Kujak


  GAYA NG USAPAN NAMIN, dumating si Anton bago mananghalian. Nagsasalansan kami noon ni Inang ng mga kahoy na sinibak ni Tatang. Sa gawing tarangkahan, nagtatali si Tatang ng mga yero, dingding na sawali, at kung anu-ano pang dadalhin namin paglipat sa bagong bayan. Ipinagpaalam ako ni Anton kay Tatang, tutulong kami sa pagbabakod ng sinehan ni Mr. Rimo. Baka sakali laang naman na payagan ako, kahit alam kong malabo. Galit kasi si Tatang kay Mr. Rimo.
Dati sa bukid namin nagpapasine pero dahil inonse raw kami ni Mr. Rimo, ayaw na ni Tatang.

“Babalian ko ng tadyang yung tarantadong ahenteng yun,” sabi ni Tatang kay Inang nung minsang nag-uusap sila tungkol kay Mr. Rimo.

Pelimon, wag masyadong mainit ang ulo, alang kauuwian yan. Alam ng Diyos ang lahat,” sabi ni Inang.

Galit pa rin pero tumahimik na si Tatang, di ko alam kung dahil sa Diyos o dahil nakita nyang nakikinig ako. Basta talagang sayang, huling pasine pa naman yon at magaganda ang palabas. Si Tatang kasi pabigla-bigla, lagi pang mainit ang ulo.

          “Sige, sasabihin ko sa kanya,” sagot ni Tatang kay Anton. Para talagang kulog ang boses nya. Naramdaman ko na agad na hindi nya ko papayagan. Lalo na at galit pa sya sa akin kasi pinahiya ko raw sya kay ninong Iton. Magpapatuli na sana ako nung isang linggo. Ansaya ni Tatang, ngumangata na ko ng talbos ng bayabas at hawak na nya ako sa balikat. Pero nung ipatong ni ninong sa banukan[1] yung utin ko, aywan, bigla ko na laang siniko si Tatang saka ako kumaripas pauwi. Kinagabihan, halos magdamag nagtalo si Tatang at si Inang.

“Bayaan mo na bata pa naman, gridtri pa laang sya,” sabi ni Inang.

          “Sinong bata? Bulbulan na yang hinayupak na yan! Isa pa, ala syang maliliguan sa putang inang bundok na lilipatan natin. Alang ilog dun, saan sya dadayb pagkatuli nya?”

Nagtutulug-tulugan ako nun. Sinadya kong sumigok-sigok nang malalim para maawa si Tatang at huwag na nya akong kagalitan. Antagal nilang nag-usap, pati nangyari kay Ating naungkat nila. Mag-iisang taon nang di umuuwi si Ating. Doon yata nagsimula ang init ng ulo ni Tatang. Buntis daw si Ating kaya natatakot umuwi. Tapos si Kuyang, ala na kaming balita. Ayun, kaya pa pala galit si Tatang kay Mr. Rimo. Nung isang bakasyon, si Mr. Rimo daw ang nagsabi sa mga sundalo na nasa Baler si Kuyang, kasama ng mga taong-labas. Di ko alam kung tutuo, basta si Kuyang ala talaga sa amin nun dahil di na muna pinauwi ni Tatang. Kaso antagal nang ala kaming balita sa kanya. Pero mainam naman daw yon sabi ni Tatang, andami kasing sundalong umaaligid sa amin.

Ang problema, sa akin nabubunton lahat ng galit nya. Bahagya syang may hindi magustuhang ginawa ko, magpapanting agad ang tainga nya. Minsan nga kahit ala akong ginagawa galit sya. Gaya nung minsan, bigla na laang nya kong sininghalan.

“Putris ka, kundi dahil sa kaduwarkugan[2] mo, tuli ka na sana ngayon, ala ka na sanang problema!” Parang gusto na kong isakmol ng mata nya sa pagmulagat[3] sa akin.
“Kujak , intayin kita mamaya ha?” sigaw sa akin ni Anton, sabay pitik sa kalabaw. Di na sya bumaba, natakot siguro kay Tatang.

BAGO MANANGHALIAN, lumapit ako kay Tatang.

“Tatang –” sabi ko.

“Kung tungkol sa pasine yang sasabihin mo, kalimutan mo na, mabibiringki[4] ka laang pag nagpilit ka,” singhal nya sa akin. Di nya ko nilingon, nakadungaw laang sya sa bintana. Napakapa ako sa puwit ko, masakit pa yung latay ng huling palo nya.

Hindi ko alam pero bigla ko na laang nasabi na gusto ko nang magpatuli.

         “Tarantado ka, kita mong di ako magkandaugaga! Ngayon? Ano pang maitutulong mo sa paglilipat kung nangangamatis yang utin mo?” Lumipad yung biyas ng kawayan na hawak ni Tatang, buti na laang nakailag ako.

         Di na ko kumibo, pero sa loob ko sabi ko sa kanya tarantado din sya. Naisip ko, hindi kaya nya alam na huling pasine na. Ala na sigurong isambuwan at lilipat na kami sa bagong bayan. Sayang talaga. Dati, libre kaming lahat, wantusawa sa panunuod. Naililibre ko pa pati mga kaeskwela ko.
Sana di ko na laang sya ipinagpakulo ng sambong nung nagkasakit sya, sana dinuraan ko yung kape nya. Mahulog sana sya sa kalabaw pag punta nya sa bukid. Dati naman di sya ganyan. Nung nagsalita nga si Datu Macli-ing sa plasa nung gridwan ako, binalangga[5] pa nya ko para makita ko yung mga nagpalabas ng sayaw Ilongot, tapos pinakilala nya ko kay Datu Macli-ing. Ansaya nun. At saka nung bawal na ang baril at bigla na laang dumami ang mga sundalo, kaming dalawa ni kuyang yung nangibaon ng kanyang karbin sa likod ng kasilyas. Sabi nya nun maasahan na raw ako.

Ngayon puro galit na laang, nananakit pa. Di pa nga tamaan ng kidlat. Nung minsan kumakanta laang kami ni Anton ng tamad na burgis na ayaw gumawa, inasbaran[6] na nya agad ako ng kawayan sa hita. Nakikipagbidahan laang kami nun ni Anton sa sundalong laging nakaistambay malapit sa amin, yung tinatawag na Sards.

“Kanta naman kayo,” sabi ni Sards. Kumanta naman kami ni Anton. Nang marinig kami ni Tatang, pinaswitan[7] agad nya ko. Paghakbang ko pa laang sa tarangkahan, nangalpak agad ang hita ko. Kung pwede nga laang tagain ang Tatang.

Kinapa ko ulit ang puwit ko. Naisip ko di bale na, mabiringki na kung mabiringki, basta tutulong ako kay Anton. Bahala na.

Nagtulug-tulugan ako pagkakain. Mayamaya nagpaalam si Tatang kay Inang, pupunta raw kila ninong Iton. Sinilip ko sya sa butas ng sawali habang palayo. Nung di ko na sya makita, kumaripas na ko papunta kay Anton, di ko na naintindihan kung ano ang sinabi ni Inang.

         “Antagal mo a, nakatatlong poste na ko,” salubong sa akin ni Anton.
“Si Tatang kasi –” hindi ko na natapos ang sasabihin ko. Itinuro sa akin ni Mr. Rimo yung balumbon ng tarapal na sako. Iminustra nyang buksan ko saka ilatag. Nakaupo sya sa tablang nakapatong sa pilapil, may hawak na bolpen at notbuk.

Nagpapasine si Mr. Rimo sa Pantabangan tuwing tag-araw. Nung isang taon, sa bukid namin sya nagpalabas. Libre kaming lahat, si Ating, si Kuyang, si Inang at si Tatang, lahat pati si Impo at si Ingkong. Iba pa yung mga inilibre ni Tatang at ni Inang. Sobrang saya nun, lahat ng palabas napanuod ko, yung Benhar, Toratora, Dalonggesdey, Dirtidasen, ang gaganda talaga. Tapos yung pinakamatagal na pinalabas, limang gabi ata, yung Ginuhit sa Tadhana, tungkol yun kay Marcos. Andami nyang napatay na Hapon, ang galing sa barilan. Pero sabi ni Tatang, di raw tutuo yun, kabulaanan daw yun. Ang mga pinapatay daw ni Marcos yung mga alang laban, yung mga mahihirap. Si Tatang talaga, pati sine pinapatulan.

         HABANG INILALATAG ko yung tarapal, naisip ko na bahala na kapag nalaman ni Tatang na tumulong ako kay Mr. Rimo. Tutal, ala naman akong pampanuod at siguradong di naman nila ko bibigyan ni Inang.

         Nag-ubu-ubuhan si Anton. Nang tumingin ako sa kanya, nginuso nya yung posteng sinisiksik nya ang pagkakabaon. Humablot sya ng talahib at tinali sa poste. Tumango ako habang hinahatak yung tarapal. Pagkatapos naming makubkob ang pagpapasinehan, mga anim na pinitak yata yun, l umapit kami kay Mr. Rimo.

         “Balik kayo mamaya, mga alas-sais ha,” sabi nya. Kami rin daw ang magbabantay sa paligid ng bakod habang nagpapalabas. Ayos laang yun, makakapanuod pa rin naman kami. Umupo muna kami ni Anton sa silong ng duhat sa kabilang gilid ng tarapal, nag-usap kami tungkol sa plano namin. Kung sisenta ang talagang bayad sa nagtitiket, kalahati o kahit baintesingko na laang ang sisingilin namin sa mga susuot . Binilang ko ang pasusuutin namin, di bababa sa sampu. Ayos na. Kung sampu, uno singkwenta sa kanya, piso sa akin.

Mayamaya, dumukot si Anton at inabutan ako ng tatlong tigdi-dyes. “Uryam-uryam[8] muna tayo matagal pang mag-umpisa,” sabi nya.

NASA PLASA RIN SI MR. RIMO, tumataya sa uryam-uryam. Kakaunti pa laang ang mga pasugal , unang araw pa laang kasi. Pumwesto kami sa gilid ng nagkakagalog ng dais. Sakop na sakop ng palad nya yung platito na may saklob na takip ng garapon. Paghinto nya sa pagkalog, tumaya si Anton sa tres, singkuwenta; si Mr. Rimo sa sais, isang tumpok na barya. Sa sais din ako tumaya, dyes.

         Dahan-dahan binuksan nung tagakalog yung platito – isang uno, dalawang sais. Kamot sya ng ulo, napa-asus naman si Anton. Natriple ang tumpok ng barya ni Mr. Rimo, ako nanalo ng bainte. Napangiti ako pero di ko pinakita kay Anton baka sabihin nya na masaya ako dahil natalo sya.

          Mayamaya, bigla na laang kumulo ang dugo ko; dumating sila Biryong Laklak. Dating kababag ni Tatang yun, minsan muntik na nyang tagain yun. Biruin mo, nung dumating si Datu Macli-ing, nakiusap si Tatang na alang iinom. Antigas ng ulo ni Biryong Laklak, dun pa mismo sa plasa uminom. Buti na laang naitaboy nila Tatang.

“Dito ka laang ha,” sabi sa akin ni Tatang pagkababa nya sa akin. Tapos kinalabit nya si ninong Iton. Bilib ako sa kanya nun, binaliti niya yung kamay ni Biryong saka kinumpiska yung balisong.

“LIHIS, LIHIS, yung mga barya dyan tumabi-tabi,” pagaralgal na kanta ni Biryong. Gumitgit sya at yung tatlo nyang kasama, nadikdik ako sa halos likuran na ng tagakalog. Putang ina nyo, sabi ko sa isip ko. Tiningnan ko si Mr. Rimo, napasimangot din.

Lumakas na ang tayaan, isang taya ni Biryong mga lukot na perang papel at mga piso. Andami na nilang nakakabig. Ako rin mabigat na ang bulsa, pati si Anton, lagi nang nakangiti, kindat nang kindat sa akin. Nabangkrap yata yung tagakalog kaya pumalit si Mr. Rimo, magkakilala pala sila.

Nung huling tayaan, pagkatapos nyang kalugin, di napansin ni Mr. Rimo na nakaangat nang bahagya yung takip ng garapon, pero hawak pa rin nya. Sinilip ko, triple tres. Anlakas ng kabog ng dibdib ko. Tumingin ako kay Anton, tumingin din ako kay Biryong Laklak, nakatingin din sila sa akin.

“Taya na, itodo nyo na, huling kalog na to,” sigaw ni Mr. Rimo. Sinasalansan nung pinalitan nyang tagakalog yung mga barya sa harapan nila. Inilapat ni Mr. Rimo yung takip ng garapon sa platito saka biglang tinaas ang dalawang kamay sabay palakpak.

O wala bang tataya? Huli na to, magsisimula na ang palabas.” Tinatapik nya yung lamesa habang nag-iintay ng tataya. Palakas nang palakas yung tugtog mula sa dyip na umiikot sa buong bayan para ianawns ang palabas.

Nakatingin sa akin si Anton, nakatingin din si Biryong, nakatingin sa akin lahat ng mananaya. Dinukot ko lahat ng laman ng bulsa ko, halos umapaw sa palad ko ang mga barya. Tinumpok ko lahat sa tres. Sumunod si Anton, dahan-dahang tinayo ang mga piso at ingkwenta katabi ng tumpok ng taya ko. Yung mga tigdidyes at tigsisingko, inayos nya sa paligid, tapos kumuha sya ng baintesingko, sinuksok sa tainga nya. Kinindatan uli nya ko.

             Nagtayaan na rin yung iba, lahat sa tres, hanggang natakpan na ng pera yung buong kudrado ng tres, yung ibang taya lumampas na sa guhit. Inilapag ni Biryong sa kwatro yung taya nya, kalahating dangkal yata ng perang papel, singkwenta pesos ang nasa ibabaw. Ngingisi-ngisi si Biryong habang nagkakamot ng tyan, sinasadya atang ipakita yung nakasukbit nyang balisong.

           "Sa tres lahat yan Rimo, sa tres,” pangising sabi ni Biryong, tumatalsik ang laway. Tapos tinampal nya yung lamesa, muntik nang mabuwal yung tore ng barya ni Anton.

“Okey sa tres lahat. O, wala na ba?” tanong ni Mr. Rimo. Dahan-dahan nyang pinatong yung mga daliri nya sa takip ng garapon, bahagyang inangat. Pigil ang hininga ko, kinwenta ko yung taya ko, taymstri, andami kong pera, plas pa yung kikitain namin mamaya. Unti-unting binatak ni Mr. Rimo yung takip, di ko makita ang dais, natatakpan ng kamay nya. Pigil-hininga ako. Tapos bigla nyang inangat.

“Salsal!” sigaw ni Biryong. Napapadyak naman si Anton. Mabilis na kinalahig ng dalawang kamay nung dating tagakalog ang mga taya. Parang nabingi ako, takang-taka ako kung paano nangyari yun. Kitang-kita ko yung mga dais, tres lahat ang nakaibabaw, bat biglang uno, singko, dos ang lumabas. May madyik ata tong si Mr. Rimo, naisip ko.

Tinadyakan ni Biryong yung lamesa ng uryam-uryam, humiriki[9] ang isang paa, mabuti na laang at naibulsa na lahat nila Mr. Rimo yung mga pera.

“Huwag namang ganyan brad,” sabi nung unang tagakalog. Dinuro sya ni Biryong saka dinuraan.

Burat ka! Bumalik ka na sa lupalop na pinanggalingan mo!” Nanlilisik ang mata ni Biryong, nakalilis ang sando, kitang-kita yung puluhan ng balisong nya.

Si Mr. Rimo naman, may kinakapa sa kanyang baywang, nakita ko yung puluhan ng baril. May lumapit na dalawang sundalo, kasunod si Sards. Inakbayan ni Mr. Rimo yung tagakalog. “Halika na, asikasuhin na natin yong palabas,” sabi nya.

          Mabilis silang umalis, sumunod kami ni Anton. Paparami na ang tao, tumigil na sa harap ng pagpapasinehan yung dyip. Sa lakas ng trumpa, di ko na naintindihan yung mga sinigaw ni Biryong Laklak habang papalayo kina Sards.

Pagdating namin sa sinehan, binigyan kami ni Mr. Rimo ng Pepsi at durog na tinapay galing sa lata. May mga nakapila na, naggugupit ng tiket yung asawa ni Mr. Rimo sa may pintuan, anliwanag nung bumbilyang nakatutok sa kanya. Yung iba pa nilang kasamahan, nagbibidahan sa gilid ng tarapal. Sa kabilang gilid, andun yung tagakalog, nagbabantay ng dyineritor.

“Pumwesto na kayo,” sabi sa amin ni Mr. Rimo. Pumunta agad ako sa posteng may nakabuhol na talahib, inangat ng paa ko yung tarapal. Ayos. Nilapitan ako ni Anton.

“Simple ka laang ha, basta trenta o baintesingko ang singil. Alam na nila yun,” bulong nya. “Pagkatapos ng patalastas, iangat mo nang tatlong beses tong tarapal, di yan nakapako ha. Pag nagtsek si Mr. Rimo, humarap ka laang sa kanya, sabihin mo ayos laang po.” Tumango laang ako kay Anton, kanina pa namin pinagusapan yun.

“Kailangang makabawi tayo,” pahabol nya bago sya pumunta sa kabilang bakod.
Ganda ng langit, alang kaulap-ulap, andaming bitwin. Ang haba ng salita ni meyor, puro magagandang bagay tungkol sa dam, may libre daw kaming kuryente, libreng tubig, tapos babayaran daw yung mga bukid, mga puno, yung mga bahay, lahat.

Parami nang parami ang mga tao sa loob, kanya-kanyang pwesto. Yung iba may dalang bangko, yung iba sako, yung iba karton. Parang inantok na ko sa salita ni meyor. Nahiga muna ako, umunan sa pilapil, ganda talaga ng langit. Paminsan-minsan, tumitingin ako sa telon. Pagkatapos ni meyor, mga patalastas na. Kortal, pamily planing, alang bago May pumadyak sa labas, tapos bumulong. Dinikit ko ang tainga ko sa tarapal.

“Si Batog to. Bat antagal, andito na kami a, bilis!”

Bumulong din ako. Sige, isa-isa laang ha, abot muna ng pera tapos iaangat ko.”

Lumusot ang kamay ni Batog, may nakaipit na trenta sa daliri. Inangat ko yung tarapal.

“Simple ka laang, dahan-dahan,” bulong ko.

Pagpasok ni Batog, binaba ko yung tarapal pero umangat ulit, sumuot si Pilo kasunod si Onang tapos si Bentot, si Ila, andami nila. May nag-abot ng baintesingko, may singko, may dyes. May hindi nagbayad, bigla na laang umekis-ekis tapos nawala sa gitna. Huling sumuot si Jonas, inabutan ako ng batertupi.

“Kendi na laang ha? Si Nanay kasi ang nagbantay ng tindahan namin, di ako nakakupit,” sabi nya habang nakaupo at nakatingin sa telon. Napailing na laang ako.

“Ala nang papasok?” tanong ko.

“Huli na ko,” sabi nya sabay gapang sa bandang gitna.

Umaatungal na yung leon sa telon, malapit nang mag-umpisa. Ginuhit sa Tadhana ulit ang palabas, may kadobol, Benhar. Makasawa na yung tungkol kay Marcos, sandaang beses ko
na ata napanuod. Pero yung Benhar, kahit mayamaya, di ako magsasawa. Ganda kasi, lalo na sa parteng nagkakarera ng karwahe, yung gulong ng isa madaya, parang may lagare.

Biglang umangat uli yung tarapal. May sumungaw na kulot na buhok, si Biryong Laklak!

“Huwag kang maingay,” sabi nya, kasunod nya yung tatlong kasama nya kanina. Yung isa, may bitbit na plastik na galon, upuan siguro. Sisingilin ko sana sila kaya laang natakot ako, pinabayaan ko na laang. Parang amoy gasolina ang hininga ni Biryong Laklak. Siguro ala na silang maitungga, sabi ko sa sarili ko. Isa-isa silang pumunta sa may bandang telon.

Tumingin ako sa pintuan, may mga pumapasok pa rin. Mayamaya, natanaw ko si Tatang, nakabalanggot. Napamura ako, patay sabi ko sa isip ko. Tumagilid ako sa tabi ng poste. Palapit si Tatang, mayamaya huminto, may kinausap. Yung may dalang galon ata, aywan, di ako sigurado, madilim kasi. Mabilis laang silang nag-usap, bumalik sa bandang pasukan si Tatang. Nakahinga ako nang maluwag.

Di nagtagal sinasalita na ng mga nanunuod yung mga na nakasulat sa telon. Nakibigkas na rin ako. Yung iba ibinibida na ang mangyayari. Tapos tumahimik na. Medyo pumagitna na rin ako.
Mayamaya parang umulan, kinapa ko ulo ko, di naman basa. Yung ibang nanunuod, naglingunan, tumingala. Tapos biglang may sumaboy na lupa galing sa gawi ni Anton, nagtayuan yung mga tao, nagmumura na yung iba. May sumaboy na naman, may kahalong maliliit na bato, ansakit. Kalbo pa naman ako.

Dumakot na rin ako ng lupa, tapos isinaboy ko patalikod. Di na magkamayaw ang sabuyan at murahan, nakatayo na lahat. Mayamaya biglang nagliyab yung telon, nagtakbuhan ang mga tao kung saan-saan. Tumakbo ako sa gilid, nagkapunit - punit yung tarapal sa pagsuot ng mga tao.

Sa may pintuan, natanaw ko si Mr. Rimo, akap yung asawa nya. Tapos biglang namatay yung bumbilya, nagliliyab pa rin yung telon, pati yung tarapal sa likod. Biglang may nagpaputok ng baril, sunud-sunod. Nataranta na ko. Halos ala na akong makita pero nakitakbo na rin ako.

“Parang awa nyo na!” sigaw ni Mr. Rimo. “Bitiwan nyo ko!” ang lapit ng boses nya.
May mainit na basang tumalsik sa pisngi ko. Pumalakat yung asawa ni Mr. Rimo.

“Asawa ko, tulungan nyo asawa ko!” analakas ng iyak nya.

          Tapos biglang may kamay na umakap sa akin, umangat ako sa lupa, ambilis ng takbo ng may dala sa akin, umuugong yung tainga ko.

“Tayka, tayka muna!” sigaw ko habang kumakawag.

Mayamaya huminto kami, nakatungtong na uli ako sa lupa, sa harap ng tarangkahan namin. Nakaakbay sa akin si Tatang, tapos umupo sya. “Nasaktan ka?” tanong nya.

Gusto kong sumagot pero di ako makakibo, gusto kong umiyak pero baka sabihin niya kalalaki kong tao umiiyak ako. Pinigil ko na laang.

“Anong nangyari bat di pa kayo pumasok,” tanong ni Inang. May dalang syang de-tuwad.[10]
Nagkagulo po sa sinehan, sasabihin ko sana pero di lumabas yung boses ko, napapasigok na ko. 

         Paglapit ni Inang sa akin, bigla syang nataranta, pinapasok ako sa tulugan namin, kasunod si Tatang. Hinubaran agad ako ni Inang, tapos dali-dali nya akong pinunasan. Pinagbihis din nya si Tatang. Nilagay niya sa planggana yung mga damit namin. Pagkatapos, pinahiga na nya ko saka nya hinipan yung ilaw. Mayamaya, narinig kong nagkukusot siya ng damit.

Si Tatang naman, tumagilid paharap sa akin, tinapik-tapik nya ko sa balikat. Sumubsob ako sa unan para di nya ko mahalatang umiiyak.
----------------------
[1] banukan (mabilis) – korteng “L” na sangang ginagamit na katangan o sangkalan ng tutuliing utin. Itinutusok sa lupa ang isang dulo at isinusuot naman ang kabila sa lambi (balat ng utin) na bibiyakin. Karaniwang gawa sa sanga ng bayabas ang banukan.
[2] kaduwarkugan (mabilis) – kaduwagan o pagkamatatakutin.
[3] pagmulagat (malumay) – pagtitig na nanlalaki ang mga mata.
[4] mabibiringki – mapapalo o makakatikim ng pisikal na pamamarusa o pananakit.
[5] binalangga – pinasan nang nakasaklang sa mga balikat ang magkabilang hita.
[6] inasbaran – pinalo, hinagupit.
[7] pinaswitan – tinawag sa pamamagitan ng pagpito o pagsipol.
[8] Uryam-uryam beto-beto
[9] Humiriki -- tumagilid
[10] de-tuwad – ilaw na gawa sa boteng nilagyan ng gaas at mitsa. Itinutuwad ito para lumakas ang apoy.