Ang Talinghaga ng Nawawalang Titser


Minsan may isang dakilang Titser na preparadong-preparado ang mga lesson at handang-handang pumalaot sa online teaching.  Armadong-armado sa pagharap sa pananalakay  
ng pandemya at pananalanta ng bagyo.

Isang araw, napansin niyang paunti nang paunti ang mga mukhang nakamaang sa kanyang 
mga lektyur.  At ang mga natitira, sinisinok na  ang koneksyon kay Lord Google. Agad na 
na-trigger ang compassion ng dakilang Titser.  

Nagdeklara siya ng ekstensyon ng semestre, para may panahong makapagpasa ng asignatura 
ang mga estudyante.  Nagtakda siya ng recovery period para makahabol sa pagbabasa ang mga estudyante. 

Sabi niya: May tiwala ako sa inyo, kaya n’yo yan! At sagana kayo sa options.  
Nariyan ang  INCOMPLETE o kaya DEFERRED. Tutal extended ang semestre at andami ko nang ginawang adjustment sa mga requirement ng klase.  

Konsern ako sa inyong pagkatuto. Kaya hinding-hindi natin pa-iiskorin sa klase ang panawagang “Mass Promotion”.   Ang “Pass All” ay  prime example ng creative laziness. 

Amen.









MINSAN MAY ISANG BURNIK


Takipsilim noon sa Bundok Makiling. May isang burnik na nabunot 
sa tumbong ng malignong napautot nang matapilok at bumagsak. 

Tumalsik ang burnik sa gilid ng kanal. Nakaladkad ng kombatbuts 
ng isang mangangaso.  Sumampid sa dawag at ipinadpad ng hangin 
sa sanga ng isang punong akasya.  

Umusal ng dasal ang burnik: “Salamat sa kalayaan, mahal kong utot. 
Lagi mo sana akong patnubayan.”

Umukyabit ito sa bagong usbong na dahon at agad na sinipsip ang katas nito. 
Hindi nagtagal, humaba ito at nagsanga-sanga ang mga hibla.  Tila matatalas 
na heringgilya sa pagsipsip sa katas ng bawat mapuluputang sanga.  
Walang binatbat ang mga limatik, na nagpulasan dahil sa takot.

Hanggang malingkis nito ang buong puno at naging tila ganap na punong-kahoy
ang burnik.  Malalabay ang sanga at mayayabong ang mga dahon.  

Isang umaga, dahil sa nagsakliwat na sariling mga sungot at sanga at dahon, dilim 
ang nasilayan ng burnik.  “Nasaan ka araw?, singhal nito.  “Wala kang kuwenta!”  

Umaapuhap pa lamang noon ng sinag ang araw.  Nangangapa dahil katatapos
lamang ng nakasusulasok na dilim sa Bundok Makiling.

“Walang kuwenta!” muling sigaw ng burnik.    “Bibigyan ko ng aral 
ang mapangaraping araw na ‘yan!”.  Umalingawngaw sa kalawakan ang boses
ng burnik.  

“Hangin, umihip ka.  Patalsikin ang walang silbing araw na ‘yan!”  Tiniyak  
na maririnig siya ng inaakala niyang mga tagasunod niya sa Bundok Makiling. 

Agad namang tumalima ang inutusan.  Nang bumuga ang habagat,  nagliwanag 
ang paligid.  At nagbunyi ang bawat puno, bawat baging, bawat damo, bawat bulaklak,
bawat prutas.  Sa gitna nila, umaaringking ang burnik, nakapulupot sa bumagsak 
na punong inaanay ang mga ugat.