Kulay Kalawang Na Landas-Paa
Tinutuklap ng sikat ng araw ang aking batok, naglalakad ako sa kulay kalawang na landas-paa sa isang tuyot na parang. Naninilaw ang mga damo, nangingitim ang bakod na kawayan sa gawing kaliwa. Malabo ang tanawin sa kanan, maliban sa mga nakatinghas na puno ng talahib. Sa gawing unahan, kinakawayan ako ng mga sinampay – lampin, pajama, kumot, at iba pang damit-pambata. Patuloy ako sa paglakad hanggang makarating ako sa tiwangwang na pinto ng isang barungbarong. Pagsilip ko, sinalubong ako ng puting liwanag. Nagising ako.
Mula 1980 hanggang 1987, paulit-ulit akong dinalaw ng panaginip na iyon. Minsan, gabi-gabi sa loob ng isang linggo. Minsan, kahit sa pag-idlip ko sa tanghali. Dumalas ito nang dumalas noong lumabas ako sa seminaryo noong 1983. Nakatanggap ako noon ng sulat kay Inang na nagsasabing hanapin ko raw si Ate sa Maynila. Mainit ang sitwasyon ng bansa noon, kamamatay ni Ninoy at kabi-kabila ang pagkilos laban sa diktadura ni Marcos. Kabi-kabila rin ang sinasalihan kong gawain at organisasyon. Dahil dito, nakaligtaan ko ang tungkol sa sulat at hindi ko pinansin ang paulit-ulit kong panaginip.
Hanggang isang araw, may paabot mula kay Inang na nasa Tondo raw si Ate. Nagkataong nasa Maynila ako noon at walang iskedyul. Pumunta agad ako sa direksyong sinabi ni Inang. Pero, wala na raw doon ang hinahanap kong babae, sabi ng aleng pinagtanungan ko. Mga tatlong buwan na raw siyang umalis at hindi nila alam kung saan lumipat.
Parang wala ako sa aking sarili noon pero naramdaman kong tiyak ang aking mga hakbang. Sumakay ako ng jip papuntang Fairview. Hindi ko namalayan ang biyahe. Pagkalampas ng Batasan, pumara ako, naglakad hanggang makarating sa isang bakanteng lote.
Kumanan ako: kulay kalawang na landas-paa, naninilaw na damo, bakod na kawayan, parang tinutuklap ang batok ko sa init ng araw. Tinunton ko ang landas-paa. Kumakampay ang mga sinampay na damit ng bata sa bandang unahan. Nagtuloy-tuloy ako. Dugtong-dugtong, dikit-dikit ang mga barung-barong, hindi malaman kung saan nagsisimula at nagtatapos ang mga bahay. Pagdating ko sa isang bukas na pinto, sumilip ako.
Natutulog ang isang bagong silang na sanggol, pinapaypayan ng babaeng maputla at humpak ang pisngi – si Ate.