero lumilipad ako. Nagpapasikot-sikot sa mga ulap, pumapaimbulog, bumubulusok, lumulutang na parang balahibo, nagpapasirko-sirko.

Mahigit dalawampung taon na akong nanaginip nang ganito. At pare-pareho ang aking karanasan: matatapos ang aking paglipad sa isang antigong bahay na mukhang itinayo noong panahon ng Amerikano. Hindi ko malaman kung nasa labas o nasa loob ako. Ang sigurado ko, nasa ilalim ako ng kisame, nakaharap sa kulay abong dingding na may nakaukit na disenyo ng isang halamang baging, hindi ko matiyak kung poison ivy o ano.

Sa bandang taas malapit sa tuktok ng bubong (lagi ko itong tinitingala sa tuwing mapapanaginipan ko ito) nakaangat ang aluminyum na alulod na may disenyong katulad ng nasa dingding. Kinakapitan ito ng dilaw-berdeng mga lumot.

Abandonado ang antigong bahay; ni minsan ay hindi ako nakakita ng tao o hayop doon. Wala rin akong narinig na anumang tinig o tunog.

Kung ano ang matutuklasan ko kaugnay ng antigong bahay na iyon, sa buhay-panaginip man o buhay-gising, wala akong mabanaag na kahit anong palatandaan.

Sa Tuktok Ng Isang Burol

Hindi ko pa ito naisusulat, alam kong tapos na ito. Nakita ko ang sarili kong binubuklat ang talaan ng kanyang mga panaginip; nakita ko ang sarili kong nakabisikleta, binabalikan ang mga lugar na pinuntahan niya sa kanyang pagtulog; nakita ko ang sarili kong tumitipa sa tiklado ng kompyuter.

At habang pinapanood ko ang sarili kong ginagawa ang lahat ng ito, nakatayo ako sa tuktok ng isang burol. Inililipad ng hangin ang aking buhok at ang laylayan ng suot kong puting long sleeve. Minamasdan ko ang sarili kong nakamasid rin sa sarili kong nagkukumahog sa pagsulat ng kanyang mga panaginip.

à bahagi ng Balintataw, pansamantalang pamagat ng isang ibinubuno pang koleksyon ng mga karanasang kaugnay ng kutob, malik-mata, at panaginip.

sa puyo ng liwanag


Pak! Isang solidong tunog. Kumislap ang isang higanteng estrelya sa pagitan ng mga mata ni Profesor Salvador Minero. Pumlakda ang kanyang pisngi sa aspalto. Wala siyang maaninag kundi isprey ng maputlang liwanag – minsa'y pula, minsa'y dilaw. Sinakal siya ng dugong umaagos mula sa kanyang batok. Nagpaligsahan ang mga tili at yabag, papalayo. Gusto niyang haplusin ang kanyang mukha pero ayaw tuminag ng kanyang mga kamay. “Buhay pa ba ako”? Unti-unti, nagkapira-piraso ang isprey ng naaaninag niyang liwanag, tila mga banderitas na nagsasalimbayan pataas. Bahagya siyang lumutang, marahang-marahang umugoy ang kanyang katawan, at mula sa taas, sa pinakapuyo ng pagitan ng kanyang mga mata, nagkislapan ang sarikulay na liwanag, umikot nang paikid, pataas-pababa… walang anu-ano'y umulan… umulan ng bulaklak ng ilang-ilang, walang patid ang patak ng mga talulot. Hinaplos siya ng samyo nito, niyakap, marahang marahan, papahigpit, kung gaano katagal hindi niya alam
.

Umindayog ang sarikulay na mga higanteng parol, kumindat-kindat sa tama ng sinag-bombilyang nagmumula sa magkabilang gilid ng kalye. “A, sining,” usal ni Profesor Salvador Minero sa sarili.

Mayamaya’y nagsalimbayan ang mga tili, kantiyaw, palakpak, at putok ng kanyong kawayan, dumagundong ang mga tambol – padating ang pinakahihintay ng lahat, ang parol na oblation na gawa sa pinagpira-pirasong papel. Kuhang kuha ang pigura ng rebultong nasa bukana ng Unibersidad, “parang totoo,” wika ng isang vendor. Nakasuot ng salakot ang parol na oblation, nakasyeyd, humahagikhik ang makukulay na banderitas sa magkabilang braso, kumakampay ang dahon ng Calachuchi na nakalawit sa pagitan ng mga hita nito.

Nakangiting napailing si Profesor Minero, marahang pumalakpak. Ngunit saglit lang. Muling gumitaw sa kanyang alaala ang desisyon ng University Board na tanggalin ang Oblation sa bukana ng Unibersidad. Muling umalingangaw sa kanyang tenga ang kakulitan ng mga boses-ipis na mga guro at estudyanteng feminista na halos araw-araw na nagtatatalak sa kalye upang ipaggiitang rebulto ng babae ang gawing simbolo ng Unibersidad. Kumunot ang noo ni Profesor Minero. Bumunot siya ng malalim na buntong hininga. “Hindi mangyayari ang gusto nila, mga walang pagpapahalaga sa tradisyon, ba’t ba sila galit na galit sa lalaki?”

Tumigil ang parol na oblation, ipinihit ng mga baklang may dala nito paharap sa mga manonood. Isinayaw-sayaw ayon sa mala-ati-atihang ritmo ng umaatungal na mga tambol.Halos malaglag ang salakot ng oblation sa paroo’t paritong hakbang ng mga bakla. Sumirit ang isang sabay-sabay ngunit basag na sigaw: “Mabuhay ang mga makabayang bakla!”

Muling humugong ang mga tili at palakpak. Mayamaya’y biglang umangat ang dahong nakabitin sa pagitan ng hita ng oblation at pumulandit mula rito ang pulang likido. Yumugyog ang paligid sa lakas ng sigawan ng mga manonood. Isang pulang mapa ang nagmarka sa manggas ng barong ni Profesor Minero. Pinaikot-ikot ng majoret na bakla sa kanyang mga daliri ang kapirasong yantok na sa magkabilang dulo’y napapalawitan ng kulay pink na mga himaymay ng sako, pumito ito – isang mahaba at dalawang maikli. Nagpatuloy ang indayog-usad ng mga parol.Walang anu-ano’y biglang may kumiwal sa bandang gitna ng parada. Isang masangsang na amoy ang sumundot sa ilong ni Profesor Minero. Sumulyap siya sa kanyang kaliwa, may isang estudyante, tambay, o kung sinong pigil ang paghingal ang nagsisindi ng sigarilyo habang kipkip ang isang bag na pambabae.

“Kapareho ko pa ng barong,” paismid na bulong ni Profesor Minero.

Ipinagpatuloy niya ang pagpunas ng panyo sa manggas ng kanyang barong. Ilang saglit lang at nawala ang masangsang na amoy. Luminga ang profesor, wala na ang lalaking kapareho niya ng barong.

“Parang bulang naglaho.”

Patuloy ang tilian at palakpakan. Sunud-sunod ang solidong putok ng kanyon. Boommmm! Boommm! Boooom! Nagtakip ng tainga ang profesor.Praaaakatakatak tak tak, praaaaakatakatak tak tak.Pak!

Isang solidong tunog sa batok ni Profesor Minero. Pumlakda ang kanyang pisngi sa aspalto. Patuloy pa rin ang dagundong ng mga tili, palakpak, putok ng kanyon, at atungal ng tambol. Patuloy ang yabag ng mga paang sumusunod sa mga higanteng parol.

Sa di kalayuan, seryosong nag-uusap ang apat na estudyanteng lalaki. Mababa ang kanilang tinig, maiilap ang mga mata. “Kumusta, nayari mo ba?”

“Walang nakakilala sa ‘yo?”

“Huminga ka muna nang malalim ‘tol.” Makikihitit ng sigarilyo ang tinatanong.
“Sapol sa batok,” habang ibinubuga ang usok.

“Nakaganti na tayo ‘tol, matatahimik na si Nestor.” Biktima si Nestor ng isang rambol ng dalawang pinakamalalaking fraternity sa Unibersidad noong nakaraang taon. Bangas na ang bungo nito sa tama ng tubo nang dumating ang mga pulis upang sawatahin ang kaguluhan.

Isa sa mga hinahangaang estudyante ni Profesor Minero ang nagsasalita, magaling sa klase, mahusay magpinta. Di iilang beses na itong manalo sa mga kontes sa pagpinta sa loob ng Unibersidad. Madalas nga lamang itong masangkot sa trobol. Sa pinakahuling kinasangkutan niya ay tinulungan siya ni Profesor Minero na makipag-ayos sa isang myembro ng Gamma Lambda Phi na kabangga ng Rho Kappa Zeta, ang kinabibilangan niyang frat.

“Kundi dahil kay Minero, baka nauna pa ako kay Nestor,” ang minsa’y nabanggit nito sa isang kabrad habang nagkukuwentuhan sila tungkol sa mga adbentyur ng kanilang frat.

Samantala, sa sulok ng isang turo-turo, paanas na nag-uusap ang isang babae at isang lalaking nakabarong.

“Hindi ka ba nasundan?” tanong ng babae.

“Yun lang babaeng may ari nitong bag ang nakakita sa akin.”
“Sigurado ka?”
“May pamasko na tayo,” hinaplos nito ang bag, “pero… ba’t kaya ako hinabol ng mga mokong na estudyanteng yun.”

“Walanghiya, nakilala mo ba, bakit?”

“Namumukaan ko, lagi yun sa tambayan na kinukunan ko ng mga plastik at diyaryo. Pero sigurado akong hindi nila nakitang nanghablot ako.

“Siguradong di ka namukhaan?”

“Kulit mo.”

“Ano’ng ginawa mo?”

“Iniligaw ko.”

“Pa’nong iniligaw?”

“Pumasok ako sa parada, nakibuhat ako nung obleysyon na parol.”

“Tapos?”
“Nakatabi ko pa nga yung mabakla-baklang titser, yung…sino nga yun?”

“Yung nagbigay sa atin ng ham nung pasko?”

“Oo.”
Sa opisina ng isang NGO, nagpupuputak ang executive director habang nakaharap sa kompyuter. <>“Putang ina!”

“O, ang aga-aga pa eh sira na ang araw mo.”

“Inisnats ang bag ko kagabi no.”

“Saan?”

“Sa U.P., manonood pa naman sana ako ng lantern parade. Mga putang inang magnanakaw yan.”

“Magkano ba’ng laman non?”

“Anong magkano, para namang meron akong pera no. Lipstik at iskrats lang ang nandun, at saka yung credit card ko.”
“Ba’t ka pa nagpuputak, e yung card mo’y di na papakinabangan dahil sagad na sa credit limit ang utang mo.”

“A basta, putang inang isnatser yun.”

Isang buwan bago mag-lantern parade, nagmiting ang faculty ng kolehiyo ng Sining at Panitikan na kinabibilangan ni Profesor Minero. Bago pinag-usapan ang pangunahing paksa ng miting, inianawns ng Dean ang pagkakapili kay Profesor Minero upang magsalita sa isang forum sa Germany ukol sa katutubong sining at panitikan sa Pilipinas. Kabisado ni Profesor Minero ang paksa. Bukod sa isa ito sa kanyang itinuturo ay di iilang libro na rin ang kanyang naisulat ukol dito. Sa katunayan, ang huli niyang librong “Pintig ng Buhay sa Sinapupunan ng Lahing Mangyan,” isang riserts ukol sa sining at panitikan ng mga Mangyan, ay nagkamit ng gawad “Aklat ng Taon.”
Nakipagpaligsahan ang palakpakan at “congratulations” sa atungal ng eyrkon. Abot-tenga ang ngiti ni Profesor Minero habang nakikipagkamay sa mga kapuwa-guro. Nang humupa ang pingay, binuksan ng Dean ang paksa ng miting.

“The board has finally decided to remove the Oblation…”
Muling nakipagpaligsahan sa eyrkon ang palakpakan. Hindi tumitinag si Profesor Minero, suson-suson ang kanyang buntong hininga.

“…but they have yet to agree kung ano ang ipapalit. Syempre, malakas ang pressure mula sa mga feminista, isang woman figure ang kanilang gusto.”

“Ano, ibabandera nila ang kanilang mga panat na utong,” bulong ni Profesor Minero sa sarili.

“Ang mga environmentalists naman, gusto nila isang agila, kaya lang magiging kamukha ng Ateneo.”

“Mga walang pagpapahalaga sa sining at tradisyon,” bulong ng profesor.

“The student council, understandably, wants the statue of Andres Bonifacio. Gusto naman ng mga relihyosong grupo na ang ipalit ay rosary o kaya’y bread and wine o kaya’y last supper.”

“Upang iluklok ang isang dambuhalang panlilinlang?”
“Iba pa rin ang gusto ng mga fraternities, ng unyon ng mga empleyado, ng mga vendors.”

“Mga hindi nakakaunawa sa pag-ibig sa bayan at paglilingkod sa sambayanan at sangkatauhan.

”Nagpasya si Profesor Salvador Minero. Hindi siya pupunta sa Germany. Binagabag siya ng desisyon ng Board. Pagkabagabag na gumapang sa buo niyang pagkatao, dumungaw maging sa kanyang mga klase at pakikitungo sa estudyante at kapuwa guro. Kapunapuna ang kanyang katahimikan, ang kanyang pagbulong-bulong sa sarili. May mga gabing hindi siya makatulog, pumupunta siya sa Oblation, kinakausap ito, inaakyat at niyayakap, hinahaplos. May mga gabing naririnig niya ang pagmamakaawa ng kabataang lalaki na nakatindig nang tuwid, nakadipa, nakatingala, at bahagyang nakapikit habang nagninilay.

Hindi iilang sketch pad na ang kanyang nagamit upang ipinta sa iba’t ibang anggulo ang Oblation. Hindi na rin mabilang ang rolyo ng film na kanyang inubos para sa rebulto.

“Hindi kita pababayaan, hindi mangyayari ang kanilang desisyon, dadaan muna sila sa aking bangkay,” ang laging inuusal ni Profesor Salvador Minero sa kanyang sarili. May mga araw na bubulagain na lamang ang Unibersidad ng mga nanggagalaiting plakard sa paligid ng Oblation. “Huwag nyong salaulain ang Unibersidad.” “Ilaan ang pera ng mag-aaral para sa kanilang kagalingan.” “Pahalgahan ang tradisyon.”

Isang 500 pahina rin ng pahayag na walang lagda ang minsan isang araw ay kumalat sa buong Unibersidad na ipinagpiyesta naman ng mga magbobote at magdidiyaryo. Nilalaman ng pahayag ang kasaysayan at silbi ng Oblation sa Unibersidad at sa Pilipinas, at lahat ng magagandang bagay na kaakibat nito.

Nagmistulang zombie si Profesor Salvador Minero. Kung paanong walang nakakaalam sa pinagmumulan ng walang humpay na pagtutol sa pagtanggal ng Oblation gayundin, walang nakakabatid sa pait ng digmaang inilulunsad ng profesor.

Hanggang isang araw ay humitik sa bubuyog ang bawat pasilyo, silid, tambayan, kainan – ang bawat ng sulok ng Unibersidad. May sira na yata si sir. Bakla siguro yan, 59 na ayaw pang mag-asawa. Pedopilya raw. Baka hiniwalayan ng kanyang syota. Nasobrahan sa salsal. Lagi sigurong nagnanaytklab.

At ibinaba ng mga hukom ang hatol: Bilang pagmamalasakit sa iyo ng Unibersidad at sa kanyang sarili, pinapayuhan ka Ginoong Salvador Minero, at ang payong ito ay hindi mababali, na ikaw ay magpahinga at magpagaling.

Sa pagitan ng mga hikbi, antok, at nakakatulig na bulong ng mga bubuyog ay nagbalik kay Minero ang ugat ng lahat: “Ito ang magiging simbolo ng dunong at dangal ng mga Pilipino anak,” wika ng kanyang ama habang idinudrowing nito ang isang lalaking nakadipa at hubo’t hubad. Ama ni Profesor Salvador Minero ang gumawa ng Oblation at sa kanyang murang isip ay tumimo ang pagpapahalaga sa karunungan, karunungang buong puso at walang puknat niyang tinugis hanggang makarating siya sa kanyang kinalalagyan ngayon. Karunungang para sa kanya’y nakakapit sa bawat pisig at kurbada ng katawan ng Oblation. Para kay Profesor Salvador Minero, ang Oblation ay simbolo di lamang ng dunong kundi ng kagitingan, lalo pa’t sa paanan nito bumulagta at nalagutan ng hininga ang kanyang ama. Dating profesor din sa Unibersidad ang kanyang ama, aktibong nakilahok sa kilusang tanyag at lihim para sa pagbabagong panlipunan. Pakikilahok na kinitil ng Batas Militar.

Dapit hapon noon nang paslangin ang kanyang ama sa paanan ng Oblation. Para kay Profesor Salvador Minero, katulad ng watawat ng Pilipinas ang silbi ng Oblation. Naghatid ito ng di matingkalang prestihiyo hindi lamang sa Unibersidad kundi sa buong bansa.

“Mga walang pagpapahalaga sa tradisyon, mga kaaway ng pagtuklas sa karunungan.”
Parada ng parol. Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang ibaba ang desisyong tatanggalin na ang Oblation ay naligo si Profesor Minero. Isinuot niya ang barong na kanyang ginamit noong tanggapin niya ang gawad “Aklat ng Taon.” Pagbaba niya sa kanyang kotse ay nasagi ng isang galising askal ang kanyang pantalon. Isang matinding saydkik ang inabot ng askal. Nakasimangot na pinagpag ni Profesor Minero ang kanyang pantalon habang paika-ikang tumungo sa kalyeng dadaanan ng parada.

Pak! Isang solidong tunog. Kumislap ang isang higanteng estrelya sa pagitan ng mga mata ni Profesor Salvador Minero. Pumlakda ang kanyang pisngi sa aspalto. Wala siyang maaninag kundi isprey ng maputlang liwanag – minsa'y pula, minsa'y dilaw. Sinakal siya ng dugong umaagos mula sa kanyang batok. Nagpaligsahan ang mga tili at yabag, papalayo. Gusto niyang haplusin ang kanyang mukha pero ayaw tuminag ng kanyang mga kamay. “Diyos ko buhay pa ba ako”? Unti-unti, nagkapira-piraso ang isprey ng naaaninag niyang liwanag, tila mga banderitas na nagsalimbayan pataas. Bahagya siyang lumutang…marahang-marahang umugoy ang kanyang katawan… at mula sa taas, sa pinakapuyo ng pagitan ng kanyang mga mata, nagkislapan ang sarikulay na liwanag, umikot nang paikid, pataas-pababa… walang anu-ano'y umulan… umulan ng bulaklak ng ilang-ilang, walang patid ang patak ng mga talulot. Hinaplos siya ng samyo nito, niyakap, marahang marahan, papahigpit, kung gaano katagal hindi niya alam. Mayamaya, ngumiti ang Oblation, yumuko ito, bumaba ang mga kamay. Bumuntong-hininga ang naghihingalong profesor, tigib ng kaligayahan. Ngunit napatda siya nang biglang bumaklas ng bato ang Oblation sa kinatutuntungan nito, iniangat ang kamao at mabilis na iniunday patungo sa duguang mukha.ni Profesor Salvador Minero.

Sa saliw ng alulong-panaghoy ng isang aso na magdamag na umukyabit sa tainga ng buong kampus, umindayog ang katawan ng mga ipis, sumayaw ang kanilang mga antena, mula sa mga basurahan, kuwarto, kasilyas – mula sa bawat sulok ng kampus ay naglabasan ang milyon-milyong ipis. Binaybay nila ang mamasamasa pang dugo na nakabalatay mula sa harap ng Faculty Center, sa lugar na kinalugmukan ni Profesor Minero, hanggang sa Oblation. Matiyaga nilang tinugaygayan ang mga lamad at dugong sumabit sa mga damo at tinik ng Makahiya.

Sa paanan ng Oblation, nakahiga si Profesor Salvador Minero, kalong ng isang galising askal. Luhaan, buong pagmamahal na hinihimod nito ang duguang mukha ng profesor.

At muling nabuhay ang Unibersidad. Kinondena ng kakarampot na aktibista ang pagpaslang sa isang dakilang profesor at ikinawing nila ang karumaldumal na krimen sa imperyalismo at kawalang kakayahan ng estadong protektahan ang kanyang mamamayan.

Isang buwang tinalakay ng Philippine Collegian ang buhay at pakikisangkot ni Profesor Minero at ang iba’t ibang anggulo ng kanyang kamatayan.

Gumawa naman ng isang dambuhalang parol ng bulaklak ang mga kaguruan bilang simbolo ng pagkilala at pagmamahal sa yumao nilang kapuwa guro. May kung ilang gabi din silang nagdaos ng parangal para sa yumaong profesor at nagtulos ng kandila sa kanyang kinalugmukan.

At hindi iilang beses namang nagdaos ng prayer session ang mga relihiyosong grupo sa kampus para sa kaligtasan ng kaluluwa ng isang dakilang anak ng Diyos – si Profesor Salvador Minero.

ako ang uod na lumalantak sa iyong utak


T
ama, bangungot ang walang puntong punto ng uod. Pero bago ang lahat, isa munang babala: Sa sandaling mabasa mo ang babalang ito, magkakatotoo sa buhay mo ang nakasulat dito. Totoo ang sinasabi ko, maniwala ka; hindi ako marunong magbiro dahil …

Ako ang uod na lumalantak sa iyong utak, buhay ka man o patay. Dati akong bilanggo sa libro pero pinalaya mo ako.

Hindi ko alam kung alam mo na adik ka sa amoy ng libro. Ganito ang iyong ritwal: Sisinghot-singhutin mo ang paligid ng libro tapos bubuklatin, aamuyin ang pamagat at isa-isang lalanghapin ang mga pahina. Ganyan mo ako pinalaya.

Hindi ko rin alam kung natatandaan mo pa. Nasa Recto ka noon, halos matabunan ng gabundok na talaksan ng libro. Nasinghot mo ako mula sa gilid ng gulugod ng inaamag na The Wealth of Nations ni Adam Smith. Sumakay ako sa iyong hininga, sumuot sa iyong ilong at gumapang papunta sa iyong utak. At ito ang aking napatunayan mula noon: mas masarap ngalutin ang manlilikha kaysa sa kanyang mga nilikha, mas masarap ang utak kaysa sa libro.

Dahil dito, gagantihan ko ang iyong kagandahang-loob.

Ako ang uod na lumalantak sa iyong utak. Kung hindi mo ako mailarawan sa iyong diwa dahil kapos ka sa imahinasyon o dahil simpleng nasusuka ka lamang, huwag kang mag-alala, mayroon pa akong isang mukha: bangungot. Kung gusto mo, puwede kitang dalawin mamayang gabi: ako rin ang iyong bangungot.

Kung nadidiri ka sa katawan kong uod, pagbibigyan ko ang gusto ng iyong mata. Magpapakilala ako sa iyo habang natutulog ka at ikukuwento ko – hindi sa pamamagitan ng simbolo na tulad ng sinasabi ni Freud o ni Jung kundi sa terminong kayang-kaya mong intindihin – ang katotohanang idudura ko lamang sana sa iyong utak. Kung mailalarawn mo lamang ako sa iyong diwa bilang

uod, bubulaga na lamang sana sa iyo ang katotohanang gusto kong ibunyag. Parang isang bisyon ng isang propeta o santo o taong naghihingalo. Isang kisap lamang at agad na nariyan.

Pero dahil pulpol na ang iyong utak at kapos ka sa imahinasyon, dadalawin na lamang kita mamaya: tandaan: ako rin ang iyong bangungot.

Gagawin ko sa iyo ang ginawa ko sa utak ng pakanang dukutin si Smitten kapag hindi pumabor sa kanya ang desisyon ng korte ng Pilipinas. Napanood mo naman siguro kung paano siya tinangkang ipuslit ng mga alien. Mabuti na lang at ‘yong mga pulis-Makati hindi kinati ang mga hintuturo. Pero kahit walang pulis, hindi rin mangyayari ang pakana. Magkukulay ube na ang balat ng mga alien na ‘yon hindi pa nila mailalayo si Smitten kahit isang pulgada.

Ano ang gagawin ko sa utak ng pakanang ipuslit si Smitten? Mamaya ko na sasabihin, meron muna akong babala: kapag dinalaw kita, aalingawngaw ang boses ko sa bawat hibla ng iyong bulbol, gising ka man o tulog. At hindi ka na hihiwalayan ng alingawngaw na ‘yon hanggang sa mamatay ka at ipagdiwang na ng aking mga kalahi ang ‘dakilang pista ng pagngasab sa iyong utak.’

At ‘eto pa: hindi ko kasalanan kung maglalaslas ka ng pulso dahil sa pagkalagas ng iyong bulbol dahil sa alingawngaw ng aking boses.

Kumusta ang utak ng pakanang ipuslit si Smitten? Tuturuan ko siyang ikuwento sa kanyang aso ang kapalpakan ng kanyang pakana. Tuturuan ko siyang maglabas ng sama ng loob sa kanyang aso. Tandaan, ako ay uod at bangungot.

Ngayon, para matalino kang makapagdesisyon kung uod o bangungot ang pipiliin mo, kukuwentuhan kita. Hindi mo alam ito at hinding hindi mo malalaman kung wala ako. Makinig kang maigi: ang uod at ang bangungot ay iisa – tulad ng kung paanong iisa ang Anak at Ama na binabanggit sa Juan 10:30 ng iyong Bibliya – at alam ng uod at ng bangungot ang lahat, ang lahat lahat.

Ako ang uod na lumalantak sa iyong utak at ang bangungot na aalingawngaw sa bawat hibla ng iyong bulbol hanggang may pintig ang iyong pulso.

Smitten, Nicolai. ‘Yan ang tunay nilang pangalan; hindi ang ibinabandera ng masmidya. Ipinapaalala ko sa ‘yo: ito ang umpisa ng iyong kamulatan tungkol sa kasong panggagahasa.
Si Nicolai ay isang babaeng Badjao na kabilang sa lahing inagawan ng dagat ng iba’t ibang alien na gumahasa sa Perlas ng Silangan na tinawag din ni Dr. Jose Protacio Mercado Y Rizal na isang Perdido Eden. Samantala, si Smitten ay isang Plutonian at tandaan mo ito: ang kanyang krimen ang dahilan kung bakit hindi na planeta ang Pluto ngayon.

At tulad ng alam mo na, may tatlo pang sangkot sa krimen maliban kay Smitten. Pero di na mahalaga ang kanilang mga pangalan. Mas importanteng malaman mo ang matematika at lohikang ito: isa laban sa tatlo. Si Smitten na taga-Pluto o ang tatlong kasabuwat niyang taga-Atlantis? Alam mo, masayahing tao ang mga taga-Atlantis kaya tawa sila nang tawa nang gahasain ni Smitten si Nicolai.

Pero ano ba talaga ang gusto kong puntuhin? Didiretsuhin na kita: maglalaslas ng pulso ang utak ng pakanang dukutin si Smitten. Pansinin mo: talagang pinilit kong pagtugmain ang dalawang huling salitang itinagilid ko pa para tumimo sa iyo ang susunod kong sasabihin.

Resolbado na ang kaso ni Smitten bago pa man ito litisin. Huwag mong kalimutan: ako ang uod at ang bangungot, alam ko ang lahat, ang lahat-lahat.

Isang buwan bago ang hatol: Tiririiiink, kwink, kwink, oink! ‘Hello?’ (Huwag kang magkamali, hindi ito ang alam mong Hello Garci scandal). Tumuloy sa hangin ang isang high-voltage cockroached voice: ‘Judge, save the boys!’ Isang buwan bago ang tawag na ito, sa land of the alien, magkatabi ang pulubi at ang diyos: ‘Go and protect my boys!’ Mula nang pagpistahan ng mass media ang kaso hanggang ilang oras bago ang hatol: ‘Ibasura ang VFA!’


‘Justice for Nicolai, Justice for the Universe!’ Isang linggo bago ang hatol: mula sa diyos tungo sa pulubing umaasta ring diyos tungo sa hukom: ‘No conspiracy theory!’

Nang ibaba ang hatol, nag-appear di lamang ang mga palad ng mga naghihintay ng conviction ni Smitten kundi maging ang mga aninong nagkukubli sa patong-patong na anino ng may anino: ‘Appear,’ sabi ng mga pro-conviction. ‘Appear,’ sabi rin ng mga kakampi ng akusado. At umalingawngaw ang mga plak mula sa mga aninong may iba’t ibang kutis at kapal ang palad: APPEAR! APPeal! APpeal! Appeal! appeal! appeal! Habang ngumangalot sila ng apple.

Ha ha ha ha haaaaatsing! Hindi ako marunong magbiro pero marunong akong humatsing. Hi hi hi hi hihikain yata ako sa pagkukwento ko sa ‘yo. Pero huwag kang mag-abala, kayang kaya ko ‘to.

Okey, pagkababang pagkababa ng hatol, mga abogado ni Nicolai: ‘Pinupuri namin ang katapangan ng hukom – tagumpay ito ng buong uniberso.’ Mga abogado ni Smitten: ‘Tagumpay ito para sa amin, hindi nila na-prove ang conspiracy theory.’ Isang reporter: ‘Paano po si Smitten?’ ‘Appeal, appeal, appeal…’ Habang ngumangalot siya ng apple. Ha ha ha haaaaaatsing!

Maniwala ka, narinig ko ito sa mga barbero, sa mga matador, sa mga bendor. Resolbado na ang kaso bago pa man ibaba ang hatol: ‘No conspiracy theory judge!’ Itaga mo ito sa bato: tatlong linggo matapos ibaba ang hatol kay Smitten at magsalimbayan ang mga papuri para sa hukom, sa isang sulok sa land of the alien: ‘Come! Sit! Good! Now, jump! Kulay ube ang paligid ng mata ng utak ng pakana at walang Paskong maaninag sa kanyang mga mata. Come! Sit! Jump! Hahalikan niya sa bibig ang kanyang aso, papasok siya sa banyo at dadamputin ang kanyang labaha.

Ooops, ‘nga pala. Itanim mo ito sa iyong puso para di ko malantakan: Ang tungkol sa pakanang ipuslit si Smitten pati na ang utak ng pakanang ito, ang tungkol sa matematika at

lohika ng isang taga-Pluto laban sa tatlong taga-Atlantis, ang pagkatalo ng conspiracy theory, lahat ng ito, itanim mo sa iyong puso, ay pakana lamang. Nasa utak ako ngayon ng utak na nagpakana ng pakanang ito.

Pasensya na kung medyo nahilo ka. Nahihirapan kasi ako sa aking identity, hindi ko maipirmis kung magsasa-uod ako o magsasa-bangungot. Nalilito na rin ako. Pero pramis: isasalaysay ko sa iyo ang lahat nang malinaw na malinaw. Basta pumili ka: uod o bangungot.

Give me five! Appear! Appeal! Apple!

Tandaan mo: ang uod at ang bangungot ay iisa. At ako ang uod at ang bangungot: alam ko ang lahat, ang lahat-lahat.

Ha ha ha ha ha haaaaatsing! Totoo lahat ng sinabi ko; hindi ako marunong magbiro.

P.S.

Nakalimutan kong sabihin: Kung pinakinggan mong maigi ang iyong binasa, wala nang kahirap-hirap sa iyo ang pag-analisa sa mas madadaling pangyayari. Halimbawa, sisiw na sa iyo ngayon ang tungkol sa ZTE deal – ang pagtanyag ni de Venecia (katunog ‘yan ng veneno na ang ibig sabihin sa espanyol ay lason); ang resignasyon ni Abalos (katunog ng palos pero hindi siya makakahulagpos); ang pagtiklop ng bibig ni Neri (katunog ng keri pero hanggang kailan madadala ng kanyang budhi ang pananahimik); at syempre, ang paglabas ng bansa at ang sakit ng asawa ng pangulo (hindi ko na binanggit ang kanyang apelyido, dahil alam kong kuha mo na kung ano siya sa mga Pilipino pag nilagyan ng isa pang g ang salitang pangulo; pero sige na nga, sabihin ko na rin: arroyo – sapa o bukal. Tama bukal ng kawalanghiyaan at pandarambong).

Ano ang aking ebidensya? Tandaan, isa akong uod. Alam ko ang lahat, ang lahat-lahat.
Paalam. Ano, magkikita ba tayo mamayang gabi?