Panayam ito ng manunulat sa
kanyang sarili, hindi minsan kundi paulit-ulit.
Panimulang sisid ito sa mga bakit kaugnay ng
balak niyang sulating disertasyon. Hindi
pa tiyak kung saang bahagi ito ng disertasyon ilalagay, ang mahalaga, kinikipil
na rito ang pananaw at paninindigan ng manunulat ukol sa kanyang panulat. Gaya ng mababasa rito, hindi pa pirmis kung
ano talaga ang genre na kanyang sinusulat, puwedeng nobela, puwedeng epiko,
puwedeng kalipunan ng mga tula. “Ewan”, sabi niya tungkol sa bagay na ito.
I.
EMMANUEL V. DUMLAO: Anong pinagkakaabalahan mo ngayon?
emmanuel v. dumlao: Dati
pa rin, ‘yong sinusulat ko.
EVD: Anong
genre?
evd: Di ko
alam, ewan. Kahit ano. Basta tungkol sa Pantabangan, tungkol sa
dam. Sabi ko kay Jun Cruz tulang nobela na parang epiko.
EVD: Jun
Cruz?
evd: Pedro Jun Cruz Reyes, prof ko.
EVD: ‘Yong
sumulat ng “Utos ng Hari”?
evd: Ng Etsa-puwera
at Amado, at kung anu-ano pa.
EVD: Oo, kilala ko, astig ‘yon. Teka, sabi mo tungkol sa dam?
evd: Marami akong gustong sabihin tungkol sa pagpapalubog sa bayan
namin?
EVD: Bakit?
evd: Marami nang nag-uulyanin, kailangan ng paalala. May mga lumalabo na
rin ang paningin, kailangan ng pananda, ng babala.
EVD: Parang
kalendaryong binilugan ang mga importanteng petsa? Parang road signs?
evd: Kalendaryo
... Puwede, pero hindi tungkol sa petsa
‘yong sinusulat ko.
EVD: Ano
pala?
evd: Paalala na maraming karanasan na kapag di sinisid, habambuhay
na lamang na matatabunan ng banlik, ng putik.
EVD: Gaya ng?
evd: May mga tumutol sa pagpapalubog ng Pantabangan.
EVD: (Tumango)
evd: Tungkol
sa sinabi mong road signs, parang ganon din pero hindi.
EVD: Anong
ibig mong sabihin?
evd: Hindi ito magtuturo ng tamang daan o magbabawal sa mambabasa
na kumaliwa o kumanan o dumiretso o
bumalik o tumigil.
EVD: Ano
pala ‘yong binanggit mong pananda, ‘yong babala.
evd: Kapag may karanasan na katulad nitong sinusulat ko,
baka makapagbigay ito ng pananda o babala para sa isang matalinong pagpapasya.
EVD: Baka?
Hindi ka tiyak?
evd: Hindi
ko hawak ang utak at desisyon ng mambabasa ko.
EVD: Kung
gusto mong magpaalala tungkol sa mga karanasang pinangangambahan mong makalimutan,
historikal kung ganon ang sinusulat mo?
evd: Anong
ibig mong sabihin?
EVD: Mga
akdang naglalarawan ng mga tunay na nangyari sa kasaysayan.
evd: May
isinulat ako tungkol sa pagtatalik ng
patak ng luha at butil ng alikabok na siyang sinibulan ng mga bukid at sanga-sangang
ilog ng Pantabangan. Wala pa ang
pinakaunang tao sa daigdig noon, paano mo malalaman kung tunay o hindi ang
aking sinulat?
EVD: Fiction
kung ganon? Pero sabi mo tungkol sa dam, tungkol sa mga karanasang kailangang sisirin.
evd: Isinusulat
ko ngayon ang pag-uusap nating ito. Paano mapapatunayan ng babasa nito na tunay ang usapan natin?
EVD: Paano ‘yong sinasabi mong karanasan?
evd: Karanasang
hinabi ko sa aking isip, batay sa mga stimulus na nahagip ng aking senses at
nanatili sa aking memorya.
EVD: Hindi
pala mapagkakatiwalaang paalala at babala ang sinusulat mo.
evd: At alin ang mapagtitiwalaan? Libro sa kasaysayan? Hindi ba likhang-isip din ng mga historyador ang kanilang mga isinasalaysay?
EVD: Ibig
mong sabihin, walang pagkakaiba ang kasaysayan at kung ano man ‘yang literary
genre na sinusulat mo?
evd: Nasaksihan
man o hindi ng manunulat ang isang pangyayari,
kapag isinulat niya ito, dumadaan ito sa kanyang imahinasyon.
EVD: At kung
ganon ay fiction? Hindi mapagkakatiwalaan, kung ganon, ang mga libro sa
kasaysayan?
evd: Hindi
rekonstruksyon ng aktuwal na pangyayari ang concern ko sa sinusulat ko.
EVD: Kaninong
karanasan ang gusto mong sisirin?
evd: Lumilikha
ako ng mga tauhan na may sariling buhay at karanasan. Maaring tumugma ang paglalarawan ko sa
aktuwal na karanasan pero nakatanim sa
kukote ko na kathang-isip ang ginagawa ko. Isang mundong inspirado ng mundo ng
kamusmusan ko at ng mundo ko ngayon.
EVD: Kaninong
karanasan ang gusto mong sisirin?
evd: Karanasan
ko. ‘Yong karanasan mo, ikaw ang sisisid,
‘yong sa mga kababayan natin, sila.
Sana makainspayr ako ng pagsisid.
EVD: Kanya-kanyang
sisid? Akala ko ikaw, sa pamamagitan ng akda mo, ang sisid sa mga karanasan.
evd: Paalala
at palatandaan o babala lamang ang kaya kong gawin sa aking akda, ang kayang
gawin ng aking akda. Kung mayron man
akong kayang sisirin, ‘yong mga sarili kong karanasan. At sinisisid ko na sila ngayon, humihinga na sila ngayon sa aking
sinusulat.
EVD: Humihinga bilang paalala o palatandaan sa iba?
evd: Baka sakaling sa pamamagitan ng akdang ito makita mo halimbawa
ang mga bagay na di mo dating binibigyang-pansin, baka sakaling may maalala
kang karanasang nakalimutan mo na, baka sakaling mapatigil ka at maglimi kung
didiretso ka, kakanan, kakaliwa, o mananatili.
EVD: Baka sakali.
evd: ‘Yon lamang ang kaya kong tiyakin, ang pagbabakasakaling makapagpaalala,
makapagbigay-tanda o babala.
EVD: Sabi mo nagsusulat ka para makapambuliglig.
evd:: Teka,
saan? Kailan?
EVD: Sa MA
thesis mo.
evd: Hahaha!
Kaya nga dapat magsulat para walang nakakalimot.
EVD: Ganoon
pa rin ang paniwala mo? Nambubuliglig ka
pa rin sa iyong mga sinusulat?
evd: May
iba pa bang tungkulin ang panitikan? Nagpapaalala, nagbibigay-palatandaan o
babala – lahat ng ito ay porma ng pambubuliglig.
EVD: Paano ka makakapambubuliglig kung nakapokus lamang sa
Pantabangan ang sinusulat mo? Napakalawak ng Pilipinas at napakaraming mga
pangyayaring di hamak na mas malaki at importante kaysa sa sinapit ng isang liblib
na bayang tulad ng Pantabangan.
evd: At idagdag mo pa, karanasan lamang ng isang siyam na taong
bata sa loob ng isang buwan ang isinusulat ko.
EVD: Napaka-insignificant.
evd: Ni hindi ko inakalang tatanim sa puso ko ang “Macondo” ni
Marquez; na hangga ngayon naririnig ko pa ang boses ng mga patay sa Spoon River ni Masters; na hangga ngayon naaaninag ko pa ang lampara
ng tagabantay sa parola sa Poro Point ni Hufana.
EVD: Pero ang mga binanggit mo ay nagtataglay ng mga unibersal na
pagpapahalaga, mga insight na komon sa lahat ng tao.
evd: Hinuhubog
ng kanyang-kanyang pook at panahon ang bawat bagay, ang bawat pagpapahalaga. Walang unibersal sa pakahulugang “karanasan ng isa, karanasan ng lahat”. Kasama na rito ang pinagkakatiwalaan mong
libro ng kasaysayan.
Ang
meron ay ugnayan ng lahat ng bagay.
EVD: May
kaugnayan ka sa mga kathang isip na tauhan at lugar na binanggit mo?
evd: Pinapaalala
nilang kailangan kong sisirin ang aking nakaraan. Binibigyan nila ako ng babala na kailangan
kong bumalik, ng palatandaan kung ano
ang kailangan kong balikan. Una rito ang pagbabalik sa sariling karanasan
at pagtatala ng mga ito.
Heto pa. Ni hindi ko alam kung anong klaseng isda ang
Berkakan o kung nasaan talaga ang islang Tarangban, pero nagpapaalala ito sa
akin ng sarili kong mga berkakan at tarangban.
Palatandaan ito at babala ng maraming
posibilidad sa buhay ko.
EVD: Kumpisal kung ganon ang sinusulat mo?
evd: Sige, hihiramin ko ang termino mo, pangungumpisal. Pero hindi sa isang pari kundi sa sarili,
oo, higit sa lahat sa sarili. At syempre sa mga mambabasa, sa sambayanan.
EVD: Hindi ko maintindihan.
evd: Hindi mo dapat intindihin, damhin mo ang nangyayari sa atin
ngayon.
EVD: Anong nangyayari?
evd: Kinakausap mo ako na sarili mo habang itinatala naman ng isa
pang sarili natin ang ating pinag-uusapan.
Inuusisa, inuusig natin ang isa’t isa. Ikaw na si EMMANUEL VILLAJUAN
DUMLAO ay ako na si emmanuel villajuan dumlao at tayong dalawa ay nasa taong kasalukuyang
tumitipa sa tiklado ng laptop na kasangkapan sa pagtatala ng usapang ito.
EVD: Ibig sabihin, umiiral lamang tayo ngayon sa imahinasyon ng
sarili nating kumakatha at nagtatala ng panayam na ito?
evd: Sino
ngayon ang magsasabi kung alin ang tunay at hindi? Buhay tayo.
Sa oras na may ibang magbasa ng usapan nating ito, matutulungan natin
siya sa paggunita ng sarili niyang pangungumpisal sa kanyang sarili. Tunay man o hindi ang
engkuwentro, ang mahalaga buhay tayo at
patuloy na mabubuhay. Ganito kahalaga
ang panulat, ang kuwento.
EVD: Nakuha
ko ang punto mo tungkol sa paalala upang di makalimot.
evd: May
itatanong ako sa iyo?
EVD: (Nakatingin
kay evd, naghihintay ng tanong)
evd: Paano nagunaw ang daigidig na kilala mo?
EVD: (Matagal na nag-isip) Baha, bumaha.
evd: Paano nakaligtas ang mga tao?
EVD: Gumawa ng arko si Noah,
isinakay niya doon ang kanyang angkan pati ang mga hayup.
evd: Paano mo nalaman ‘yan?
Bakit natatandaan mo ang nangyari libo-libong taon na ang nakaraan?
EVD: Noong maliit pa ako, kinukuwento yan sa akin ng Impo. At nang matuto akong
bumasa, binabalik-balikan ko sa Lumang Tipan.
evd: Noong nakaraang katapusan ng Pebrero 2009, nasa Guimba, Nueva Ecija ako. Nagsalita ako tungkol sa pagtula. Tinanong ko sa mga umatend doon ang tinanong
ko sa iyo. Pare-pareho ang mga sagot nyo.
Tapos, nagtanong ulit ako: “May natatandaan ba kayong nangyaring baha sa
ating probinsya mahigit 30 taon na ang nakakaraan? Ginunaw ng bahang ito
ang mga ilog at bukid at pangarap ng libo-libong pamilya.”
EVD: Anong
sagot nila?
evd: Wala
ni isa ang nakasagot. Alam mo kung
bakit?
EVD: Dahil
walang nagkuwento, walang nakasulat? O
kung mayroon man ay wala nang nakakaalala, walang nagbabasa? O iba ang kuwento?
evd: Ngayon, lumabas ka muna sa sinasabi mong “insignificant” kong
karanasan. Ano ang nakikita mo sa mga
komunidad sa Pilipinas?
EVD: Mahirap. Nawawala na ang
mga bukid, nasisira ang kalikasan. Parami ang subdivision, mall, golf courses. Nagwawatak-watak ang mga
pamilya, maraming nag-aabroad, maraming lumilikas dahil sa gera.
evd: Sabihin
mo ngayon na walang saysay ang pagsulat tungkol sa paglikas ng libo-libong
pamilya para bigyang daan ang pagtatayo ng dam.
EVD: Nakikita
ko ang punto ng sinabi mong ugnayan ng lahat ng bagay.
evd: May napapansin
ka ba sa takbo ng ating usapan?
EVD: (Nagtataka,
nag-iisip)
evd: Ako na
ngayon ang nagtatanong. Ganito rin ang
aking sinusulat. Sa una, babasahin,
uusisain pero sa proseso, wala mang mga pangungusap na direktang nagtatanong,
uusisain na rin nito ang bumabasa. Sabi
ko, buhay tayo at kung ganon ang akdang sinusulat ko at ang mga tauhang nililikha ko ay buhay
at may kakayahang mag-usisa at magtanong.
EVD: Balikan
natin ang sinasabi mong pangungumpisal. Kung wala kang layunin na irekonstrak ang
realidad sa sinusulat mo, ano ang ikukumpisal mo?
evd: Mga
personal na karanasan at interpretasyon ko ng nangyayari sa paligid. Walang may kakayahang irekonstrak ang
nakaraan. Sabi ni Milan Kundera, explorasyon
ng samutsaring posibilidad ng pag-iral ng tao sa daigdig.
EVD: Posibilidad?
evd: Dahil hindi naman tunay na buhay ang katha, mga posibilidad
lamang ang ipinapakita nito.
EVD: Pero sabi mo pangungumpisal. Kung ganon, paglalahad ng mga
pangyayaring naranasan mismo ng manunulat.
evd: Sa sinusulat ko, lahat ng karanasan ng tauhan, lahat ng mga
pangyayari ay dumaan sa aking sensibilidad, sa aking kamalayan. At ang aking
sensibilidad at kamalayan ay hinubog ng sarili kong panahon at ng kung
saan ako nakatindig. Kung ganon,
nakasanib sa aking sinusulat ang mga personal kong karanasan, pananaw sa buhay,
at kung ano-ano pa.
Narito,
halimbawa, ang aking galak at galit, ang poot at pait na naranasan ko sa
paglubog ng Pantabangan. Pero tulad ng sinabi ko, hindi ito
pangungumpisal na humihingi ng absolusyon.
EVD: Ano pala?
evd: Pag-usig sa lipunan. Pag-usisa kung bakit may nagugutom, kung
bakit may mga batang nawawalan ng pagkakataong makapaglaro, kung bakit may
bayang ililikas palayo sa kalikasang salalayan ng kanilang buhay.
EVD: Kasama ‘yan sa sinusulat mo?
evd: Siyam
na taon si Kujak noong palubugin ang bayan nila. Inilipat sila sa tuktok ng tuyot na bundok.
Nalibing sa dam ang kanilang mga bukid at ilog.
EVD: Naalala ko noong naghuhuli tayo ng mga tutubi at tipaklong,
noong nag-aaral tayong lumangoy sa ilog-Bundang.
evd: Hindi rekonstruksyon ng nakalipas pero nagpapaalala,
nagbibigay ng palatandaan ng nakaraan. Anti-tesis
ng paglimot, ng pag-uulyanin. Kilala
natin si Noah, kilala natin ang posibilidad ng kaligtasan mula sa baha sa
pamamagitan ng arko.
EVD: Dahil
may nagtala?
evd: Dahil
may nagtala, dahil may nangumpisal. Sa simula’t simula, alam na ng ating mga
ninuno ang halaga nito sa kanilang pag-iral.
Halimbawa,
binalaan ni Agyu ang kanyang mga kalaban na kapag nalipol silang lahat ay wala nang
magkukuwento ng kadakilaan ng kanilang lahi.
Ganito kahalaga, maging sa ating mga ninuno, ang pagtatala, ang
pagkukuwento, ang pangungumpisal.
EVD: Maganda
‘yong sinasabi mo na pangungumpisal pero hindi para humingi ng kapatawaran.
evd: Pakikipag-usap sa sarili, sa lipunan. Hindi
sa kapatawarang igagawad ng pari nagtatapos, hindi sa bilang ng Aba Ginoong
Maria at Ama Namin na dadasalin ng nagkasala.
Hindi kapanatagan ng loob ang layunin ng aking pangungumpisal.
Pambubuliglig, gusto kong mambuliglig.
EVD: Paano
mo ba tatapusin ang sinusulat mo? Ano
ang mangyayari kay Kujak sa wakas?
evd: Pag-usapan muna natin ang problema niya. Ayaw niyang magpatuli pero pipilitin siya ng
kanyang Tatang.
EVD: Kaya sa wakas ay magpapatuli siya?
evd: Hindi pero matutuli siya.
EVD: Ang gulo.
evd: Ano kayang magandang pamagat, a, oo, TULI NA SI KUJAK.
EVD: Pero sabi mo di siya nagpatuli.
evd: Kahit ano, basta. Hindi pagbiyak lamang sa lambi ng utin ang
pagtutuli. Ang mas mahalagang gusto kong
sabihin, hindi nagtatapos ang kuwento ng sinusulat ko sa wakas nito.
EVD: Lalo nang gumulo.
evd: Wala itong tiyak na
wakas dahil sa kamalayan ng mambabasa ang pook ng tunggalian nito, natural kung
ganon na doon din ito magwawakas kung magwawakas nga. Kailan ba nagwawakas
ang kamalayan? At kung ganoon, kailan nagwawakas ang kuwento?
EVD: Hindi
tumitigil ang kamalayan sa pagtatanong at pagsagot ng mga tanong. Hindi ito
nakakulong sa utak ng indibidwal na tao.
evd: Dinamikong
puwersa ng gunita ang akda. Itong sinusulat ko ay hindi isang tapos nang tala
ng nakalipas kundi isang tinig na nagtatangkang bumihag sa temperamento ng inilalarawan kong
daigdig.
EVD: Pantabangan?
evd: Pantabangan, 1974, noong palubugin ang bayan natin. Pero
lampas pa doon ang posibilidad ng pag-iral na gusto kong ipakita.
EVD: Kung naghahapag ka ng posibilidad, sinasabi mo bang may pag-asa
pa ang buhay?
evd: Gusto kong maghapag ng hamon at pag-asa.Gusto kong hamunin ang
mambabasa na muling tingnan, na buligligin ang kanyang sarili. Sa ganito, gaano man kadilim ang isinusulat
ko, desperasyon man ng buhay ng tauhan
ang inilalalrawan ko, naghahapag pa rin ako ng pag-asa.
EVD: Paano ‘yon?
evd: Ganyan naman tumrabaho ang kamalayan. Walang
patlang ang paglabas-masok nito sa aktuwal at potensyal, sa realidad at
posibilidad.
Halika,
basahin mo ‘tong ilang talang sinulat ko.
TUNGKOL SA PANTABANGAN para sa sinusulat na nobela o
epiko o kung ano mang itatawag.
Kailangang itala (ikuwento?) para hindi mawala sa
gunita, mas malupit kaysa katahimikan ang pagkaligta o paglimot.
Bago bumaha,
bago ang aktuwal na delubyo, bumaha muna ng mga balita, ng magagandang
balita. Papalubugin ang Pantabangan,
dakilang sakripisyo para sa nakakarami.
Rumagasa ang tone-toneladang pataba at pestisidyo, ang sandamakmak na
patalastas tungkol sa Masagana 99 at Green Revolution ng mga Marcos.
Bago ang
delubyo, bumaha muna ng mga papuri at pabuya para sa mga taga-Pantabangan.
Dakilang bayan, inialay ang sarili para sa kaunlaran. Mga dambuhalang envelop at mapipintog na
sobreng ipinamudmod sa mga lokal na opisyal.
Sangkatutak din ang dumating na nutriban para sa mga sikmura at
kamalayang kumakalam.
Bumaha rin ng mga teknokrat, ng mga inhenyero, mga
arkitekto, at mga social worker na siyang nakiramdam sa temperatura ng
taumbayan. Bumaha
ng mga trak at umuugong na lagare. Bumaha ng protesta kaya bumaha rin ng sundalo. Bumaha ng kuwento tungkol sa mga tagabulag,
‘yong mga lalaking nangingisako ng mga batang inihahalo sa semento para maging matibay
ang tulay o ang gusali. Sa gitna ng lahat ng ito, sabi
ng isang matandang mang-aawit:
Anhin
ko nang saklap
Anhin
ko nang pait
Dulot
ng gobyerno
Sa
ati’y pasakit.
34
na taon lamang ang nakalipas at nabaon na sa banlik ng paglimot ang lahat, nalibing
na sa tubig-dam ang exodus ng isang komunidad mula sa kanilang mga ilog at
bukid.
EVD: Pero bakit ka maglulunoy sa nakalipas? Ano pa ba ang kailangang tuklasin sa
nakaraan?
evd: Hindi ako sumusulat para tumuklas ng isang preserbadong
identidad ng lahing Pantabangan o humukay ng isang ginintuang kahapon ng bayan
natin. Totoong ang ginagawa ko ay paghahanap ng identidad pero hindi ito
nakasandig sa archaeology. Parang ‘yong
sinasabi ni Stuart Hall, produksyon ng identidad na nakasandig sa muling-pagsasalaysay
ng nakaraan.
EVD: Muling
pagsasalaysay?
evd: Oo,
hindi rekonstruksyon. May mga bida sa kasaysayang tinuturing nating totoo at
sagrado, pero kung uusisain, mandarambong
pala at kaaway ng bayan.
EVD: Halimbawa?
evd: Paano
nangyaring ang malalawak na parang at bulubundukin ngayon ng Pantabangan ay
kinukubkob at inaaari na ng mga Angara at ng mga Joson? Dahil madalas silang mag-donate ng kabaong sa
pamilyang namamatayan? Dahil lagi silang
ninong ng mga nagpapakasal nating kababayan?
EVD: Tatapatin
kita, ano ba talaga ang silbi ng sinusulat mo sa mga kababayan natin? Kaya ba ng akda mo na tipunin ang mga
nagkawatak-watak na pamilya dahil sa kahirapan?
Makakapagdagdag ba ‘yan ng putahe sa dulang ng mga magsisibuyas sa
Abuyo.
evd: Tulad
ng sinabi ko, pagbabakasakali ang tanging katiyakang taglay ng sinusulat
ko. Pero tiyak ang layunin kong
makapagpaalala ng kahalagahan ng paglingon sa pinanggalingan. Hihiramin ko ang sinabi ni Frantz Fanon:
“Perhaps this passionate research... are kept up or at least directed by the
secret hope of discovering beyond the misery of today, beyond self-contempt,
resignation and abjuration, some very beautiful and splendid era whose
existence rehabilitates us both in regard to ourselves and in regard to
others.” Dagdag niya: “...there is
nothing to be ashamed of the past.”
Pagdudahan
mo na ang tungkol sa “beautiful and splendid era” ng Pantabangan. Ang mas mahalaga, sa sinusulat ko ay maipakita kong wala tayong
dapat ikahiya sa ating lumipas.
II.
Gusto kong umuwi pero di ko magawa. Magastos. Kabuhayan na naming mag-anak sa isang linggo
ang pamasahe pauwi sa Panatabangan. Pero walang patid ang pagsalakay ng gunita
ng mga karanasang gusto kong buhayin sa aking sinusulat. Wala silang patawad, dumadalaw maging sa
panaginip. Kagabi, nagpakita si Kuyang
Esing sa akin, kumakaway. Parang alam
niyang kung ilang taon ko nang pinagpaplanuhan na makakuwentuhan siya. Napakarami niyang kuwento tungkol sa
Pantabangan, bukod pa sa mga dokumentong iniingatan niya – mga papeles,
litrato, iba’t ibang babasahin.
Lalong sumidhi ang kagustuhan kong umuwi nang
mabalitaan ko na isa-isa nang nalalagas ang mga tagapag-ingat ng kuwento ng
Pantabangan. Namatay na si Tang Bering,
isang musiko na wala pa ako’y katuwang na ng mga pari sa simbahan. Paano na ang mga sarili niyang komposisyon na
balak kong isama sa aking pag-aaral?
Wala na rin si Tang Anwar at si Tang Pat “Bom”
Romero. Nuno ng pagpapatawa si Tang
Anwar. Bubuka pa lamang ang bibig niya
para umpisahan ang kanyang kuwento, humahalakhak na ang mga nakikinig sa
kanya. Kahit paulit-ulit ang kuwento,
tatawa at tatawa pa rin ang nakikinig sa kanya.
Si Tang Pat naman ay mahusay sa pagtatalumpati, sa pag-iimbento ng kung
ano-anong mga boses. Sino kaya ang
nakapag-rekord ng kanilang mga kuwento?
Binawian na rin ng buhay si Tang Alyong. Ang matanda na kahuli-hulihang umalis sa Pantabangan.
Dinidilaan na ng tubig ang haligi ng bahay niya, napapaligiran na siya ng
tubig, ayaw pa rin niyang lumipat sa bagong bayan. May makapagkuwento pa kaya ng lawak at lalim
ng pagtutol niya sa pagtatayo ng dam?
Maraming baul ng mga kuwento tungkol sa Pantabangan
ang di na mabubuksan.
Kaya nitong nakaraang buwan, sabi ko sa sarili ko:
“Uuwi na talaga ako, magpitpitan man ng bayag.”
Buti na lamang at walang ibang nakarinig; walang pipitpit. Habang sinusulat ko ito, tatlong araw na ang
bakbakan ng mga NPA at militar sa isang sitio ng Pantabangan na nasa bawnderi
ng Castañeda at
Baler. Wala nang pasok ang mga bata sa
Malbang Elementary School dahil inililikas na rito ang mga taong naiipit sa
gera. At santambak ang tsekpoynt ng militar sa loob at
labas ng bayan kong sawi.
“Huwag
ka nang tumuloy,” payo ng kumpare kong postmaster sa Pantabangan. Delikado raw.
Kung bakit naman itong mga kababayan
kong nasa poder, aywan kung kanino kumukuha ng balita. Ayaw nilang maniwalang hindi ako NPA. Kaya
raw di na ako umuuwi ay nasa bundok nga ako.
Sabi ko, nagtuturo ako
sa UPLB. “Kaya pala, nasa UP ka
pala.” Walang katuwiran sa ganoong mga
tao.
Mukhang matatagalan pa bago ako makauwi, sana hindi
pa naman maubos ang mga tagapag-ingat ng aming mga kuwento.
Dumagdag pang problema itong nangyayari ngayon dito
sa UPLB. Kasama ako sa binibintangang
komunista at terorista at tagasuporta ng mga komunistang grupo sa kampus. Southern Tagalog pa naman ito, batas ni
Palparan ang naghahari.
Noong una, hindi ko pinapansin, baka nang-aasar
lamang. Aba, akalain mong hindi lamang pala
sa email pinadaan ang black propaganda. Santambak
palang registered mail -- sambuntong brown envelop -- ang nakalagak sa UPLB
post office. At pinadalhan halos lahat
ng titser sa kampus. Mapera.
Tapos,
minsan sa isang worksyap ng mga makatang estudyante sa kampus na ako ng
facilitate, mga alas-7 ng gabi na noon, akalain mong binantayan kami ng isang
mama, mga ka-edad ko siguro. Halos isang oras siyang nakatunganga, nakikinig sa
amin sa harap ng main library.
Ituloy
natin ang ikalawang bahagi ng panayam:
EVD: Paano
mo tatapusin ‘yong proyekto mo, hindi ka makauwi?
evd: Tatapusin ko. Uuwi ako.
EVD: Delikado nga sabi ng kumpare mo. Di ka
ba natatakot?
evd: Takot. Pero, matatapos din naman ang gera
dun, aalis din ang mga tsekpoynt.
EVD: Ipagpalagay na, paano ang pamasahe mo? Ang panggastos mo? Sabagay may mga kamag-anak ka pa naman yata dun.
evd: Marami pa akong kamag-anak dun, may mga kapatid. Pero
dadalawin ko lamang sila, ayaw kong makabigat. May bahay at lote sana ako doon,
pero dahil wala naman akong trabaho dun, pinagbili ko na. Bahala na,
magpapalipat-lipat na lamang siguro ako sa mga kaibigan. Tutal ilang araw
lamang naman ako doon.
EVD: Pamasahe?
evd: Hahaha, di mo ba nabalitaan may natanggap akong grant.
EVD: A, ‘yong sa Tanikalang
Tubig, ‘yong proposal mong mga tula tungkol sa Pantabangan? (Bumulong:
“Pantabangan na naman”). Bakit magkano ba matatanggap mo?
evd: Sixty
percent daw ng annual salary, minus tax.
Puwede na.
EVD: ‘Ba okey na ‘yan, kesa wala.
O kailan ang uwi mo? At bakit nga pala “uwi” ang
termino mo, e wala ka naman nang bahay doon.
evd: Sa
dinadami-dami ng natirahan ko sa loob ng mahigit 20 taon mula noong umalis ako
doon, Pantabangan pa rin ang tahanan ko.
EVD: Senti? hehehe.
evd: Siguro. Pero doon ako lumaki, nagkaisip. Basta pakiramdam
ko nakalagak doon ang buo kong pagkatao.
EVD: Paano ‘yan, nasa ilalim ng dam ang iyong pagkatao?
evd: Kaya nga kailangang sisirin.
EVD: Sana di
ka malunod. Jowk! Paano ‘yong
red-baiting dito sa UPLB?
evd: Paanong
paano?
EVD: Paano
kung tirahin ka halimbawa.
evd: Di naman siguro, mag-iingat na lamang.
EVD: Ba’t ba sa palagay mo idinamay ka ng grupong ‘yon? Ano na nga ‘yon?
evd: SAY-ACT,
Students and Youth Against Communism and Terrorism.
EVD: Ano
bang pinaggagagawa mo? Di ba nga
counter-revolutionary ang tingin sa iyo ng ilang tibak dito?
evd: Ewan ko nga ba?
Nagtuturo lamang naman ako, naghahanap-buhay.
EVD: Ano-ano bang pinagtututuro mo?
evd: Gaya ng mga pinag-usapan natin. Tungkol sa panitikan, tungkol sa
pambubuliglig. Minsan, pag may rali
sumasama ako. Minsan, nagsasalita sa mga forum, lalo na noong si Haring David
pa ang Kanselor dito.
EVD: Ba’t di na lang tungkol diyan ang sulatin mo? Di ka
na aalis.
evd: Puwede rin, kaya lang mababaw pa ang paghuhugutan ko. Di tulad
kung tungkol sa Pantabangan, umaapaw, parang di matutuyuan. Andami ko na ngang nasulat na tula. May nakahanay na isang nobela, itong Tuli na
si Kujak . Tapos ‘yon pang grant. Andami. Ako ang
hindi makaugaga.
EVD: Kunsabagay.
evd: Sabi
ni Jun Cruz sa klase namin, “find your voice, find your territory.” Siguro Pantabangan na ang teritoryo ko. ‘Yong
boses, baka wala pa akong sarili pero pakinggan mo ‘to:
Ang problema, sa akin nabubunton lahat ng galit nya.
Bahagya syang may hindi magustuhang ginawa ko, magpapanting agad ang tainga
nya. Minsan nga kahit ala akong
ginagawa. Gaya nung minsan, bigla na
laang nya kong sininghalan, putris ka, kundi dahil sa kaduwarkugan mo, tuli ka
na sana ngayon, ala ka na sanang problema!
Parang gusto na kong isakmol ng mata nya sa pagtitig sa akin.
EVD: Parang narinig
ko tayo noong maliliit pa tayo!
evd: Mismo!
‘Kala koy inirumpi na ng puntong-ibaba ‘yong mga anta, ampay, suskurugo natin.
EVD: Hahaha, matutuwa sila Kulano, si Ating Trud pag narinig o
nabasa nila yan. Tayka sinong nagsabi niyan?
evd: A di sino pa, si KUJAK. Nagmumuryot siyang totoo kasi gusto
siyang ipatuli ng Tatang niya ay ayaw niya, kaya binibintangan siyang duwarkog.
EVD: ‘Yan pa laang! Talagang gagalakgak ang makakabasa niyan.
evd: Sana nga. At sana hindi lamang sila matuwa, sana maalala rin
nila ang kanilang kamusmusan, sana makakita sila ng palatandaan ng mga bagay na
dapat lingunin.
EVD: Sana nga makauwi ka, makauwi tayo.
evd: Sana.
Noong isang linggo, sumulat kami kay Chancellor
Velasco, humihingi kami ng institutional protection para sa mga tulad namin na
hina-harass, at inilalagay sa panganib ang buhay. Wala pang sagot. Kinakabahan
ako tuwing lalabas ako ng bahay, tuwing darating ako ng gabi galing sa
klase sa UP Diliman.
Paano
kung dukutin ako at isalbeyds. Nakakalungkot isipin, nakakalungkot kung
mangyayari ‘yon. Pero wala namang tigil
ang kuwento, hindi naman ito nakakulong sa utak ko o sa utak ni Jun Cruz o sa
kung kanino man. Tulad ng walang patid
na pagsalakay sa akin ng mga gunita ng Pantabangan, hindi titigil ang kuwento sa pagbasag ng
katahimikan. Hindi ito mananahimik kahit
pinatahimik na ang kuwentista, maliban na lamang kung nag-ulyanin na ang buong
sambayanan, maliban na lamang kung wala nang marunong bumasa ng mga palatandaan.
EVD: Paano
nga kung tirahin ka? Paano ang Tanikalang Tubig, paano si Kujak?
evd: Nabuksan na natin ang kanilang bibig, mawala man tayo,
ikukuwento na nila ang sarili nilang mga kuwento.