Ang Talinghaga ng Nawawalang Titser


Minsan may isang dakilang Titser na preparadong-preparado ang mga lesson at handang-handang pumalaot sa online teaching.  Armadong-armado sa pagharap sa pananalakay  
ng pandemya at pananalanta ng bagyo.

Isang araw, napansin niyang paunti nang paunti ang mga mukhang nakamaang sa kanyang 
mga lektyur.  At ang mga natitira, sinisinok na  ang koneksyon kay Lord Google. Agad na 
na-trigger ang compassion ng dakilang Titser.  

Nagdeklara siya ng ekstensyon ng semestre, para may panahong makapagpasa ng asignatura 
ang mga estudyante.  Nagtakda siya ng recovery period para makahabol sa pagbabasa ang mga estudyante. 

Sabi niya: May tiwala ako sa inyo, kaya n’yo yan! At sagana kayo sa options.  
Nariyan ang  INCOMPLETE o kaya DEFERRED. Tutal extended ang semestre at andami ko nang ginawang adjustment sa mga requirement ng klase.  

Konsern ako sa inyong pagkatuto. Kaya hinding-hindi natin pa-iiskorin sa klase ang panawagang “Mass Promotion”.   Ang “Pass All” ay  prime example ng creative laziness. 

Amen.









MINSAN MAY ISANG BURNIK


Takipsilim noon sa Bundok Makiling. May isang burnik na nabunot 
sa tumbong ng malignong napautot nang matapilok at bumagsak. 

Tumalsik ang burnik sa gilid ng kanal. Nakaladkad ng kombatbuts 
ng isang mangangaso.  Sumampid sa dawag at ipinadpad ng hangin 
sa sanga ng isang punong akasya.  

Umusal ng dasal ang burnik: “Salamat sa kalayaan, mahal kong utot. 
Lagi mo sana akong patnubayan.”

Umukyabit ito sa bagong usbong na dahon at agad na sinipsip ang katas nito. 
Hindi nagtagal, humaba ito at nagsanga-sanga ang mga hibla.  Tila matatalas 
na heringgilya sa pagsipsip sa katas ng bawat mapuluputang sanga.  
Walang binatbat ang mga limatik, na nagpulasan dahil sa takot.

Hanggang malingkis nito ang buong puno at naging tila ganap na punong-kahoy
ang burnik.  Malalabay ang sanga at mayayabong ang mga dahon.  

Isang umaga, dahil sa nagsakliwat na sariling mga sungot at sanga at dahon, dilim 
ang nasilayan ng burnik.  “Nasaan ka araw?, singhal nito.  “Wala kang kuwenta!”  

Umaapuhap pa lamang noon ng sinag ang araw.  Nangangapa dahil katatapos
lamang ng nakasusulasok na dilim sa Bundok Makiling.

“Walang kuwenta!” muling sigaw ng burnik.    “Bibigyan ko ng aral 
ang mapangaraping araw na ‘yan!”.  Umalingawngaw sa kalawakan ang boses
ng burnik.  

“Hangin, umihip ka.  Patalsikin ang walang silbing araw na ‘yan!”  Tiniyak  
na maririnig siya ng inaakala niyang mga tagasunod niya sa Bundok Makiling. 

Agad namang tumalima ang inutusan.  Nang bumuga ang habagat,  nagliwanag 
ang paligid.  At nagbunyi ang bawat puno, bawat baging, bawat damo, bawat bulaklak,
bawat prutas.  Sa gitna nila, umaaringking ang burnik, nakapulupot sa bumagsak 
na punong inaanay ang mga ugat. 

  





Pagbuklat sa banlik ng paglimot: Panayam


Panayam ito ng manunulat sa kanyang sarili, hindi minsan kundi paulit-ulit.  Panimulang sisid ito sa mga bakit kaugnay ng balak niyang sulating disertasyon.  Hindi pa tiyak kung saang bahagi ito ng disertasyon ilalagay, ang mahalaga, kinikipil na rito ang pananaw at paninindigan ng manunulat ukol sa kanyang panulat.  Gaya ng mababasa rito, hindi pa pirmis kung ano talaga ang genre na kanyang sinusulat, puwedeng nobela, puwedeng epiko, puwedeng kalipunan ng mga tula. “Ewan”, sabi niya tungkol sa bagay na ito.


I.
EMMANUEL V. DUMLAO:            Anong pinagkakaabalahan mo  ngayon?
emmanuel v. dumlao:                    Dati pa rin, ‘yong sinusulat ko.
EVD:      Anong genre?
evd:       Di ko alam, ewan.  Kahit  ano. Basta tungkol sa Pantabangan, tungkol sa dam. Sabi ko kay Jun Cruz tulang nobela na parang epiko.
EVD:      Jun Cruz?
evd:       Pedro Jun Cruz Reyes, prof  ko.
EVD:      ‘Yong sumulat ng “Utos ng Hari”?
evd:       Ng  Etsa-puwera at Amado, at kung anu-ano pa.
EVD:      Oo, kilala ko, astig ‘yon. Teka, sabi mo tungkol sa dam?
evd:       Marami akong gustong sabihin tungkol sa pagpapalubog sa bayan namin?
EVD:      Bakit?
evd:       Marami nang nag-uulyanin, kailangan ng paalala.  May mga lumalabo na rin ang paningin, kailangan ng pananda, ng babala.
EVD:      Parang kalendaryong binilugan ang mga importanteng petsa?  Parang road signs?
evd:       Kalendaryo ...  Puwede, pero hindi tungkol sa petsa ‘yong sinusulat ko. 
EVD:      Ano pala?
evd:       Paalala na maraming karanasan na kapag di sinisid, habambuhay na lamang na matatabunan ng banlik, ng putik.
EVD:      Gaya ng?
evd:       May mga tumutol sa pagpapalubog ng Pantabangan.
EVD:      (Tumango)
evd:       Tungkol sa sinabi mong road signs, parang ganon din pero hindi. 
EVD:      Anong ibig mong sabihin?
evd:       Hindi ito magtuturo ng tamang daan o magbabawal sa mambabasa na kumaliwa o kumanan  o dumiretso o bumalik o tumigil.
EVD:      Ano pala ‘yong binanggit mong pananda, ‘yong babala.
evd:       Kapag  may karanasan na katulad nitong sinusulat ko, baka makapagbigay ito ng pananda o babala para sa isang matalinong pagpapasya.
EVD:      Baka? Hindi ka tiyak?
evd:       Hindi ko hawak ang utak at desisyon ng mambabasa ko.
EVD:      Kung gusto mong magpaalala tungkol sa mga karanasang pinangangambahan mong makalimutan, historikal kung ganon ang sinusulat mo?
evd:       Anong ibig mong sabihin?
EVD:      Mga akdang naglalarawan ng mga tunay na nangyari sa kasaysayan.
evd:       May isinulat ako tungkol sa pagtatalik ng patak ng luha at butil ng alikabok na siyang sinibulan ng mga bukid at sanga-sangang ilog ng Pantabangan.  Wala pa ang pinakaunang tao sa daigdig noon, paano mo malalaman kung tunay o hindi ang aking sinulat?
EVD:      Fiction kung ganon? Pero sabi mo tungkol sa dam, tungkol sa mga karanasang  kailangang sisirin.
evd:       Isinusulat ko ngayon ang pag-uusap nating ito. Paano mapapatunayan ng babasa nito na tunay ang usapan natin?
EVD:      Paano ‘yong sinasabi mong karanasan?
evd:       Karanasang hinabi ko sa aking isip, batay sa mga stimulus na nahagip ng aking senses at nanatili sa  aking memorya.
EVD:      Hindi pala mapagkakatiwalaang paalala at babala ang sinusulat mo.
evd:       At  alin ang mapagtitiwalaan?  Libro sa kasaysayan?  Hindi ba likhang-isip din ng mga  historyador ang kanilang mga isinasalaysay?
EVD:      Ibig mong sabihin, walang pagkakaiba ang kasaysayan at kung ano man ‘yang literary genre na sinusulat mo? 
evd:       Nasaksihan man o hindi ng manunulat ang isang pangyayari,  kapag isinulat niya ito, dumadaan ito sa kanyang imahinasyon.
EVD:      At kung ganon ay fiction? Hindi mapagkakatiwalaan, kung ganon, ang mga libro sa kasaysayan?
evd:       Hindi rekonstruksyon ng aktuwal na pangyayari ang concern ko sa sinusulat ko.
EVD:      Kaninong karanasan ang gusto mong sisirin?
evd:       Lumilikha ako ng mga tauhan na may sariling buhay at karanasan.  Maaring tumugma ang paglalarawan ko sa aktuwal na karanasan pero  nakatanim sa kukote ko na kathang-isip ang ginagawa ko. Isang mundong inspirado ng mundo ng kamusmusan ko at ng mundo ko ngayon.
EVD:      Kaninong karanasan ang gusto mong sisirin?
evd:       Karanasan ko. ‘Yong karanasan mo, ikaw ang sisisid,  ‘yong sa mga kababayan natin, sila.  Sana makainspayr ako ng pagsisid.
EVD:      Kanya-kanyang sisid? Akala ko ikaw, sa pamamagitan ng akda mo, ang sisid sa mga karanasan.
evd:       Paalala at palatandaan o babala lamang ang kaya kong gawin sa aking akda, ang kayang gawin ng aking akda.  Kung mayron man akong kayang sisirin, ‘yong mga sarili kong karanasan.  At sinisisid ko na sila ngayon,  humihinga na sila ngayon sa aking sinusulat. 
EVD:      Humihinga bilang paalala o palatandaan sa iba?
evd:       Baka sakaling sa pamamagitan ng akdang ito makita mo halimbawa ang mga bagay na di mo dating binibigyang-pansin, baka sakaling may maalala kang karanasang nakalimutan mo na, baka sakaling mapatigil ka at maglimi kung didiretso ka, kakanan, kakaliwa, o mananatili.
EVD:      Baka sakali.
evd:       ‘Yon lamang ang kaya kong tiyakin,  ang pagbabakasakaling makapagpaalala, makapagbigay-tanda o babala.
EVD:      Sabi mo nagsusulat ka para makapambuliglig.
evd::      Teka, saan? Kailan?
EVD:      Sa MA thesis mo.
evd:       Hahaha! Kaya nga dapat magsulat para walang nakakalimot.
EVD:      Ganoon pa rin ang paniwala mo?  Nambubuliglig ka pa rin sa iyong mga sinusulat?
evd:       May iba pa bang tungkulin ang panitikan?  Nagpapaalala, nagbibigay-palatandaan o babala – lahat ng ito ay porma ng pambubuliglig.
EVD:      Paano ka makakapambubuliglig kung nakapokus lamang sa Pantabangan ang sinusulat mo? Napakalawak ng Pilipinas at napakaraming mga pangyayaring di hamak na mas malaki at importante kaysa sa sinapit ng isang liblib na  bayang tulad ng Pantabangan.
evd:       At idagdag mo pa, karanasan lamang ng isang siyam na taong bata sa loob ng isang buwan ang isinusulat ko.
EVD:      Napaka-insignificant.
evd:       Ni hindi ko inakalang tatanim sa puso ko ang “Macondo” ni Marquez; na hangga ngayon naririnig ko pa ang boses ng mga patay sa Spoon River ni Masters;  na hangga ngayon naaaninag ko pa ang lampara ng  tagabantay sa parola sa Poro Point ni Hufana.  
EVD:      Pero ang mga binanggit mo ay nagtataglay ng mga unibersal na pagpapahalaga, mga insight na komon sa lahat ng tao.
evd:       Hinuhubog ng kanyang-kanyang pook at panahon ang bawat bagay, ang bawat pagpapahalaga.  Walang unibersal sa pakahulugang  “karanasan ng isa, karanasan ng lahat”.  Kasama na rito ang pinagkakatiwalaan mong libro ng kasaysayan.
                Ang meron ay ugnayan ng lahat ng bagay.
EVD:      May kaugnayan ka sa mga kathang isip na tauhan at lugar na binanggit mo?
evd:       Pinapaalala nilang kailangan kong sisirin ang aking nakaraan.  Binibigyan nila ako ng babala na kailangan kong bumalik,  ng palatandaan kung ano ang kailangan kong balikan.  Una rito ang pagbabalik sa sariling karanasan at pagtatala ng mga ito.
                Heto pa. Ni hindi ko alam kung anong klaseng isda ang Berkakan o kung nasaan talaga ang islang Tarangban, pero nagpapaalala ito sa akin ng sarili kong mga berkakan at tarangban.  Palatandaan ito at babala ng maraming posibilidad sa buhay ko.
EVD:      Kumpisal  kung ganon ang sinusulat mo?
evd:       Sige, hihiramin ko ang termino mo, pangungumpisal. Pero hindi sa isang pari kundi sa sarili, oo, higit sa lahat sa sarili. At syempre sa mga mambabasa, sa sambayanan.
EVD:      Hindi ko maintindihan.
evd:       Hindi mo dapat intindihin, damhin mo ang nangyayari sa atin ngayon.
EVD:      Anong nangyayari?
evd:       Kinakausap mo ako na sarili mo habang itinatala naman ng isa pang sarili natin ang ating pinag-uusapan.  Inuusisa, inuusig natin ang isa’t isa. Ikaw na si EMMANUEL VILLAJUAN DUMLAO ay ako na si emmanuel villajuan dumlao at tayong dalawa ay nasa taong kasalukuyang tumitipa sa tiklado ng laptop na kasangkapan sa pagtatala ng usapang ito.
EVD:      Ibig sabihin, umiiral lamang tayo ngayon sa imahinasyon ng sarili nating kumakatha at nagtatala ng panayam na ito?
evd:       Sino ngayon ang magsasabi kung alin ang tunay at hindi?  Buhay tayo.  Sa oras na may ibang magbasa ng usapan nating ito, matutulungan natin siya sa paggunita ng sarili niyang pangungumpisal sa  kanyang sarili. Tunay man o hindi ang engkuwentro, ang  mahalaga buhay tayo at patuloy na mabubuhay.  Ganito kahalaga ang panulat, ang kuwento.
EVD:      Nakuha ko ang punto mo tungkol sa paalala upang di makalimot. 
evd:       May itatanong ako sa iyo?
EVD:      (Nakatingin kay evd, naghihintay ng tanong)
evd:       Paano nagunaw ang daigidig na kilala mo?
EVD:      (Matagal na nag-isip) Baha, bumaha.
evd:       Paano nakaligtas ang mga tao?
EVD:      Gumawa ng  arko si Noah, isinakay niya doon ang kanyang angkan pati ang mga hayup.
evd:       Paano mo nalaman ‘yan?  Bakit natatandaan mo ang nangyari  libo-libong taon na ang nakaraan?
EVD:      Noong maliit pa ako, kinukuwento yan sa akin ng Impo.  At nang matuto akong bumasa, binabalik-balikan ko sa Lumang Tipan.
evd:       Noong nakaraang katapusan ng Pebrero 2009,  nasa Guimba, Nueva Ecija ako.  Nagsalita ako tungkol sa pagtula.  Tinanong ko sa mga umatend doon ang tinanong ko sa iyo.  Pare-pareho ang  mga sagot nyo.  Tapos, nagtanong ulit ako: “May natatandaan ba kayong nangyaring baha sa ating probinsya mahigit 30 taon na ang nakakaraan?  Ginunaw ng bahang ito ang mga ilog at bukid at pangarap ng libo-libong pamilya.”
EVD:      Anong sagot nila?
evd:       Wala ni isa ang nakasagot.  Alam mo kung bakit?
EVD:      Dahil walang nagkuwento, walang nakasulat?  O kung mayroon man ay wala nang nakakaalala, walang nagbabasa? O iba ang kuwento?
evd:       Ngayon, lumabas ka muna sa sinasabi mong “insignificant” kong karanasan.  Ano ang nakikita mo sa mga komunidad sa Pilipinas?
EVD:      Mahirap.  Nawawala na ang mga bukid, nasisira ang kalikasan.  Parami ang subdivision, mall, golf courses. Nagwawatak-watak ang mga pamilya, maraming nag-aabroad, maraming lumilikas dahil sa gera.
evd:       Sabihin mo ngayon na walang saysay ang pagsulat tungkol sa paglikas ng libo-libong pamilya para bigyang daan ang pagtatayo ng dam.
EVD:      Nakikita ko ang punto ng sinabi mong ugnayan ng lahat ng bagay.
evd:       May napapansin ka ba sa takbo ng ating usapan?
EVD:      (Nagtataka, nag-iisip)
evd:       Ako na ngayon ang nagtatanong.  Ganito rin ang aking sinusulat.  Sa una, babasahin, uusisain pero sa proseso, wala mang mga pangungusap na direktang nagtatanong, uusisain na rin nito ang bumabasa.  Sabi ko, buhay tayo at kung ganon ang akdang sinusulat  ko at ang mga tauhang nililikha ko ay buhay at may kakayahang mag-usisa at magtanong.
EVD:      Balikan natin ang sinasabi mong pangungumpisal.  Kung wala kang layunin na irekonstrak ang realidad sa sinusulat mo, ano ang ikukumpisal mo?
evd:       Mga personal na karanasan at interpretasyon ko ng nangyayari sa paligid.  Walang may kakayahang irekonstrak ang nakaraan.  Sabi ni Milan Kundera, explorasyon ng samutsaring posibilidad ng pag-iral ng tao sa daigdig.
EVD:      Posibilidad?
evd:       Dahil hindi naman tunay na buhay ang katha, mga posibilidad lamang ang ipinapakita nito.
EVD:      Pero sabi mo pangungumpisal. Kung ganon, paglalahad ng mga pangyayaring naranasan mismo ng manunulat.
evd:       Sa sinusulat ko, lahat ng karanasan ng tauhan, lahat ng mga pangyayari ay dumaan sa aking sensibilidad, sa aking kamalayan.  At ang aking sensibilidad  at kamalayan  ay hinubog ng sarili kong panahon at ng kung saan ako nakatindig.  Kung ganon, nakasanib sa aking sinusulat ang mga personal kong karanasan, pananaw sa buhay, at kung ano-ano pa.
                Narito, halimbawa, ang aking galak at galit, ang poot at pait na naranasan ko sa paglubog ng Pantabangan.  Pero tulad ng sinabi ko, hindi ito pangungumpisal na humihingi ng absolusyon.
EVD:      Ano pala?
evd:       Pag-usig sa lipunan. Pag-usisa kung bakit may nagugutom, kung bakit may mga batang nawawalan ng pagkakataong makapaglaro, kung bakit may bayang ililikas palayo sa kalikasang salalayan ng kanilang buhay.
EVD:      Kasama ‘yan sa sinusulat mo?
evd:       Siyam na taon si Kujak noong palubugin ang bayan nila.  Inilipat sila sa tuktok ng tuyot na bundok.  Nalibing sa dam ang kanilang mga bukid at ilog.
EVD:      Naalala ko noong naghuhuli tayo ng mga tutubi at tipaklong, noong nag-aaral tayong lumangoy sa ilog-Bundang.
evd:       Hindi rekonstruksyon ng nakalipas pero nagpapaalala, nagbibigay ng palatandaan ng nakaraan.  Anti-tesis ng paglimot, ng pag-uulyanin.  Kilala natin si Noah, kilala natin ang posibilidad ng kaligtasan mula sa baha sa pamamagitan ng arko.
EVD:      Dahil may nagtala?
evd:       Dahil may nagtala, dahil may nangumpisal. Sa simula’t simula, alam na ng ating mga ninuno ang halaga nito sa kanilang pag-iral.
                Halimbawa, binalaan ni Agyu ang kanyang mga kalaban na  kapag nalipol silang lahat ay wala nang magkukuwento ng kadakilaan ng kanilang lahi.  Ganito kahalaga, maging sa ating mga ninuno, ang pagtatala, ang pagkukuwento, ang pangungumpisal. 
EVD:      Maganda ‘yong sinasabi mo na pangungumpisal pero hindi para humingi ng kapatawaran. 
evd:       Pakikipag-usap sa sarili, sa lipunan. Hindi sa kapatawarang igagawad ng pari nagtatapos, hindi sa bilang ng Aba Ginoong Maria at Ama Namin na dadasalin ng nagkasala.  Hindi kapanatagan ng loob ang layunin ng aking pangungumpisal. Pambubuliglig, gusto kong mambuliglig.
EVD:      Paano mo ba tatapusin ang sinusulat mo?  Ano ang mangyayari kay Kujak sa wakas?
evd:       Pag-usapan muna natin ang problema niya.  Ayaw niyang magpatuli pero pipilitin siya ng kanyang Tatang.
EVD:      Kaya sa wakas ay magpapatuli siya?
evd:       Hindi pero matutuli siya.
EVD:      Ang gulo.
evd:       Ano kayang magandang pamagat, a, oo, TULI NA SI  KUJAK.
EVD:      Pero sabi mo di siya nagpatuli.
evd:       Kahit ano, basta.  Hindi pagbiyak lamang sa lambi ng utin ang pagtutuli.  Ang mas mahalagang gusto kong sabihin, hindi nagtatapos ang kuwento ng sinusulat ko sa wakas nito.
EVD:      Lalo nang gumulo.
evd:       Wala  itong tiyak na wakas dahil sa kamalayan ng mambabasa ang pook ng tunggalian nito, natural kung ganon na doon din ito magwawakas kung magwawakas nga.  Kailan ba nagwawakas ang kamalayan? At kung ganoon, kailan  nagwawakas ang kuwento?
EVD:      Hindi tumitigil ang kamalayan sa pagtatanong at pagsagot ng mga tanong. Hindi ito nakakulong sa utak ng indibidwal na tao.
evd:       Dinamikong puwersa ng gunita ang akda. Itong sinusulat ko ay hindi isang tapos nang tala ng nakalipas kundi isang tinig na nagtatangkang  bumihag sa temperamento ng inilalarawan kong daigdig. 
EVD:      Pantabangan?
evd:       Pantabangan, 1974, noong palubugin ang bayan natin. Pero lampas pa doon ang posibilidad ng pag-iral na gusto kong ipakita.
EVD:      Kung naghahapag ka ng posibilidad, sinasabi mo bang may pag-asa pa ang buhay?
evd:       Gusto kong maghapag ng hamon at pag-asa.Gusto kong hamunin ang mambabasa na muling tingnan, na buligligin ang kanyang sarili.  Sa ganito, gaano man kadilim ang isinusulat ko,  desperasyon man ng buhay ng tauhan ang inilalalrawan ko, naghahapag pa rin ako ng pag-asa.
EVD:      Paano ‘yon?
evd:       Ganyan naman tumrabaho ang kamalayan. Walang patlang ang paglabas-masok nito sa aktuwal at potensyal, sa realidad at posibilidad.
                Halika, basahin mo ‘tong ilang talang sinulat ko.

               
                TUNGKOL SA PANTABANGAN para sa sinusulat na nobela o epiko o kung ano mang itatawag.
                Kailangang itala (ikuwento?) para hindi mawala sa gunita, mas malupit kaysa katahimikan ang pagkaligta o paglimot.

                Bago  bumaha, bago ang aktuwal na delubyo, bumaha muna ng mga balita, ng magagandang balita.  Papalubugin ang Pantabangan, dakilang sakripisyo para sa nakakarami.  Rumagasa ang tone-toneladang pataba at pestisidyo, ang sandamakmak na patalastas tungkol sa Masagana 99 at Green Revolution ng mga Marcos.

                Bago  ang delubyo, bumaha muna ng mga papuri at pabuya para sa mga taga-Pantabangan. Dakilang bayan, inialay ang sarili para sa kaunlaran.  Mga dambuhalang envelop at mapipintog na sobreng ipinamudmod sa mga lokal na opisyal.  Sangkatutak din ang dumating na nutriban para sa mga sikmura at kamalayang kumakalam.

                Bumaha rin ng mga teknokrat, ng mga inhenyero, mga arkitekto, at mga social worker na siyang nakiramdam sa temperatura ng taumbayan.  Bumaha ng mga trak at umuugong na lagare. Bumaha ng protesta kaya bumaha rin ng sundalo.  Bumaha ng kuwento tungkol sa mga tagabulag, ‘yong mga lalaking nangingisako ng mga batang inihahalo sa semento para maging matibay ang tulay o ang gusali. Sa gitna ng lahat ng ito, sabi ng isang matandang mang-aawit:

                                                Anhin ko nang saklap
                                                Anhin ko nang pait
                                                Dulot ng gobyerno
                                                Sa ati’y pasakit.

                34 na taon lamang ang nakalipas at nabaon na sa banlik ng paglimot ang lahat, nalibing na sa tubig-dam ang exodus ng isang komunidad mula sa kanilang mga ilog at bukid.

EVD:      Pero bakit ka maglulunoy sa nakalipas?  Ano pa ba ang kailangang tuklasin sa nakaraan?
evd:       Hindi ako sumusulat para tumuklas ng isang preserbadong identidad ng lahing Pantabangan o humukay ng isang ginintuang kahapon ng bayan natin. Totoong ang ginagawa ko ay paghahanap ng identidad pero hindi ito nakasandig sa archaeology.  Parang ‘yong sinasabi ni Stuart Hall, produksyon ng identidad na nakasandig sa muling-pagsasalaysay ng nakaraan.
EVD:      Muling pagsasalaysay?
evd:       Oo, hindi rekonstruksyon. May mga bida sa kasaysayang tinuturing nating totoo at sagrado, pero kung uusisain,  mandarambong pala at kaaway ng bayan.
EVD:      Halimbawa?
evd:       Paano nangyaring ang malalawak na parang at bulubundukin ngayon ng Pantabangan ay kinukubkob at inaaari na ng mga Angara at ng mga Joson?  Dahil madalas silang mag-donate ng kabaong sa pamilyang namamatayan? Dahil lagi silang  ninong ng mga nagpapakasal nating kababayan?
EVD:      Tatapatin kita, ano ba talaga ang silbi ng sinusulat mo sa mga kababayan natin?  Kaya ba ng akda mo na tipunin ang mga nagkawatak-watak na pamilya dahil sa kahirapan?  Makakapagdagdag ba ‘yan ng putahe sa dulang ng mga magsisibuyas sa Abuyo.
evd:       Tulad ng sinabi ko, pagbabakasakali ang tanging katiyakang taglay ng sinusulat ko.  Pero tiyak ang layunin kong makapagpaalala ng kahalagahan ng paglingon sa pinanggalingan.  Hihiramin ko ang sinabi ni Frantz Fanon: “Perhaps this passionate research... are kept up or at least directed by the secret hope of discovering beyond the misery of today, beyond self-contempt, resignation and abjuration, some very beautiful and splendid era whose existence rehabilitates us both in regard to ourselves and in regard to others.”  Dagdag niya: “...there is nothing to be ashamed of the past.”
                Pagdudahan mo na ang tungkol sa “beautiful and splendid era” ng Pantabangan.  Ang mas mahalaga,  sa sinusulat ko ay maipakita kong wala tayong dapat ikahiya sa ating lumipas.  

II.
                Gusto kong umuwi pero di ko magawa. Magastos.  Kabuhayan na naming mag-anak sa isang linggo ang pamasahe pauwi sa Panatabangan. Pero walang patid ang pagsalakay ng gunita ng mga karanasang gusto kong buhayin sa aking sinusulat.  Wala silang patawad, dumadalaw maging sa panaginip. Kagabi,  nagpakita si Kuyang Esing sa akin, kumakaway.  Parang alam niyang kung ilang taon ko nang pinagpaplanuhan na makakuwentuhan siya.  Napakarami niyang kuwento tungkol sa Pantabangan, bukod pa sa mga dokumentong iniingatan niya – mga papeles, litrato, iba’t ibang babasahin.

                Lalong sumidhi ang kagustuhan kong umuwi nang mabalitaan ko na isa-isa nang nalalagas ang mga tagapag-ingat ng kuwento ng Pantabangan.  Namatay na si Tang Bering, isang musiko na wala pa ako’y katuwang na ng mga pari sa simbahan.  Paano na ang mga sarili niyang komposisyon na balak kong isama sa aking pag-aaral?

                Wala na rin si Tang Anwar at si Tang Pat “Bom” Romero.  Nuno ng pagpapatawa si Tang Anwar.  Bubuka pa lamang ang bibig niya para umpisahan ang kanyang kuwento, humahalakhak na ang mga nakikinig sa kanya.  Kahit paulit-ulit ang kuwento, tatawa at tatawa pa rin ang nakikinig sa kanya.  Si Tang Pat naman ay mahusay sa pagtatalumpati, sa pag-iimbento ng kung ano-anong mga boses.  Sino kaya ang nakapag-rekord ng kanilang mga kuwento?

                Binawian na rin ng buhay si Tang Alyong.  Ang matanda na  kahuli-hulihang umalis sa Pantabangan. Dinidilaan na ng tubig ang haligi ng bahay niya, napapaligiran na siya ng tubig, ayaw pa rin niyang lumipat sa bagong bayan.  May makapagkuwento pa kaya ng lawak at lalim ng pagtutol niya sa pagtatayo ng dam?

                Maraming baul ng mga kuwento tungkol sa Pantabangan ang di na mabubuksan.
                Kaya nitong nakaraang buwan, sabi ko sa sarili ko: “Uuwi na talaga ako, magpitpitan man ng bayag.”  Buti na lamang at walang ibang nakarinig; walang pipitpit.  Habang sinusulat ko ito, tatlong araw na ang bakbakan ng mga NPA at militar sa isang sitio ng Pantabangan na nasa bawnderi ng Castañeda at Baler.  Wala nang pasok ang mga bata sa Malbang Elementary School dahil inililikas na rito ang mga taong naiipit sa gera. At santambak ang tsekpoynt ng militar sa loob at labas ng bayan kong sawi.

                “Huwag ka nang tumuloy,” payo ng kumpare kong postmaster sa Pantabangan.  Delikado raw.  Kung bakit naman  itong mga kababayan kong nasa poder, aywan kung kanino kumukuha ng balita.  Ayaw nilang maniwalang hindi ako NPA. Kaya raw di na ako umuuwi ay nasa bundok nga ako.  Sabi ko, nagtuturo ako sa UPLB.  “Kaya pala, nasa UP ka pala.”  Walang katuwiran sa ganoong mga tao.

                Mukhang matatagalan pa bago ako makauwi, sana hindi pa naman maubos ang mga tagapag-ingat ng aming mga kuwento.

                Dumagdag pang problema itong nangyayari ngayon dito sa UPLB.  Kasama ako sa binibintangang komunista at terorista at tagasuporta ng mga komunistang grupo sa kampus.  Southern Tagalog pa naman ito, batas ni Palparan ang naghahari. 

                Noong una, hindi ko pinapansin, baka nang-aasar lamang.  Aba, akalain mong hindi lamang pala sa email pinadaan ang black propaganda. Santambak palang registered mail -- sambuntong brown envelop -- ang nakalagak sa UPLB post office.  At pinadalhan halos lahat ng titser sa kampus.  Mapera.

                Tapos, minsan sa isang worksyap ng mga makatang estudyante sa kampus na ako ng facilitate, mga alas-7 ng gabi na noon, akalain mong binantayan kami ng isang mama, mga ka-edad ko siguro. Halos isang oras siyang nakatunganga, nakikinig sa amin sa harap ng main library. 

                Ituloy natin ang ikalawang bahagi ng panayam:

EVD:      Paano mo tatapusin ‘yong proyekto mo, hindi ka makauwi?
evd:       Tatapusin ko. Uuwi ako.
EVD:      Delikado nga sabi ng kumpare mo. Di ka ba natatakot?
evd:       Takot.  Pero, matatapos din naman  ang gera dun, aalis din ang mga tsekpoynt.
EVD:      Ipagpalagay na, paano ang pamasahe mo? Ang panggastos mo?  Sabagay may mga kamag-anak  ka pa naman yata dun.
evd:       Marami pa akong kamag-anak dun, may mga kapatid. Pero dadalawin ko lamang sila, ayaw kong makabigat. May bahay at lote sana ako doon, pero dahil wala naman akong trabaho dun, pinagbili ko na. Bahala na, magpapalipat-lipat na lamang siguro ako sa mga kaibigan. Tutal ilang araw lamang naman ako doon.
EVD:      Pamasahe?
evd:       Hahaha, di mo ba nabalitaan may natanggap akong grant.
EVD:      A, ‘yong sa Tanikalang Tubig, ‘yong proposal mong mga tula tungkol sa Pantabangan? (Bumulong: “Pantabangan na naman”).  Bakit magkano ba matatanggap mo?
evd:       Sixty percent daw ng annual salary, minus tax.  Puwede na.
EVD:      ‘Ba okey na ‘yan, kesa wala.  O kailan ang uwi mo? At bakit nga pala “uwi” ang termino mo, e wala ka naman nang bahay doon.
evd:       Sa dinadami-dami ng natirahan ko sa loob ng mahigit 20 taon mula noong umalis ako doon,  Pantabangan pa rin ang tahanan ko.
EVD:      Senti? hehehe.
evd:       Siguro.  Pero  doon ako lumaki, nagkaisip. Basta pakiramdam ko nakalagak doon ang  buo kong pagkatao.
EVD:      Paano ‘yan, nasa ilalim ng dam ang iyong pagkatao?
evd:       Kaya nga kailangang sisirin.
EVD:      Sana di ka malunod. Jowk!  Paano ‘yong red-baiting dito sa UPLB?
evd:       Paanong paano?
EVD:      Paano kung tirahin ka halimbawa.
evd:       Di naman siguro, mag-iingat na lamang.
EVD:      Ba’t ba sa palagay mo idinamay ka ng grupong ‘yon? Ano na nga ‘yon?
evd:       SAY-ACT, Students and Youth Against Communism and Terrorism. 
EVD:      Ano bang pinaggagagawa mo?  Di ba nga counter-revolutionary ang tingin sa iyo ng ilang tibak dito?
evd:       Ewan ko nga ba?  Nagtuturo lamang naman ako, naghahanap-buhay.
EVD:      Ano-ano bang pinagtututuro mo?
evd:       Gaya ng mga pinag-usapan natin.  Tungkol sa panitikan, tungkol sa pambubuliglig.  Minsan, pag may rali sumasama ako. Minsan, nagsasalita sa mga forum, lalo na noong si Haring David pa ang Kanselor dito. 
EVD:      Ba’t di na lang tungkol diyan ang sulatin mo?  Di  ka na aalis.
evd:       Puwede rin, kaya lang mababaw pa ang paghuhugutan ko. Di tulad kung tungkol sa Pantabangan, umaapaw, parang di matutuyuan.  Andami ko na ngang nasulat na tula.  May nakahanay na isang nobela, itong  Tuli na si Kujak . Tapos ‘yon pang grant. Andami. Ako ang hindi makaugaga.
EVD:      Kunsabagay.
evd:       Sabi ni Jun Cruz sa klase namin, “find your voice, find your territory.”  Siguro Pantabangan na ang teritoryo ko. ‘Yong boses, baka wala pa akong sarili pero pakinggan mo ‘to:
                Ang problema, sa akin nabubunton lahat ng galit nya. Bahagya syang may hindi magustuhang ginawa ko, magpapanting agad ang tainga nya.  Minsan nga kahit ala akong ginagawa.  Gaya nung minsan, bigla na laang nya kong sininghalan, putris ka, kundi dahil sa kaduwarkugan mo, tuli ka na sana ngayon, ala ka na sanang problema!  Parang gusto na kong isakmol ng mata nya sa pagtitig sa akin.
EVD:      Parang narinig ko tayo noong maliliit pa tayo!
evd:       Mismo! ‘Kala koy inirumpi na ng puntong-ibaba ‘yong mga anta, ampay, suskurugo natin.
EVD:      Hahaha, matutuwa sila Kulano, si Ating Trud pag narinig o nabasa nila  yan.  Tayka sinong nagsabi niyan?
evd:       A di sino pa, si KUJAK. Nagmumuryot siyang totoo kasi gusto siyang ipatuli ng Tatang niya ay ayaw niya, kaya binibintangan siyang duwarkog.
EVD:      ‘Yan pa laang! Talagang gagalakgak ang makakabasa niyan.
evd:       Sana nga. At sana hindi lamang sila matuwa, sana maalala rin nila ang kanilang kamusmusan, sana makakita sila ng palatandaan ng mga bagay na dapat lingunin.
EVD:      Sana nga makauwi ka, makauwi tayo. 
evd:       Sana.

                Noong isang linggo, sumulat kami kay Chancellor Velasco, humihingi kami ng institutional protection para sa mga tulad namin na hina-harass, at inilalagay sa panganib ang buhay. Wala pang sagot.  Kinakabahan  ako tuwing lalabas ako ng bahay, tuwing darating ako ng gabi galing sa klase sa UP Diliman. 

                Paano kung dukutin ako at isalbeyds. Nakakalungkot isipin, nakakalungkot kung mangyayari ‘yon.  Pero wala namang tigil ang kuwento, hindi naman ito nakakulong sa utak ko o sa utak ni Jun Cruz o sa kung kanino man.  Tulad ng walang patid na pagsalakay sa akin ng mga gunita ng Pantabangan,  hindi titigil ang kuwento sa pagbasag ng katahimikan.  Hindi ito mananahimik kahit pinatahimik na ang kuwentista, maliban na lamang kung nag-ulyanin na ang buong sambayanan, maliban na lamang kung wala nang marunong bumasa  ng mga palatandaan.
EVD:      Paano nga kung tirahin ka?  Paano ang Tanikalang Tubig, paano si Kujak?

evd:       Nabuksan na natin ang kanilang bibig, mawala man tayo, ikukuwento na nila ang sarili nilang mga kuwento.

Sa Tuktok Ng Isang Burol


Hindi ko pa ito naisusulat, alam kong tapos na ito. Nakita ko ang sarili kong binubuklat ang talaan ng kanyang mga panaginip; nakita ko ang sarili kong nakabisikleta, binabalikan ang mga lugar na pinuntahan niya sa kanyang pagtulog; nakita ko ang sarili kong tumitipa sa tiklado ng kompyuter.

At habang pinapanood ko ang sarili kong ginagawa ang lahat ng ito, nakatayo ako sa tuktok ng isang burol. Inililipad ng hangin ang aking buhok at ang laylayan ng suot kong puting long sleeve. Minamasdan ko ang sarili kong nakamasid rin sa sarili kong nagkukumahog sa pagsulat ng kanyang mga panaginip.




Antigong Bahay


Wala akong pakpak pero lumilipad ako. Nagpapasikot-sikot sa mga ulap, pumapaimbulog, bumubulusok, lumulutang na parang balahibo, nagpapasirko-sirko.

Mahigit dalawampung taon na akong nanaginip nang ganito. At pare-pareho ang aking karanasan: matatapos ang aking paglipad sa isang antigong bahay na mukhang itinayo noong panahon ng Amerikano. Hindi ko malaman kung nasa labas o nasa loob ako. Ang sigurado ko, nasa ilalim ako ng kisame, nakaharap sa kulay abong dingding na may nakaukit na disenyo ng isang halamang baging, hindi ko matiyak kung poison ivy o ano.

Sa bandang taas malapit sa tuktok ng bubong (lagi ko itong tinitingala sa tuwing mapapanaginipan ko ito) nakaangat ang aluminyum na alulod na may disenyong katulad ng nasa dingding. Kinakapitan ito ng dilaw-berdeng mga lumot.

Abandonado ang antigong bahay; ni minsan ay hindi ako nakakita ng tao o hayop doon. Wala rin akong narinig na anumang tinig o tunog.

Kung ano ang matutuklasan ko kaugnay ng antigong bahay na iyon, sa buhay-panaginip man o buhay-gising, wala akong mabanaag na kahit anong palatandaan.

Kalsadang Korteng Tagdan Ng Tirador


Lumilipad ako, una mabilis at mataas, natatanaw ko ang mga bundok at bukid. Mayamaya, babagal at bababa ang lipad ko, hanggang makita ko na ang mga bubong. Tapos bigla akong bubulusok. Halos mabunot ang aking mga buhok, halos malunod ako sa hangin. Mayamaya lumabo ang paligid. Pagliwanag, nakatayo na ako sa kalsadang korteng tagdan ng tirador, nakaharap sa sangandaaan Biglang sumakit ang dibdib ko, parang tambol na kinakabog. Nagising ako.

May kung ilang buwan ding hindi ako hiniwalayan ng panaginip na ‘yon. Huminto lamang simula noong ako at ang dalawa kong kasama ay arestuhin ng militar sa Cabanatuan City noong 1984. Pauwi na kami noon galing sa inorganisa naming anti-US military bases symposium. Si dating Vice-President Teofisto Guingona ang speaker namin noon. Andami naming dalang polyetos at mga tirang sandwich at mga juice sa tetra pack. Naglakad lamang kami para makatipid sa pamasahe. Mayamaya biglang kumabog ang dibdib ko, halos hindi ako makahinga. Umupo ako sandali. Pinagtatalunan ng mga kasama ko kung kakaliwa kami o kakanan. Hindi ko na matandaan kung ano ang naging desisyon namin, basta ang alam ko, lumiko kami at nagpatuloy sa paglakad.

Mayamaya, pinapaligiran na kami ng mga mamang bundat at nakabaril, iyong iba naka-uniporme, iyong iba nakasibilyan. Dinala kami sa headquarters ng militar at pinagbintangang maghahatid ng pagkain sa mga kasama raw naming NPA. Mahigit limang oras ang interogasyon sa amin, at may patikim pang romansang-militar. Tatlong araw ko ring pinagaling ang bukol ko sa noo na tumama sa gilid ng mesa nang sipain ako ng bantay kong namumutok sa laki ang tiyan.


Kulay Kalawang Na Landas-Paa


Tinutuklap ng sikat ng araw ang aking batok, naglalakad ako sa kulay kalawang na landas-paa sa isang tuyot na parang. Naninilaw ang mga damo, nangingitim ang bakod na kawayan sa gawing kaliwa. Malabo ang tanawin sa kanan, maliban sa mga nakatinghas na puno ng talahib. Sa gawing unahan, kinakawayan ako ng mga sinampay – lampin, pajama, kumot, at iba pang damit-pambata. Patuloy ako sa paglakad hanggang makarating ako sa tiwangwang na pinto ng isang barungbarong. Pagsilip ko, sinalubong ako ng puting liwanag. Nagising ako.

Mula 1980 hanggang 1987, paulit-ulit akong dinalaw ng panaginip na iyon. Minsan, gabi-gabi sa loob ng isang linggo. Minsan, kahit sa pag-idlip ko sa tanghali. Dumalas ito nang dumalas noong lumabas ako sa seminaryo noong 1983. Nakatanggap ako noon ng sulat kay Inang na nagsasabing hanapin ko raw si Ate sa Maynila. Mainit ang sitwasyon ng bansa noon, kamamatay ni Ninoy at kabi-kabila ang pagkilos laban sa diktadura ni Marcos. Kabi-kabila rin ang sinasalihan kong gawain at organisasyon. Dahil dito, nakaligtaan ko ang tungkol sa sulat at hindi ko pinansin ang paulit-ulit kong panaginip.

Hanggang isang araw, may paabot mula kay Inang na nasa Tondo raw si Ate. Nagkataong nasa Maynila ako noon at walang iskedyul. Pumunta agad ako sa direksyong sinabi ni Inang. Pero, wala na raw doon ang hinahanap kong babae, sabi ng aleng pinagtanungan ko. Mga tatlong buwan na raw siyang umalis at hindi nila alam kung saan lumipat.

Parang wala ako sa aking sarili noon pero naramdaman kong tiyak ang aking mga hakbang. Sumakay ako ng jip papuntang Fairview. Hindi ko namalayan ang biyahe. Pagkalampas ng Batasan, pumara ako, naglakad hanggang makarating sa isang bakanteng lote.

Kumanan ako: kulay kalawang na landas-paa, naninilaw na damo, bakod na kawayan, parang tinutuklap ang batok ko sa init ng araw. Tinunton ko ang landas-paa. Kumakampay ang mga sinampay na damit ng bata sa bandang unahan. Nagtuloy-tuloy ako. Dugtong-dugtong, dikit-dikit ang mga barung-barong, hindi malaman kung saan nagsisimula at nagtatapos ang mga bahay. Pagdating ko sa isang bukas na pinto, sumilip ako.

Natutulog ang isang bagong silang na sanggol, pinapaypayan ng babaeng maputla at humpak ang pisngi – si Ate.