Takipsilim noon sa Bundok Makiling. May isang burnik na nabunot
sa tumbong ng malignong napautot nang matapilok at bumagsak.
Tumalsik ang burnik sa gilid ng kanal. Nakaladkad ng kombatbuts
ng isang mangangaso. Sumampid sa dawag at ipinadpad ng hangin
sa sanga ng isang punong akasya.
Umusal ng dasal ang burnik: “Salamat sa kalayaan, mahal kong utot.
Lagi mo sana akong patnubayan.”
Umukyabit ito sa bagong usbong na dahon at agad na sinipsip ang katas nito.
Hindi nagtagal, humaba ito at nagsanga-sanga ang mga hibla. Tila matatalas
na heringgilya sa pagsipsip sa katas ng bawat mapuluputang sanga.
Walang binatbat ang mga limatik, na nagpulasan dahil sa takot.
Hanggang malingkis nito ang buong puno at naging tila ganap na punong-kahoy
ang burnik. Malalabay ang sanga at mayayabong ang mga dahon.
Isang umaga, dahil sa nagsakliwat na sariling mga sungot at sanga at dahon, dilim
ang nasilayan ng burnik. “Nasaan ka araw?, singhal nito. “Wala kang kuwenta!”
Umaapuhap pa lamang noon ng sinag ang araw. Nangangapa dahil katatapos
lamang ng nakasusulasok na dilim sa Bundok Makiling.
“Walang kuwenta!” muling sigaw ng burnik. “Bibigyan ko ng aral
ang mapangaraping araw na ‘yan!”. Umalingawngaw sa kalawakan ang boses
ng burnik.
“Hangin, umihip ka. Patalsikin ang walang silbing araw na ‘yan!” Tiniyak
na maririnig siya ng inaakala niyang mga tagasunod niya sa Bundok Makiling.
Agad namang tumalima ang inutusan. Nang bumuga ang habagat, nagliwanag
ang paligid. At nagbunyi ang bawat puno, bawat baging, bawat damo, bawat bulaklak,
bawat prutas. Sa gitna nila, umaaringking ang burnik, nakapulupot sa bumagsak
na punong inaanay ang mga ugat.