Sa Puyo Ng Liwanag


Pak! Isang solidong tunog. Kumislap ang isang higanteng estrelya sa pagitan ng mga mata ni Profesor Salvador Minero. Pumlakda ang kanyang pisngi sa aspalto. Wala siyang maaninag kundi isprey ng maputlang liwanag – minsa'y pula, minsa'y dilaw. Sinakal siya ng dugong umaagos mula sa kanyang batok. Nagpaligsahan ang mga tili at yabag, papalayo. Gusto niyang haplusin ang kanyang mukha pero ayaw tuminag ng kanyang mga kamay. “Buhay pa ba ako”? Unti-unti, nagkapira-piraso ang isprey ng naaaninag niyang liwanag, tila mga banderitas na nagsasalimbayan pataas. Bahagya siyang lumutang, marahang-marahang umugoy ang kanyang katawan, at mula sa taas, sa pinakapuyo ng pagitan ng kanyang mga mata, nagkislapan ang sarikulay na liwanag, umikot nang paikid, pataas-pababa… walang anu-ano'y umulan… umulan ng bulaklak ng ilang-ilang, walang patid ang patak ng mga talulot. Hinaplos siya ng samyo nito, niyakap, marahang marahan, papahigpit, kung gaano katagal hindi niya alam
.

Umindayog ang sarikulay na mga higanteng parol, kumindat-kindat sa tama ng sinag-bombilyang nagmumula sa magkabilang gilid ng kalye. “A, sining,” usal ni Profesor Salvador Minero sa sarili.

Mayamaya’y nagsalimbayan ang mga tili, kantiyaw, palakpak, at putok ng kanyong kawayan, dumagundong ang mga tambol – padating ang pinakahihintay ng lahat, ang parol na oblation na gawa sa pinagpira-pirasong papel. Kuhang kuha ang pigura ng rebultong nasa bukana ng Unibersidad, “parang totoo,” wika ng isang vendor. Nakasuot ng salakot ang parol na oblation, nakasyeyd, humahagikhik ang makukulay na banderitas sa magkabilang braso, kumakampay ang dahon ng Calachuchi na nakalawit sa pagitan ng mga hita nito.

Nakangiting napailing si Profesor Minero, marahang pumalakpak. Ngunit saglit lang. Muling gumitaw sa kanyang alaala ang desisyon ng University Board na tanggalin ang Oblation sa bukana ng Unibersidad. Muling umalingangaw sa kanyang tenga ang kakulitan ng mga boses-ipis na mga guro at estudyanteng feminista na halos araw-araw na nagtatatalak sa kalye upang ipaggiitang rebulto ng babae ang gawing simbolo ng Unibersidad. Kumunot ang noo ni Profesor Minero. Bumunot siya ng malalim na buntong hininga. “Hindi mangyayari ang gusto nila, mga walang pagpapahalaga sa tradisyon, ba’t ba sila galit na galit sa lalaki?”

Tumigil ang parol na oblation, ipinihit ng mga baklang may dala nito paharap sa mga manonood. Isinayaw-sayaw ayon sa mala-ati-atihang ritmo ng umaatungal na mga tambol.Halos malaglag ang salakot ng oblation sa paroo’t paritong hakbang ng mga bakla. Sumirit ang isang sabay-sabay ngunit basag na sigaw: “Mabuhay ang mga makabayang bakla!”

Muling humugong ang mga tili at palakpak. Mayamaya’y biglang umangat ang dahong nakabitin sa pagitan ng hita ng oblation at pumulandit mula rito ang pulang likido. Yumugyog ang paligid sa lakas ng sigawan ng mga manonood. Isang pulang mapa ang nagmarka sa manggas ng barong ni Profesor Minero. Pinaikot-ikot ng majoret na bakla sa kanyang mga daliri ang kapirasong yantok na sa magkabilang dulo’y napapalawitan ng kulay pink na mga himaymay ng sako, pumito ito – isang mahaba at dalawang maikli. Nagpatuloy ang indayog-usad ng mga parol.Walang anu-ano’y biglang may kumiwal sa bandang gitna ng parada. Isang masangsang na amoy ang sumundot sa ilong ni Profesor Minero. Sumulyap siya sa kanyang kaliwa, may isang estudyante, tambay, o kung sinong pigil ang paghingal ang nagsisindi ng sigarilyo habang kipkip ang isang bag na pambabae.

“Kapareho ko pa ng barong,” paismid na bulong ni Profesor Minero.

Ipinagpatuloy niya ang pagpunas ng panyo sa manggas ng kanyang barong. Ilang saglit lang at nawala ang masangsang na amoy. Luminga ang profesor, wala na ang lalaking kapareho niya ng barong.

“Parang bulang naglaho.”

Patuloy ang tilian at palakpakan. Sunud-sunod ang solidong putok ng kanyon. Boommmm! Boommm! Boooom! Nagtakip ng tainga ang profesor.Praaaakatakatak tak tak, praaaaakatakatak tak tak.Pak!

Isang solidong tunog sa batok ni Profesor Minero. Pumlakda ang kanyang pisngi sa aspalto. Patuloy pa rin ang dagundong ng mga tili, palakpak, putok ng kanyon, at atungal ng tambol. Patuloy ang yabag ng mga paang sumusunod sa mga higanteng parol.

Sa di kalayuan, seryosong nag-uusap ang apat na estudyanteng lalaki. Mababa ang kanilang tinig, maiilap ang mga mata. “Kumusta, nayari mo ba?”

“Walang nakakilala sa ‘yo?”

“Huminga ka muna nang malalim ‘tol.” Makikihitit ng sigarilyo ang tinatanong.
“Sapol sa batok,” habang ibinubuga ang usok.

“Nakaganti na tayo ‘tol, matatahimik na si Nestor.” Biktima si Nestor ng isang rambol ng dalawang pinakamalalaking fraternity sa Unibersidad noong nakaraang taon. Bangas na ang bungo nito sa tama ng tubo nang dumating ang mga pulis upang sawatahin ang kaguluhan.

Isa sa mga hinahangaang estudyante ni Profesor Minero ang nagsasalita, magaling sa klase, mahusay magpinta. Di iilang beses na itong manalo sa mga kontes sa pagpinta sa loob ng Unibersidad. Madalas nga lamang itong masangkot sa trobol. Sa pinakahuling kinasangkutan niya ay tinulungan siya ni Profesor Minero na makipag-ayos sa isang myembro ng Gamma Lambda Phi na kabangga ng Rho Kappa Zeta, ang kinabibilangan niyang frat.

“Kundi dahil kay Minero, baka nauna pa ako kay Nestor,” ang minsa’y nabanggit nito sa isang kabrad habang nagkukuwentuhan sila tungkol sa mga adbentyur ng kanilang frat.

Samantala, sa sulok ng isang turo-turo, paanas na nag-uusap ang isang babae at isang lalaking nakabarong.

“Hindi ka ba nasundan?” tanong ng babae.

“Yun lang babaeng may ari nitong bag ang nakakita sa akin.”
“Sigurado ka?”
“May pamasko na tayo,” hinaplos nito ang bag, “pero… ba’t kaya ako hinabol ng mga mokong na estudyanteng yun.”

“Walanghiya, nakilala mo ba, bakit?”

“Namumukaan ko, lagi yun sa tambayan na kinukunan ko ng mga plastik at diyaryo. Pero sigurado akong hindi nila nakitang nanghablot ako.

“Siguradong di ka namukhaan?”

“Kulit mo.”

“Ano’ng ginawa mo?”

“Iniligaw ko.”

“Pa’nong iniligaw?”

“Pumasok ako sa parada, nakibuhat ako nung obleysyon na parol.”

“Tapos?”
“Nakatabi ko pa nga yung mabakla-baklang titser, yung…sino nga yun?”

“Yung nagbigay sa atin ng ham nung pasko?”

“Oo.”
Sa opisina ng isang NGO, nagpupuputak ang executive director habang nakaharap sa kompyuter. <>“Putang ina!”

“O, ang aga-aga pa eh sira na ang araw mo.”

“Inisnats ang bag ko kagabi no.”

“Saan?”

“Sa U.P., manonood pa naman sana ako ng lantern parade. Mga putang inang magnanakaw yan.”

“Magkano ba’ng laman non?”

“Anong magkano, para namang meron akong pera no. Lipstik at iskrats lang ang nandun, at saka yung credit card ko.”
“Ba’t ka pa nagpuputak, e yung card mo’y di na papakinabangan dahil sagad na sa credit limit ang utang mo.”

“A basta, putang inang isnatser yun.”

Isang buwan bago mag-lantern parade, nagmiting ang faculty ng kolehiyo ng Sining at Panitikan na kinabibilangan ni Profesor Minero. Bago pinag-usapan ang pangunahing paksa ng miting, inianawns ng Dean ang pagkakapili kay Profesor Minero upang magsalita sa isang forum sa Germany ukol sa katutubong sining at panitikan sa Pilipinas. Kabisado ni Profesor Minero ang paksa. Bukod sa isa ito sa kanyang itinuturo ay di iilang libro na rin ang kanyang naisulat ukol dito. Sa katunayan, ang huli niyang librong “Pintig ng Buhay sa Sinapupunan ng Lahing Mangyan,” isang riserts ukol sa sining at panitikan ng mga Mangyan, ay nagkamit ng gawad “Aklat ng Taon.”
Nakipagpaligsahan ang palakpakan at “congratulations” sa atungal ng eyrkon. Abot-tenga ang ngiti ni Profesor Minero habang nakikipagkamay sa mga kapuwa-guro. Nang humupa ang pingay, binuksan ng Dean ang paksa ng miting.

“The board has finally decided to remove the Oblation…”
Muling nakipagpaligsahan sa eyrkon ang palakpakan. Hindi tumitinag si Profesor Minero, suson-suson ang kanyang buntong hininga.

“…but they have yet to agree kung ano ang ipapalit. Syempre, malakas ang pressure mula sa mga feminista, isang woman figure ang kanilang gusto.”

“Ano, ibabandera nila ang kanilang mga panat na utong,” bulong ni Profesor Minero sa sarili.

“Ang mga environmentalists naman, gusto nila isang agila, kaya lang magiging kamukha ng Ateneo.”

“Mga walang pagpapahalaga sa sining at tradisyon,” bulong ng profesor.

“The student council, understandably, wants the statue of Andres Bonifacio. Gusto naman ng mga relihyosong grupo na ang ipalit ay rosary o kaya’y bread and wine o kaya’y last supper.”

“Upang iluklok ang isang dambuhalang panlilinlang?”
“Iba pa rin ang gusto ng mga fraternities, ng unyon ng mga empleyado, ng mga vendors.”

“Mga hindi nakakaunawa sa pag-ibig sa bayan at paglilingkod sa sambayanan at sangkatauhan.

”Nagpasya si Profesor Salvador Minero. Hindi siya pupunta sa Germany. Binagabag siya ng desisyon ng Board. Pagkabagabag na gumapang sa buo niyang pagkatao, dumungaw maging sa kanyang mga klase at pakikitungo sa estudyante at kapuwa guro. Kapunapuna ang kanyang katahimikan, ang kanyang pagbulong-bulong sa sarili. May mga gabing hindi siya makatulog, pumupunta siya sa Oblation, kinakausap ito, inaakyat at niyayakap, hinahaplos. May mga gabing naririnig niya ang pagmamakaawa ng kabataang lalaki na nakatindig nang tuwid, nakadipa, nakatingala, at bahagyang nakapikit habang nagninilay.

Hindi iilang sketch pad na ang kanyang nagamit upang ipinta sa iba’t ibang anggulo ang Oblation. Hindi na rin mabilang ang rolyo ng film na kanyang inubos para sa rebulto.

“Hindi kita pababayaan, hindi mangyayari ang kanilang desisyon, dadaan muna sila sa aking bangkay,” ang laging inuusal ni Profesor Salvador Minero sa kanyang sarili. May mga araw na bubulagain na lamang ang Unibersidad ng mga nanggagalaiting plakard sa paligid ng Oblation. “Huwag nyong salaulain ang Unibersidad.” “Ilaan ang pera ng mag-aaral para sa kanilang kagalingan.” “Pahalgahan ang tradisyon.”

Isang 500 pahina rin ng pahayag na walang lagda ang minsan isang araw ay kumalat sa buong Unibersidad na ipinagpiyesta naman ng mga magbobote at magdidiyaryo. Nilalaman ng pahayag ang kasaysayan at silbi ng Oblation sa Unibersidad at sa Pilipinas, at lahat ng magagandang bagay na kaakibat nito.

Nagmistulang zombie si Profesor Salvador Minero. Kung paanong walang nakakaalam sa pinagmumulan ng walang humpay na pagtutol sa pagtanggal ng Oblation gayundin, walang nakakabatid sa pait ng digmaang inilulunsad ng profesor.

Hanggang isang araw ay humitik sa bubuyog ang bawat pasilyo, silid, tambayan, kainan – ang bawat ng sulok ng Unibersidad. May sira na yata si sir. Bakla siguro yan, 59 na ayaw pang mag-asawa. Pedopilya raw. Baka hiniwalayan ng kanyang syota. Nasobrahan sa salsal. Lagi sigurong nagnanaytklab.

At ibinaba ng mga hukom ang hatol: Bilang pagmamalasakit sa iyo ng Unibersidad at sa kanyang sarili, pinapayuhan ka Ginoong Salvador Minero, at ang payong ito ay hindi mababali, na ikaw ay magpahinga at magpagaling.

Sa pagitan ng mga hikbi, antok, at nakakatulig na bulong ng mga bubuyog ay nagbalik kay Minero ang ugat ng lahat: “Ito ang magiging simbolo ng dunong at dangal ng mga Pilipino anak,” wika ng kanyang ama habang idinudrowing nito ang isang lalaking nakadipa at hubo’t hubad. Ama ni Profesor Salvador Minero ang gumawa ng Oblation at sa kanyang murang isip ay tumimo ang pagpapahalaga sa karunungan, karunungang buong puso at walang puknat niyang tinugis hanggang makarating siya sa kanyang kinalalagyan ngayon. Karunungang para sa kanya’y nakakapit sa bawat pisig at kurbada ng katawan ng Oblation. Para kay Profesor Salvador Minero, ang Oblation ay simbolo di lamang ng dunong kundi ng kagitingan, lalo pa’t sa paanan nito bumulagta at nalagutan ng hininga ang kanyang ama. Dating profesor din sa Unibersidad ang kanyang ama, aktibong nakilahok sa kilusang tanyag at lihim para sa pagbabagong panlipunan. Pakikilahok na kinitil ng Batas Militar.

Dapit hapon noon nang paslangin ang kanyang ama sa paanan ng Oblation. Para kay Profesor Salvador Minero, katulad ng watawat ng Pilipinas ang silbi ng Oblation. Naghatid ito ng di matingkalang prestihiyo hindi lamang sa Unibersidad kundi sa buong bansa.

“Mga walang pagpapahalaga sa tradisyon, mga kaaway ng pagtuklas sa karunungan.”
Parada ng parol. Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang ibaba ang desisyong tatanggalin na ang Oblation ay naligo si Profesor Minero. Isinuot niya ang barong na kanyang ginamit noong tanggapin niya ang gawad “Aklat ng Taon.” Pagbaba niya sa kanyang kotse ay nasagi ng isang galising askal ang kanyang pantalon. Isang matinding saydkik ang inabot ng askal. Nakasimangot na pinagpag ni Profesor Minero ang kanyang pantalon habang paika-ikang tumungo sa kalyeng dadaanan ng parada.

Pak! Isang solidong tunog. Kumislap ang isang higanteng estrelya sa pagitan ng mga mata ni Profesor Salvador Minero. Pumlakda ang kanyang pisngi sa aspalto. Wala siyang maaninag kundi isprey ng maputlang liwanag – minsa'y pula, minsa'y dilaw. Sinakal siya ng dugong umaagos mula sa kanyang batok. Nagpaligsahan ang mga tili at yabag, papalayo. Gusto niyang haplusin ang kanyang mukha pero ayaw tuminag ng kanyang mga kamay. “Diyos ko buhay pa ba ako”? Unti-unti, nagkapira-piraso ang isprey ng naaaninag niyang liwanag, tila mga banderitas na nagsalimbayan pataas. Bahagya siyang lumutang…marahang-marahang umugoy ang kanyang katawan… at mula sa taas, sa pinakapuyo ng pagitan ng kanyang mga mata, nagkislapan ang sarikulay na liwanag, umikot nang paikid, pataas-pababa… walang anu-ano'y umulan… umulan ng bulaklak ng ilang-ilang, walang patid ang patak ng mga talulot. Hinaplos siya ng samyo nito, niyakap, marahang marahan, papahigpit, kung gaano katagal hindi niya alam. Mayamaya, ngumiti ang Oblation, yumuko ito, bumaba ang mga kamay. Bumuntong-hininga ang naghihingalong profesor, tigib ng kaligayahan. Ngunit napatda siya nang biglang bumaklas ng bato ang Oblation sa kinatutuntungan nito, iniangat ang kamao at mabilis na iniunday patungo sa duguang mukha.ni Profesor Salvador Minero.

Sa saliw ng alulong-panaghoy ng isang aso na magdamag na umukyabit sa tainga ng buong kampus, umindayog ang katawan ng mga ipis, sumayaw ang kanilang mga antena, mula sa mga basurahan, kuwarto, kasilyas – mula sa bawat sulok ng kampus ay naglabasan ang milyon-milyong ipis. Binaybay nila ang mamasamasa pang dugo na nakabalatay mula sa harap ng Faculty Center, sa lugar na kinalugmukan ni Profesor Minero, hanggang sa Oblation. Matiyaga nilang tinugaygayan ang mga lamad at dugong sumabit sa mga damo at tinik ng Makahiya.

Sa paanan ng Oblation, nakahiga si Profesor Salvador Minero, kalong ng isang galising askal. Luhaan, buong pagmamahal na hinihimod nito ang duguang mukha ng profesor.

At muling nabuhay ang Unibersidad. Kinondena ng kakarampot na aktibista ang pagpaslang sa isang dakilang profesor at ikinawing nila ang karumaldumal na krimen sa imperyalismo at kawalang kakayahan ng estadong protektahan ang kanyang mamamayan.

Isang buwang tinalakay ng Philippine Collegian ang buhay at pakikisangkot ni Profesor Minero at ang iba’t ibang anggulo ng kanyang kamatayan.

Gumawa naman ng isang dambuhalang parol ng bulaklak ang mga kaguruan bilang simbolo ng pagkilala at pagmamahal sa yumao nilang kapuwa guro. May kung ilang gabi din silang nagdaos ng parangal para sa yumaong profesor at nagtulos ng kandila sa kanyang kinalugmukan.

At hindi iilang beses namang nagdaos ng prayer session ang mga relihiyosong grupo sa kampus para sa kaligtasan ng kaluluwa ng isang dakilang anak ng Diyos – si Profesor Salvador Minero.

Ako Ang Uod Na Lumalantak Sa Iyong Utak


T
ama, bangungot ang walang puntong punto ng uod. Pero bago ang lahat, isa munang babala: Sa sandaling mabasa mo ang babalang ito, magkakatotoo sa buhay mo ang nakasulat dito. Totoo ang sinasabi ko, maniwala ka; hindi ako marunong magbiro dahil …

Ako ang uod na lumalantak sa iyong utak, buhay ka man o patay. Dati akong bilanggo sa libro pero pinalaya mo ako.

Hindi ko alam kung alam mo na adik ka sa amoy ng libro. Ganito ang iyong ritwal: Sisinghot-singhutin mo ang paligid ng libro tapos bubuklatin, aamuyin ang pamagat at isa-isang lalanghapin ang mga pahina. Ganyan mo ako pinalaya.

Hindi ko rin alam kung natatandaan mo pa. Nasa Recto ka noon, halos matabunan ng gabundok na talaksan ng libro. Nasinghot mo ako mula sa gilid ng gulugod ng inaamag na The Wealth of Nations ni Adam Smith. Sumakay ako sa iyong hininga, sumuot sa iyong ilong at gumapang papunta sa iyong utak. At ito ang aking napatunayan mula noon: mas masarap ngalutin ang manlilikha kaysa sa kanyang mga nilikha, mas masarap ang utak kaysa sa libro.

Dahil dito, gagantihan ko ang iyong kagandahang-loob.

Ako ang uod na lumalantak sa iyong utak. Kung hindi mo ako mailarawan sa iyong diwa dahil kapos ka sa imahinasyon o dahil simpleng nasusuka ka lamang, huwag kang mag-alala, mayroon pa akong isang mukha: bangungot. Kung gusto mo, puwede kitang dalawin mamayang gabi: ako rin ang iyong bangungot.

Kung nadidiri ka sa katawan kong uod, pagbibigyan ko ang gusto ng iyong mata. Magpapakilala ako sa iyo habang natutulog ka at ikukuwento ko – hindi sa pamamagitan ng simbolo na tulad ng sinasabi ni Freud o ni Jung kundi sa terminong kayang-kaya mong intindihin – ang katotohanang idudura ko lamang sana sa iyong utak. Kung mailalarawn mo lamang ako sa iyong diwa bilang

uod, bubulaga na lamang sana sa iyo ang katotohanang gusto kong ibunyag. Parang isang bisyon ng isang propeta o santo o taong naghihingalo. Isang kisap lamang at agad na nariyan.

Pero dahil pulpol na ang iyong utak at kapos ka sa imahinasyon, dadalawin na lamang kita mamaya: tandaan: ako rin ang iyong bangungot.

Gagawin ko sa iyo ang ginawa ko sa utak ng pakanang dukutin si Smitten kapag hindi pumabor sa kanya ang desisyon ng korte ng Pilipinas. Napanood mo naman siguro kung paano siya tinangkang ipuslit ng mga alien. Mabuti na lang at ‘yong mga pulis-Makati hindi kinati ang mga hintuturo. Pero kahit walang pulis, hindi rin mangyayari ang pakana. Magkukulay ube na ang balat ng mga alien na ‘yon hindi pa nila mailalayo si Smitten kahit isang pulgada.

Ano ang gagawin ko sa utak ng pakanang ipuslit si Smitten? Mamaya ko na sasabihin, meron muna akong babala: kapag dinalaw kita, aalingawngaw ang boses ko sa bawat hibla ng iyong bulbol, gising ka man o tulog. At hindi ka na hihiwalayan ng alingawngaw na ‘yon hanggang sa mamatay ka at ipagdiwang na ng aking mga kalahi ang ‘dakilang pista ng pagngasab sa iyong utak.’

At ‘eto pa: hindi ko kasalanan kung maglalaslas ka ng pulso dahil sa pagkalagas ng iyong bulbol dahil sa alingawngaw ng aking boses.

Kumusta ang utak ng pakanang ipuslit si Smitten? Tuturuan ko siyang ikuwento sa kanyang aso ang kapalpakan ng kanyang pakana. Tuturuan ko siyang maglabas ng sama ng loob sa kanyang aso. Tandaan, ako ay uod at bangungot.

Ngayon, para matalino kang makapagdesisyon kung uod o bangungot ang pipiliin mo, kukuwentuhan kita. Hindi mo alam ito at hinding hindi mo malalaman kung wala ako. Makinig kang maigi: ang uod at ang bangungot ay iisa – tulad ng kung paanong iisa ang Anak at Ama na binabanggit sa Juan 10:30 ng iyong Bibliya – at alam ng uod at ng bangungot ang lahat, ang lahat lahat.

Ako ang uod na lumalantak sa iyong utak at ang bangungot na aalingawngaw sa bawat hibla ng iyong bulbol hanggang may pintig ang iyong pulso.

Smitten, Nicolai. ‘Yan ang tunay nilang pangalan; hindi ang ibinabandera ng masmidya. Ipinapaalala ko sa ‘yo: ito ang umpisa ng iyong kamulatan tungkol sa kasong panggagahasa.
Si Nicolai ay isang babaeng Badjao na kabilang sa lahing inagawan ng dagat ng iba’t ibang alien na gumahasa sa Perlas ng Silangan na tinawag din ni Dr. Jose Protacio Mercado Y Rizal na isang Perdido Eden. Samantala, si Smitten ay isang Plutonian at tandaan mo ito: ang kanyang krimen ang dahilan kung bakit hindi na planeta ang Pluto ngayon.

At tulad ng alam mo na, may tatlo pang sangkot sa krimen maliban kay Smitten. Pero di na mahalaga ang kanilang mga pangalan. Mas importanteng malaman mo ang matematika at lohikang ito: isa laban sa tatlo. Si Smitten na taga-Pluto o ang tatlong kasabuwat niyang taga-Atlantis? Alam mo, masayahing tao ang mga taga-Atlantis kaya tawa sila nang tawa nang gahasain ni Smitten si Nicolai.

Pero ano ba talaga ang gusto kong puntuhin? Didiretsuhin na kita: maglalaslas ng pulso ang utak ng pakanang dukutin si Smitten. Pansinin mo: talagang pinilit kong pagtugmain ang dalawang huling salitang itinagilid ko pa para tumimo sa iyo ang susunod kong sasabihin.

Resolbado na ang kaso ni Smitten bago pa man ito litisin. Huwag mong kalimutan: ako ang uod at ang bangungot, alam ko ang lahat, ang lahat-lahat.

Isang buwan bago ang hatol: Tiririiiink, kwink, kwink, oink! ‘Hello?’ (Huwag kang magkamali, hindi ito ang alam mong Hello Garci scandal). Tumuloy sa hangin ang isang high-voltage cockroached voice: ‘Judge, save the boys!’ Isang buwan bago ang tawag na ito, sa land of the alien, magkatabi ang pulubi at ang diyos: ‘Go and protect my boys!’ Mula nang pagpistahan ng mass media ang kaso hanggang ilang oras bago ang hatol: ‘Ibasura ang VFA!’


‘Justice for Nicolai, Justice for the Universe!’ Isang linggo bago ang hatol: mula sa diyos tungo sa pulubing umaasta ring diyos tungo sa hukom: ‘No conspiracy theory!’

Nang ibaba ang hatol, nag-appear di lamang ang mga palad ng mga naghihintay ng conviction ni Smitten kundi maging ang mga aninong nagkukubli sa patong-patong na anino ng may anino: ‘Appear,’ sabi ng mga pro-conviction. ‘Appear,’ sabi rin ng mga kakampi ng akusado. At umalingawngaw ang mga plak mula sa mga aninong may iba’t ibang kutis at kapal ang palad: APPEAR! APPeal! APpeal! Appeal! appeal! appeal! Habang ngumangalot sila ng apple.

Ha ha ha ha haaaaatsing! Hindi ako marunong magbiro pero marunong akong humatsing. Hi hi hi hi hihikain yata ako sa pagkukwento ko sa ‘yo. Pero huwag kang mag-abala, kayang kaya ko ‘to.

Okey, pagkababang pagkababa ng hatol, mga abogado ni Nicolai: ‘Pinupuri namin ang katapangan ng hukom – tagumpay ito ng buong uniberso.’ Mga abogado ni Smitten: ‘Tagumpay ito para sa amin, hindi nila na-prove ang conspiracy theory.’ Isang reporter: ‘Paano po si Smitten?’ ‘Appeal, appeal, appeal…’ Habang ngumangalot siya ng apple. Ha ha ha haaaaaatsing!

Maniwala ka, narinig ko ito sa mga barbero, sa mga matador, sa mga bendor. Resolbado na ang kaso bago pa man ibaba ang hatol: ‘No conspiracy theory judge!’ Itaga mo ito sa bato: tatlong linggo matapos ibaba ang hatol kay Smitten at magsalimbayan ang mga papuri para sa hukom, sa isang sulok sa land of the alien: ‘Come! Sit! Good! Now, jump! Kulay ube ang paligid ng mata ng utak ng pakana at walang Paskong maaninag sa kanyang mga mata. Come! Sit! Jump! Hahalikan niya sa bibig ang kanyang aso, papasok siya sa banyo at dadamputin ang kanyang labaha.

Ooops, ‘nga pala. Itanim mo ito sa iyong puso para di ko malantakan: Ang tungkol sa pakanang ipuslit si Smitten pati na ang utak ng pakanang ito, ang tungkol sa matematika at

lohika ng isang taga-Pluto laban sa tatlong taga-Atlantis, ang pagkatalo ng conspiracy theory, lahat ng ito, itanim mo sa iyong puso, ay pakana lamang. Nasa utak ako ngayon ng utak na nagpakana ng pakanang ito.

Pasensya na kung medyo nahilo ka. Nahihirapan kasi ako sa aking identity, hindi ko maipirmis kung magsasa-uod ako o magsasa-bangungot. Nalilito na rin ako. Pero pramis: isasalaysay ko sa iyo ang lahat nang malinaw na malinaw. Basta pumili ka: uod o bangungot.

Give me five! Appear! Appeal! Apple!

Tandaan mo: ang uod at ang bangungot ay iisa. At ako ang uod at ang bangungot: alam ko ang lahat, ang lahat-lahat.

Ha ha ha ha ha haaaaatsing! Totoo lahat ng sinabi ko; hindi ako marunong magbiro.

P.S.

Nakalimutan kong sabihin: Kung pinakinggan mong maigi ang iyong binasa, wala nang kahirap-hirap sa iyo ang pag-analisa sa mas madadaling pangyayari. Halimbawa, sisiw na sa iyo ngayon ang tungkol sa ZTE deal – ang pagtanyag ni de Venecia (katunog ‘yan ng veneno na ang ibig sabihin sa espanyol ay lason); ang resignasyon ni Abalos (katunog ng palos pero hindi siya makakahulagpos); ang pagtiklop ng bibig ni Neri (katunog ng keri pero hanggang kailan madadala ng kanyang budhi ang pananahimik); at syempre, ang paglabas ng bansa at ang sakit ng asawa ng pangulo (hindi ko na binanggit ang kanyang apelyido, dahil alam kong kuha mo na kung ano siya sa mga Pilipino pag nilagyan ng isa pang g ang salitang pangulo; pero sige na nga, sabihin ko na rin: arroyo – sapa o bukal. Tama bukal ng kawalanghiyaan at pandarambong).

Ano ang aking ebidensya? Tandaan, isa akong uod. Alam ko ang lahat, ang lahat-lahat.
Paalam. Ano, magkikita ba tayo mamayang gabi?

Tanaw Ko na ang mga Santan ni Inang


          Maaga kaming lumakad ni Tatang. Pagkalabas namin ng baryo, di ko pa maaninag ang bakas ng kareta pero alam ko may nauna na sa amin. Amoy na amoy kasi ang mga nasagasaang ambabangot

          Gusto ko sana sa likod ni Damulag sumakay, mainit ang likod ni Tatang at saka maraming matatanaw, kaya laang kailangan daw may pabigat sa kareta. Itinalukbong ko na laang sa buo kong katawan ang pangginaw ni Inang. Inapakan ko ang laylayan para alang makapasok na lamig

         May kaunti nang liwanag sa tuktok ng bundok Susong Dalaga pagdating namin sa mag-asawang Duhat. Paglingon ko sa amin, parang kulumpon na laang ng mga santan ni Inang ang buong baryo. Malapit sa hinintuan namin, may nakaparadang kren at dalawang buldoser. Ala pang mga drayber. Maghapon na naman silang maghahakot ng bato at buhangin papunta sa bagong bayan.

          Sa bandang taas, sa gulod malapit sa may ilog, natanaw ko si Batog, para talaga syang higante, hanggang tainga laang nya si Mang Imon. Bat kaya andon sya? Mangangantyaw na naman siguro. Mabuti na laang nagpaiwan si Kuyang, kung hindi, may kakampi pa sana si Batog ngayon.

          Nagkakape pa laang kami ni Tatang sa bahay kinakabahan na ko. Nang matanaw ko si Mang Imon, lalo nang kumabog ang dibdib ko. Tapos andito pa yang butakal na Batog na yan.

          “Tingnan-tingnan mo si Damulag ha, kukuha laang ako ng kawayan,” utos ni Tatang. Itinali nya sa Duhat si Damulag. Nanginain agad yung kalabaw, berdeng-berde ang mga damo. Sana maipastol ko na rin siya nang ako laang mag-isa, pero ayaw pa ni Tatang.

          Sinabi ko kagabi kay Tatang na sa isang taon na ako magpatule kaya laang nagalit sya. Parang kulog yung boses nya. Tinanong nya kung bat ayaw ko pang magpatule. Syempre di ko pwedeng sabihin na takot ako, yun ang pinaka-ayaw nya marinig. Wala raw duwag sa mga Uraga. Dapat daw matapang ako, kuha pa naman daw kay Lolo pangalan ko. Si Lolo Serbando raw, libu-libo ang napatay na Hapon kahit tirador laang ang gamit.

         Wala talaga akong maisip na dahilan kung bat ayaw ko pa magpatule. Basta nasabi ko na laang na di pa kasi sakat[2]
. Tiningnan nya, kunwari pinipilit kong iburat pero di naman. Pinipigil ko talaga para maliit na gatgat[3] laang ang lumitaw. Tinampal ni Tatang yung kamay ko, tapos sya ang nangiburat.

          “Matulog ka na, maaga tayo bukas.”

          Halos nabingi ako sa utos nya. Wala na kong nagawa. Pinagdasal ko na laang na sana magkasakit ako nang matagal. Pinagdasal ko rin na sana mahulog si Tatang sa kalabaw. Masakit na masakit ang loob ko sa kanya nun. Di ko laang pinahalata, antagal kong umiyak, nakaharap ako sa dingding. Bago ako nakatulog, narinig ko pa usapan nila ni Inang. Tinanong ni Inang kung bat nag-aapura si Tatang na ipatule ako, bat di na laang daw sa susunod na bakasyon. Kakampi ko talaga si Inang.

          “Anong gusto mo, ika-ika sya habang naglilipat tayo? Paano siya makakapagbuhat?.” Anlakas talaga ng boses ni Tatang, kahit bulong dinig na dinig sa buong bahay.

          “Bat kasi hindi sa bagong bayan sya magpatule,” sabi ni Inang.

          “Alang ilog dun, parang di mo alam. Tuktok ng bundok yung lintek na lugar na yon. Saan sila lalangoy dun? Hinayupak na dam yan.” Di na kumibo si Inang. Tuloy pa rin si Tatang. Sa isang taon, lulubog na raw yung buong bayan pati baryo namin. Kaya talagang kailangan daw matule na ko.

          “Andong!” tumatakbo si Mar papunta sa amin. Sa gulat ko, muntik ko nang mabitawan yung tatlong istik ng Champion na iniaabot sa akin ni Tatang.

          “Ibigay mo agad kay Mang Imon, baka magkandaputol pa yan.” Biglang wumasiwas yung kamay ni Tatang, binatukal nya ng bato yung buldoser. Anlakas ng kalangkang, parang yung kaldero na nahulog ni Inang nung nagbabag sila ni Tatang. Mayamaya nawala na sya sa kasukalan.

          Hingal-kalabaw si Mar. “Andyan si Batog, bat ba andyan yan?”

          Sumipa sya, natalsikan ako ng lupa sa paa. “Di ba matagal nang tule yan, aasarin laang tayo nyan, halika sabihin natin kay Mang Imon paalisin sya.”

          Inilapag ko sa kareta yung pangginaw ni Inang. Para tuloy lalo akong naduwag. Sana talaga di ko na laang sinabi kay Tatang yung ginawa sa akin ni Batog. Tutal gridtri pa laang naman ako.

          Kasisimula pa laang ng pasukan nun. Anyabang ni Batog, gusto ko syang patayin nun, kaya laang anlaki nya. Akalain mo, hinubuan nya ako sa maraming tao saka inihiyaw nya supot daw ako. Pumutok tuloy yung plastik balun na hinihipan ko. May talimat pa naman ako nun, namamaga yung mata ko, tapos andaming muta. Sabi ni Batog, siguro supot din daw si Tatang. Nangingilid na yung luha ko sa galit nun. Minumura ko sya sa isip ko. Buti dumating si Mar kasunod si Mang Imon.

          Hinamon sya ni Mar ng iskwer. Sabi ni Mar sa kanya, tulong kami, dalawa laban sa isa. “Ano kasa ka?”. Tanong ni Mar nun kay Batog. Parang makikipagboksing si Mar, nakasuot yung mga pundakol[4]
nya sa pagitan ng kanyang hintuturo at hinlalato. May pasayaw-sayaw pa sya. Pero di natuloy yung bakbakan dahil inawat kami ni Mang Imon.

          May bitbit na timba at walis-tingting si Mang Imon nun. Sa loob-loob ko, sana hampasin nya si Batog. Patalikod na naglakad si Batog. Ansama ng tingin sa akin. Tiningnan ko siya nang masakit. Tapos sinabi ko BA-TU-GAN, alang boses pero nilakihan ko ang buka ng bibig ko.

          Inakbayan kami ni Mang Imon. “Ano sakat na ba? Tingnan ko nga.” Nilabas agad ni Mar yung kanya, sakat na sakat na.

          “Mang Imon, yung akin po, mayron pang nakadikit,” sabi ko.

          “Baka di mo nilalagyan ng buhangin,” sabad ni Mar.

          “Sasakat din yan,” sabi ni Mang Imon.

          Syam na kaming nakapalibot kay Mang Imon, puwera si Batog. Nasa tuktok kami ng gulod. Nanginginain pa rin si Damulag sa kabila. Sa ibaba namin, ilog Balubad, lampas-kawayan. Dati hanggang leeg laang ni Tatang, pero nung hinukay ng kren, lumalim. Anlinis ng tubig, sarap dumayb. Dito kami lumalangoy ni Kuyang pag nangangahoy kami.

          “Bat kaya andito yan?” Inginuso ko si Batog kay Mar. Napansin ko may tigdalawang sigarilyo na nakaipit sa magkabilang tainga ni Batog. Nakatalikod sya sa amin. Naisip ko, ano kayang tinitingnan nya sa bundok Susong Dalaga?

          “O sige habang nagkakape ako, kuha kayo ng dahon ng bayabas, yung sariwa ha.” nagsindi ng sigarilyo si Mang Imon. “Sandali, isilid nyo muna rito yung mga sigarilyong dala nyo.” Inilapag nya sa ibabaw ng bato yung garapon.

         “Pareng Kulas, kape muna tayo,” kinawayan nya si Tatang. Nag-aayos si Tatang ng mga pinutol na kawayan.

          Magkasama kami ni Mar na nanalbos ng bayabas. Mayamaya lumapit sa amin si Bernal.

          “Mga migo, di pa pala tule si Batog.” Amigo ang tawag nya sa amin, yun din ang tawag ng tatay nya kay Tatang.

          “Pano nangyari yon? Nung minsan pinakita nya sa atin tule na sya,” sabi ko.

          Payuko-yuko si Mar, parang may sinisilip.

          “Binuburat laang daw nya,” nanlalaki ang mata ni Bernal.

          “Talaga?” sagot ni Mar, payuko-yuko pa rin.

          “Naisahan tayo ni Batugan a,” sabi ko. Yung pangalan ni Batog, galing sa salitang batugan. Himatlugin yon, laging tulog, kahit saan masandal tulog. Lalo na pag nakakain.

          Sabi ko sa sarili ko, di pala totoong nagpapatangkad ang pagpapatule. Kala ko pa naman kaya dambuhala si Batog dahil tule na sya.

          “Baka naman andito laang yang himatlugin na yan para mang-asar. Nagkukunwari laang syang supot pa.” Ayaw pa ring maniwala ni Mar.

          Ako rin di makapaniwala. Sinabi ko kay Bernal na pag nagtitinda kami nina Batog ng pandesal, bago matulog nagsasalsal muna kami at pinapakita nya sa amin yung tamod nya, basa yung mga daliri nya. Minsan nga pinunas pa nya sa pisngi ko.

          “Laway laang daw nya yun.” Halos di ko maintindihan si Bernal, may nakasumpal kasing talbos sa kanyang bibig. “Bahala kayo kung ayaw nyong maniwala,” nakalambitin sya sa puno. “Basta pinakita nya sa akin kanina, ang haba nga e.”

          “Bilisan nyo diyan, tatanghaliin na tayo,” sigaw ni Mang Imon. Napatingin ako sa ulap, parang kaliskis ng buwaya, kulay ube at hinog na tyesa. Parang kahapon din nung mangahoy kami ni Manong.



          “Andong, dali ka,” pabulong na tawag sa akin ni Mar.

          “Ano yon, tawag na tayo ni Mang Imon a.”

          Tinitimtim[5]
ng hintuturo ni Mar yung sapot ng gagamba, mula sa sanga ng bayabas papunta sa ambabangot. Sinundan nya yung bagting pababa hanggang sa tuyong dahon na nakalukot.

          “Uy Mar, may uldog[6]
, saka ang hahaba ng pata,” sabi ko. Halos mag-untugan kami sa pagsilip sa gagamba. Nakadapa, balbon. “Sa wakas, may uldogan na rin ako. Laban tayo mamaya ha?” ngisngis ni Mar.

          “Andong, kayo na laang ang iniintay a.” Si Tatang, parang kalugkog ng bato sa dram ang boses. Nakikihigop sya ng kape kay Mang Imon.

          “Andiyan na po, umiihi lang po,” sagot ko.

          “Patay, di ko nadala yung bahay ng mga gagamba ko.” Kakapa-kapa sa bulsa si Mar.

          “Hawakan mo na lang muna,” sabi ko. Di ko rin dinala yung sa akin, puno na kasi.



          “O hubo’t bubad na,” utos ni Mang Imon. “Tapos dayb agad, dapat mabilis ha!”

          “Pano tong gagamba ko?” bulong ni Mar.

          “Ilapag mo muna dito sa gilid ng bato.” Kinutkot ko nang bahagya yung lupa at nilagyan ng isa pang gasuntok na bato. Ingat na ingat na inilapag ni Mar yung gagamba nya, katabi ng mga talbos ng bayabas. “Huwag ka gigising ha?” bulong nya sa gagamba.

          Magkahawak kaming dumayb. Parang ayskendi sa lamig ang tubig. Pag lutang ko nakita ko si Batog, nakatalungko, pinapanuod kami. Parang ampalaya ang uten nya, supot nga! Natuwa ako.

          “Pila, pila na!” sigaw ni Mang Imon.

          Nangangaligkig ako sa ginaw pag-ahon ko. Nakahilera na sila, sumingit ako sa pagitan ni Batog at ni Mar. Tukop ni Batog yung uten nya. Andun pa rin sa tainga yung mga sigarilyo. Parang lumakas ang loob ko. Gusto ko sana unahan sya saka kantyawan pero andun kasi yung tatay at nanay nya, kausap si Tatang. Kung nasa unahan sana nya ako, pagkatule ko, tatawa ako. Ipapakita ko sa kanya na di ako nasaktan. Kay Tatang din, ipapakita ko na di ako duwag.

          Sa likod ko, nakatalungko si Mar. Hinihipan-hipan yung gagamba nya para di magising.

         “Bago ipatong ang uten sa banukan[7]
, ngumuya muna ng talbos ha,” utos ni Mang Imon. Ibinaon nya sa lupa yung banukan. Inuga-uga, tinimtim kung matibay na. Bagong gawa daw yon sabi ni Tatang, magulang na sanga ng bayabas, di raw mangingipit ng uten.

          Kumikintab yung lagareng bakal na hawak ni Mang Imon. Mukhang matalim na matalim. Tinatagis nya sa de-singkong pako na gamit nyang pamukpok. Napanganga ako sa ngilo, parang nilagare yung ipin ko. Parang kanina rin nung kumakayod yung kareta sa batuhan, ansakit sa tainga at sa ipin.

          “Sakat ka na talaga?” tanong ko kay Mar.

          “Oo no.” Ibinurat nya. Sakat na talaga. “Ikaw ba?” “Oo naman, nilalagyan ko kasi lagi ng buhangin, ambilis pala magpasakat non.”

          “Baka may ima[8]
ka pa ha?” ngisi ni Mar.

          “Ala a, ginidgid ko ng ng bimpo kagabi. Tapos nung pulakin yung kamatsile kila Berting di talaga ako kumain kahit isang butil no.”

          “O, bat parang nanginginig ka ata,” pang-aasar ni Mar. “Gayahin mo ko, parang ala laang.” May mga durog na nginuyang talbos ng bayabas sa labi nya.

          “Mas masakit pa ang kagat ng langgam!”

          Si Kaloy, pinakabata sa amin, gridtu pa laang. Humarap sya sa amin, umindayog ang mga kamay nya, sabay talon paikot. Tapos una ulong bumagsak sa tubig. Parang sibat na tinusok sa lupa, tuwid na tuwid.

          Sigawan at palakpakan kami. Si Batog, tahimik laang, nakahalukipkip. Nagkukwentuhan naman sila tatay nya at si Tatang sa ilalim ng puno ng Duhat. Si Aling Miling, nananalbos yata, di ko alam kung ano.

          “Sana di mangamatis yung sa atin” sabi ko kay Mar.

          “Basta wag na wag mo ipasilip sa babae,” parang pinapalaki ni Mar yung boses nya. Naisip ko, siguro dahil sa nginunguya nyang talbos.

          Naalala ko nung bagong tule si Kuyang. Mahabang bakasyon din nun. Minsan, nasa batalan sya naglalanggas ng uten. Sabi ko kay Ating, may ipapakita ako sa kanyang importante. Nagliligpit sya nun ng pinag-almusalan namin. Nung nasa pinto na kami ng batalan, bigla kong binatak yung tabing na sako. Muntik nang mabuwal si Kuyang. Binatukan ako ni Ating, kinurot pa. Magdamag pa nya akong sinermonan. Kinabukasan, tinawag ako ni Kuyang, namamaga yung uten nya, anlaki talaga, gasuntok. Di ako makatawa kasi naaawa ako sa kanya, pero gusto ko na talagang tumawa nun.

          Kinwento ko kay Inang at kay Tatang. Tawa sila. Kaso pinarusahan ako. Ako ang pinagkayas ng bao ng niyog. Bumasag si Tatang ng bote, tapos gamitin ko raw pangkayas yung matatalim na bubog. Tapos gumawa sya ng duyan ng uten ni Kuyang. Pinunit nya yung luma kong tisirt. Gumawa sya ng bigkis, itinali nya sa baywang ni Kuyang. Dun sa bigkis, tinali nya yung duyan. Kailangan daw yon para nakapirmis yung uten.. At saka pag matutulog, di raw mababagok sa hita yung ulo pag pumipihit si Kuyang.

          Ako ang nagbubudbod ng pulbos ng bao sa uten ni Kuyang. Habang binubudburan ko, ginagalaw-galaw nya yung duyan para bumiling yung uten, tapos hinihipan nya. Ambilis gumaling. Pagkatapos ng dalawang araw, ga-bola na laang ng jak-iston. Mabilis na syang lumakad, at di na nya sinusuot yung saya ni Ating. Nakakasama na sya sa ilog. Pag nasa ilog na, masayang-masaya sila ni kuya Karbon, pinsan namin na kasabay nya nagpatule. Ang una nilang ginagawa, humanap ng lapad na bato. Ipapatong nila yung uten nila dun, tapos napapaihi sila. Masarap daw, mainit yung bato. Patago ko ring ginagawa yun, pero di naman ako nasarapan, mainit laang, saka napapaihi ako.

          Ang pinakamalaki kong kasalanan kay Kuyang ay nung pagaling na yung uten nya. Halos hilom na ang sugat. Naalala ko nun, binilinan ni Tatang si Kuyang na wag makikinig ng radyo pag tanghali. Di ko alam kung bakit. Tanghali nun, nasa balkon si Kuyang, ala si Inang at si Tatang nasa bukid ata. Si Ating, nasa ilog, naglalaba. Binuksan ko yung radyo, andon ako sa loob ng bahay, dinikit ko sa dingding yung radyo, tinapat ko sa malalaking siwang ng sawali para mapakinggan ni Kuyang. May mga dumadaing at umuungol sa radyo, tapos may nag-uusap na lalaki at babae. Mayamaya bigla na laang umatungal si Kuyang, lumabas agad ako, tanggal na yung syurtpan nya, nakatayo ang uten, dumudugo. Pinalo ako ni Tatang kinagabihan, latay ang hita ko. Ansakit, pero di ako umiyak.

          Bago matulog, pagkatapos akong sermonan ni Tatang, lumapit ako kay Inang. Tinanong ko kung tinutule din ang babae. Ngumiti si Inang, sabi nya hindi. Pero nireregla daw sila. Tinanong ko kung masakit magregla. Minsan daw, pero madalas naman hindi. Sabi ko nun sa sarili ko sana naging babae na laang ako. Di magpapatule, di mangangamatis ang uten, palagi pang pwedeng makinig ng radyo.

         PLIK, PLIK, PLIK. “Ayos, parang kurot laang!” Tumatallsik ang laway ni Ramon, may sapal ng talbos ng bayabas. Nagdudugo yung uten nya. Iniluwa nya yung sapal ng talbos saka tinapal sa sugat, sabay upo sa malaking bato katabi ni Kaloy.

          Si Berting na laang at si Batog na. Tahimik pa rin si Batog. Hari sya sa iskul namin. Gridtri pa laang kami pero kahit mga gridsiks di sya tinatalo. Mas malaki pa kasi sya sa karamihan sa kanila. Sya rin lagi ang pinagbubuhat ng mabibigat. Sya ang pinapakuha ng mga libro sa laybrari, sya rin ang katulong ni Mang Imon sa pagtatapon ng basura. Yung basurahan, halos di namin makarga ni Mar. Sa paggagarden, sikat sya lalo na sa mga babae. Sya kasi ang nag-aasarol ng mga plat nila. Pag mag-iis-is ng des, mag-isa laang nyang pinapasan palabas at papasok yung mga des ng mga babae. Kami ni Mar, bitbitan, halos mabali pa baywang namin. Pero kami naman ang taga-akyat ng Pakiling[9]
. Pabilisan kami saka paramihan ng mapipitas na dahon, yung nakukuha namin, pwedeng pang-is-is sa buong iskul.

          Nakatalungko pa rin si Mar. Tahimik na sya. Hawak pa rin yung gagamba pero parang di na nya pansin.

          “Nagiginaw ka?” tanong ko. Nakaakap sya sa mga tuhod nya, medyo nanginginig yung hawak nyang talbos ng bayabas at yung dahon ng ambabangot na tinutulugan nung gagamba.

          “Medyo.” Halos di bumuka ang bibig nya.

          “Di hindi ka na dadayb ulit pagkatule mo?” tanong ko.

          “Syempre dadayb, di naman masyadong maginaw a.” Umiikot ang tingin nya, kung saan-saan, parang tumatalbog na bola ng jak-iston.

          “Sabay tayo lagi magsalsal pag magaling na tule natin ha?”.

          Di na sya kumibo, tiningnan laang niya ako nang masakit.

          Kahit maliit, si Mar ang pinakamatapang sa amin. Maski kay Batog di sya takot. Nung minsang inutusan ako ni Batog na pulutin yung natabig kong mga binhi ng mais nya, sumigaw si Mar na huwag kong pulutin. Pero kay Batog sya nakatingin. Di ko pinulot, pumunta ako sa likod ni Mar. Nilapitan sya ni Batog, di sya tuminag. Tumayo laang sya, nakatingala kay Batog, naka-ikom yung kamay at bibig nya.

          Kahit sa multo di sya takot. Pag Byernes at Sabado, gabi na syang umuuwi galing sa amin, nakikinig kami ng Balagtasan at Gabi ng Lagim sa radyo. Ala kasi silang radyo. Pag uuwi na sya, dadaan pa sya sa kawayanan at sa may Balete, dun sa bahay ng kapre. Pasipol-sipol laang sya. Di sya kinakabahan, sabi nya sa akin. Kahit sa ahas, di sya takot. Nung minsan nga, may nakitang ahas-tulog sa kisame ng klasrum namin, nagtakbuhan lahat pati si Mr. Gabino, sya hindi. Kinuha nya yung walis saka tumuntong sya sa des, tapos sinungkit nya yung ahas. Pagbagsak, di makausad yung ahas, nadudulas sa samento. Pinakintab kasi naming maigi. Pinalo nya ng walis, tatlong beses, durog ang ulo. Sabi nya kaya nga raw nyang dakmain yun.

          PLIK! Parang bunga ng ampalaya yung muka ni Danilo. Nakangiwi sya, gustong umiyak. Si Mang Imon ang naglagay ng sapal ng bayabas sa uten nya. Tapos iniupo sya katabi nila Kaloy. Si Batog na, ako na susunod.

          “Ka Pidel, halika nga sandali!” tawag ni Mang Imon.
Mabilis na bumaba si Mang Pidel, tatay ni Batog. Parang lumilindol. Kumakalog ang buong katawan ni Batog. Kandahaba yung leeg ni aling Miling sa pagsilip sa kanya. Si Mar naman, nakatalungko, nanginginig. Nagsikip ang lalamunan ko. Halos di ko malunok laway ko.

          “Andong,” tinawag ako ni Mang Imon. “Halika nga’t umalalay ka.” Nalaglag yung mga sigarilyo sa tainga ni Batog, anlakas ang nginig nya. Nung lalapit na ko, tumayo si Mar, hinawakan nya ako sa kamay tapos bumulong – “ihi laang ako, hawakan mo muna si uldog.” Pagkakuha ko sa gagamba, parang palos na kumiwal si Mar, andun na agad sya sa kulumpon ng mga ambabangot, malapit sa may buldoser.

          “Bilisan mo nga diyan Andong,” apura ni Mang Imon. Iihi raw, naisip ko. E, kanina pa kami ihi nang ihi habang nagkukwentuhan. Sinundan ko ng tingin si Mar, nakasupok sya sa kulumpon ng ambabangot. Inilapag ko yung mga talbos ng bayabas at yung ambabangot. Nagtanggal ako ng tsinelas, tapos sinuot ko sa magkabilang kamay ko, hanggang siko.

         “Sige Andong banatin mo yung lambi.” Hinawakan ko yung uten ni Batog. Singliit na laang ng salagubang, dati parang talong pag pinapakita nya sa amin. Galit pa rin ako kay Batog. Binanat ko, nangisama ako ng bulbol. Napangiwi sya, yung aray nya parang piyok ng manok. Medyo humaba yung uten nya.

          “Iburat mo,” utos ni Mang Imon., “tapos ipasok mo yung banukan.” Sisigok-sigok si Batog. Pigil ni Mang Pidel ang mga balikat ni Batog.
“Batog, mas masakit pa ang kagat ng langgam dito ha. Uy pareng Pidel, andaming uwak a, saan kaya punta ng mga yan, at may mga puti pa!”

          Tumingala si Mang Pidel. Napatingala rin ako. Napatingala rin si Batog.

          PLIK!

          Labas ang lamad ng uten ni Batog, puting puti. Naagusan ng dugo yung kamay ko. Parang unga ng kalabaw ang atungal ni Batog, pero di sya makakilos, anlakas ni Mang Pidel.

          PLIK! PLIK! PLIK!

          Di ko na nabilang kung ilang pukpok. Kinabog ang dibdib ko, parang di ako makahinga. Umaatungal pa rin si Batog. Tiningnan ko si Mar, nakasupok pa rin, ulo laang ang nakikita. Si Tatang, nakatanaw sa akin. Sumulyap ako sa ilog, malayo-layo rin ang kabilang pampang. Abutan kaya ako ni Tatang? Bahala na. Pinulot ko uli yung mga talbos. Nanginginig ang kamay ko. Buti na laang at di nagigising yung gagamba ni Mar.

          Sumubo ako ng isang talbos, ampakla. Ngumuya ako nang ngumuya. Sumubo ulit ako, ngumuya. Biglang nag-iba yung lasa, malinamnam, saka naging makatas. May tumurok-turok sa ngalangala ko saka sa lalamunan. Nagtatawanan na sila Kaloy. Natutulig ako sa atungal ni Batog.

          “O ayos na,” ngiti ni Mang Imon. Nakaupo pa rin si Batog, nangangatog. Hinawakan sya ni mang Pidel sa kilikili, tapos tinayo sya. Biglang syang tumakbo papunta kay aling Miling, Naisip ko, siguradong mangangamatis yung uten nya.

          Nanginginig ang mga tuhod ko. Tumingin ako kay Tatang. Papalapit sya sa amin, nagpapaypay ng sombrero. Parang nahihilo ako.

          “Andong, ikaw na.” Naramdaman ko na laang na nakaupo na ako sa pinag-upuan ni Batog kanina. Maliwanag na, nawala na yung mga ulap na parang kaliskis. Parang may naririnig na akong mga naglalaba sa kabila ng ilog.

          Idiniin ko yung kanan kong paa malapit sa paa ni Mang Imon. Parating na si Tatang. Bigla akong sumikad patalikod, padayb sa ilog. Matagal akong sumisid, nung maramdaman kong nasa mababaw na ko, tayo agad ako. Sumisigaw si Tatang, galit na galit. Di ko naintindihan kung anong sinasabi nya. Kumaripas na ko papunta sa pampang.

          Nagsyurkat ako malapit sa pinagtataguan ni Mar, umikot ako sa kabila nung buldoser. Di ko ininda ang tusok ng mga bato at kalmot ng talahib. Biglang lumabas si Mar, sumunod sa akin.

          “Andong, intay!” Di ko sya pinansin, tuloy laang ako sa pagkaripas.

          “Andong, yung gagamba ko! Yung uldogan ko!” Nakasunod pa rin si Mar.

           Mayamaya makinis na yung daan, tanaw ko na ang mga santan ni Inang.





----------------
[1]
ambabangot –ligaw na halamang ginagamit panggamot o pamapalakas ng gagamba
[2]
sakat – labas na ang buong ulo ng uten kapag ibinurat
[3]
gatgat – ulo o “helmet” ng uten
[4]
pundakol – hinlalake
[5]
tinitimtim – tinatantya kung matibay o marupok
[6]
uldog – spot sa likod ng gagamba
[7]
banukan – korteng “L” na sanga ng kahoy, kadalasan bayabas. Ibinabaon sa lupa ang isang dulo at sa kabilang dulo naman binibiyak o hinihiwa ang lambi ng uten.
[8]
ima – kupal
[9]
Pakiling – puno na may magagaspang na dahon ginagamit sa pag-iisis