Sa Tuktok Ng Isang Burol


Hindi ko pa ito naisusulat, alam kong tapos na ito. Nakita ko ang sarili kong binubuklat ang talaan ng kanyang mga panaginip; nakita ko ang sarili kong nakabisikleta, binabalikan ang mga lugar na pinuntahan niya sa kanyang pagtulog; nakita ko ang sarili kong tumitipa sa tiklado ng kompyuter.

At habang pinapanood ko ang sarili kong ginagawa ang lahat ng ito, nakatayo ako sa tuktok ng isang burol. Inililipad ng hangin ang aking buhok at ang laylayan ng suot kong puting long sleeve. Minamasdan ko ang sarili kong nakamasid rin sa sarili kong nagkukumahog sa pagsulat ng kanyang mga panaginip.




Antigong Bahay


Wala akong pakpak pero lumilipad ako. Nagpapasikot-sikot sa mga ulap, pumapaimbulog, bumubulusok, lumulutang na parang balahibo, nagpapasirko-sirko.

Mahigit dalawampung taon na akong nanaginip nang ganito. At pare-pareho ang aking karanasan: matatapos ang aking paglipad sa isang antigong bahay na mukhang itinayo noong panahon ng Amerikano. Hindi ko malaman kung nasa labas o nasa loob ako. Ang sigurado ko, nasa ilalim ako ng kisame, nakaharap sa kulay abong dingding na may nakaukit na disenyo ng isang halamang baging, hindi ko matiyak kung poison ivy o ano.

Sa bandang taas malapit sa tuktok ng bubong (lagi ko itong tinitingala sa tuwing mapapanaginipan ko ito) nakaangat ang aluminyum na alulod na may disenyong katulad ng nasa dingding. Kinakapitan ito ng dilaw-berdeng mga lumot.

Abandonado ang antigong bahay; ni minsan ay hindi ako nakakita ng tao o hayop doon. Wala rin akong narinig na anumang tinig o tunog.

Kung ano ang matutuklasan ko kaugnay ng antigong bahay na iyon, sa buhay-panaginip man o buhay-gising, wala akong mabanaag na kahit anong palatandaan.

Kalsadang Korteng Tagdan Ng Tirador


Lumilipad ako, una mabilis at mataas, natatanaw ko ang mga bundok at bukid. Mayamaya, babagal at bababa ang lipad ko, hanggang makita ko na ang mga bubong. Tapos bigla akong bubulusok. Halos mabunot ang aking mga buhok, halos malunod ako sa hangin. Mayamaya lumabo ang paligid. Pagliwanag, nakatayo na ako sa kalsadang korteng tagdan ng tirador, nakaharap sa sangandaaan Biglang sumakit ang dibdib ko, parang tambol na kinakabog. Nagising ako.

May kung ilang buwan ding hindi ako hiniwalayan ng panaginip na ‘yon. Huminto lamang simula noong ako at ang dalawa kong kasama ay arestuhin ng militar sa Cabanatuan City noong 1984. Pauwi na kami noon galing sa inorganisa naming anti-US military bases symposium. Si dating Vice-President Teofisto Guingona ang speaker namin noon. Andami naming dalang polyetos at mga tirang sandwich at mga juice sa tetra pack. Naglakad lamang kami para makatipid sa pamasahe. Mayamaya biglang kumabog ang dibdib ko, halos hindi ako makahinga. Umupo ako sandali. Pinagtatalunan ng mga kasama ko kung kakaliwa kami o kakanan. Hindi ko na matandaan kung ano ang naging desisyon namin, basta ang alam ko, lumiko kami at nagpatuloy sa paglakad.

Mayamaya, pinapaligiran na kami ng mga mamang bundat at nakabaril, iyong iba naka-uniporme, iyong iba nakasibilyan. Dinala kami sa headquarters ng militar at pinagbintangang maghahatid ng pagkain sa mga kasama raw naming NPA. Mahigit limang oras ang interogasyon sa amin, at may patikim pang romansang-militar. Tatlong araw ko ring pinagaling ang bukol ko sa noo na tumama sa gilid ng mesa nang sipain ako ng bantay kong namumutok sa laki ang tiyan.


Kulay Kalawang Na Landas-Paa


Tinutuklap ng sikat ng araw ang aking batok, naglalakad ako sa kulay kalawang na landas-paa sa isang tuyot na parang. Naninilaw ang mga damo, nangingitim ang bakod na kawayan sa gawing kaliwa. Malabo ang tanawin sa kanan, maliban sa mga nakatinghas na puno ng talahib. Sa gawing unahan, kinakawayan ako ng mga sinampay – lampin, pajama, kumot, at iba pang damit-pambata. Patuloy ako sa paglakad hanggang makarating ako sa tiwangwang na pinto ng isang barungbarong. Pagsilip ko, sinalubong ako ng puting liwanag. Nagising ako.

Mula 1980 hanggang 1987, paulit-ulit akong dinalaw ng panaginip na iyon. Minsan, gabi-gabi sa loob ng isang linggo. Minsan, kahit sa pag-idlip ko sa tanghali. Dumalas ito nang dumalas noong lumabas ako sa seminaryo noong 1983. Nakatanggap ako noon ng sulat kay Inang na nagsasabing hanapin ko raw si Ate sa Maynila. Mainit ang sitwasyon ng bansa noon, kamamatay ni Ninoy at kabi-kabila ang pagkilos laban sa diktadura ni Marcos. Kabi-kabila rin ang sinasalihan kong gawain at organisasyon. Dahil dito, nakaligtaan ko ang tungkol sa sulat at hindi ko pinansin ang paulit-ulit kong panaginip.

Hanggang isang araw, may paabot mula kay Inang na nasa Tondo raw si Ate. Nagkataong nasa Maynila ako noon at walang iskedyul. Pumunta agad ako sa direksyong sinabi ni Inang. Pero, wala na raw doon ang hinahanap kong babae, sabi ng aleng pinagtanungan ko. Mga tatlong buwan na raw siyang umalis at hindi nila alam kung saan lumipat.

Parang wala ako sa aking sarili noon pero naramdaman kong tiyak ang aking mga hakbang. Sumakay ako ng jip papuntang Fairview. Hindi ko namalayan ang biyahe. Pagkalampas ng Batasan, pumara ako, naglakad hanggang makarating sa isang bakanteng lote.

Kumanan ako: kulay kalawang na landas-paa, naninilaw na damo, bakod na kawayan, parang tinutuklap ang batok ko sa init ng araw. Tinunton ko ang landas-paa. Kumakampay ang mga sinampay na damit ng bata sa bandang unahan. Nagtuloy-tuloy ako. Dugtong-dugtong, dikit-dikit ang mga barung-barong, hindi malaman kung saan nagsisimula at nagtatapos ang mga bahay. Pagdating ko sa isang bukas na pinto, sumilip ako.

Natutulog ang isang bagong silang na sanggol, pinapaypayan ng babaeng maputla at humpak ang pisngi – si Ate.


Nangyari Na Ang Nangyayari


Minsan papunta ako sa Bataan, may babaeng tumabi sa akin sa bus. Pagka-upong pagka-upo niya, naramdaman ko agad na kilala ko siya, na nagkita na kami, na nakatabi ko na siya sa mismong upuang iyon.

Nangyari na ‘yon alam ko, hindi ko lamang maisip kaagad noon kung kailan. Pagdating sa Orani, pumara ang babae. Sinundan ko siya ng tingin at bago siya nawala sa aking mata, naalala ko kung saan kami nagkita: sa panaginip. At hindi lamang minsan, paulit-paulit. Sa parehong upuan sa kaliwang gilid ng bus at parehong panahon – papalubog ang araw.

Paulit-ulit at magkakasalikop na panaginip:

Nangyari na ito hindi ko lamang maalala kung kailan. Katabi ko rin ang babaeng katabi ko ngayon, tinititigan ko ang mga guhit na iniukit ng ngiti sa gilid ng kanyang mga mata. Tinitiketan siya ng konduktor. Ngumunguya ako ng babolgam at tumitipa ang talampakan sa ritmo ng "Nena" ni Heber Bartolome na kinakanta ng drayber. Magaan ang pakiramdam ko sa kanya, singgaan ng hibla ng aking buhok na nasa labas ng bintana, palutang-lutang na sumasabay sa alon ng bus.

Nangyari na ito. Pareho kaming papunta sa Bataan – siya sa Orani at ako, sa Mariveles. Nagkuwentuhan kami, nagtawanan. Isinuot pa nga niya sa akin ‘yong Ray Ban na nakasabit sa blouse niya ngayon. Nilukot ko naman ang binabasa kong diyaryo at iniabot sa kanya.

Mga ilang minuto pagkababa niya, naalala ko kung saan kami nagkita: sa panaginip. At hindi lamang minsan, paulit-paulit. Sa parehong upuan sa kaliwang gilid ng bus at parehong panahon – papalubog ang araw.