Ako Ang Uod Na Lumalantak Sa Iyong Utak
Tama, bangungot ang walang puntong punto ng uod. Pero bago ang lahat, isa munang babala: Sa sandaling mabasa mo ang babalang ito, magkakatotoo sa buhay mo ang nakasulat dito. Totoo ang sinasabi ko, maniwala ka; hindi ako marunong magbiro dahil …
Ako ang uod na lumalantak sa iyong utak, buhay ka man o patay. Dati akong bilanggo sa libro pero pinalaya mo ako.
Hindi ko alam kung alam mo na adik ka sa amoy ng libro. Ganito ang iyong ritwal: Sisinghot-singhutin mo ang paligid ng libro tapos bubuklatin, aamuyin ang pamagat at isa-isang lalanghapin ang mga pahina. Ganyan mo ako pinalaya.
Hindi ko rin alam kung natatandaan mo pa. Nasa Recto ka noon, halos matabunan ng gabundok na talaksan ng libro. Nasinghot mo ako mula sa gilid ng gulugod ng inaamag na The Wealth of Nations ni Adam Smith. Sumakay ako sa iyong hininga, sumuot sa iyong ilong at gumapang papunta sa iyong utak. At ito ang aking napatunayan mula noon: mas masarap ngalutin ang manlilikha kaysa sa kanyang mga nilikha, mas masarap ang utak kaysa sa libro.
Dahil dito, gagantihan ko ang iyong kagandahang-loob.
Ako ang uod na lumalantak sa iyong utak. Kung hindi mo ako mailarawan sa iyong diwa dahil kapos ka sa imahinasyon o dahil simpleng nasusuka ka lamang, huwag kang mag-alala, mayroon pa akong isang mukha: bangungot. Kung gusto mo, puwede kitang dalawin mamayang gabi: ako rin ang iyong bangungot.
Kung nadidiri ka sa katawan kong uod, pagbibigyan ko ang gusto ng iyong mata. Magpapakilala ako sa iyo habang natutulog ka at ikukuwento ko – hindi sa pamamagitan ng simbolo na tulad ng sinasabi ni Freud o ni Jung kundi sa terminong kayang-kaya mong intindihin – ang katotohanang idudura ko lamang sana sa iyong utak. Kung mailalarawn mo lamang ako sa iyong diwa bilang
uod, bubulaga na lamang sana sa iyo ang katotohanang gusto kong ibunyag. Parang isang bisyon ng isang propeta o santo o taong naghihingalo. Isang kisap lamang at agad na nariyan.
Pero dahil pulpol na ang iyong utak at kapos ka sa imahinasyon, dadalawin na lamang kita mamaya: tandaan: ako rin ang iyong bangungot.
Gagawin ko sa iyo ang ginawa ko sa utak ng pakanang dukutin si Smitten kapag hindi pumabor sa kanya ang desisyon ng korte ng Pilipinas. Napanood mo naman siguro kung paano siya tinangkang ipuslit ng mga alien. Mabuti na lang at ‘yong mga pulis-Makati hindi kinati ang mga hintuturo. Pero kahit walang pulis, hindi rin mangyayari ang pakana. Magkukulay ube na ang balat ng mga alien na ‘yon hindi pa nila mailalayo si Smitten kahit isang pulgada.
Ano ang gagawin ko sa utak ng pakanang ipuslit si Smitten? Mamaya ko na sasabihin, meron muna akong babala: kapag dinalaw kita, aalingawngaw ang boses ko sa bawat hibla ng iyong bulbol, gising ka man o tulog. At hindi ka na hihiwalayan ng alingawngaw na ‘yon hanggang sa mamatay ka at ipagdiwang na ng aking mga kalahi ang ‘dakilang pista ng pagngasab sa iyong utak.’
At ‘eto pa: hindi ko kasalanan kung maglalaslas ka ng pulso dahil sa pagkalagas ng iyong bulbol dahil sa alingawngaw ng aking boses.
Kumusta ang utak ng pakanang ipuslit si Smitten? Tuturuan ko siyang ikuwento sa kanyang aso ang kapalpakan ng kanyang pakana. Tuturuan ko siyang maglabas ng sama ng loob sa kanyang aso. Tandaan, ako ay uod at bangungot.
Ngayon, para matalino kang makapagdesisyon kung uod o bangungot ang pipiliin mo, kukuwentuhan kita. Hindi mo alam ito at hinding hindi mo malalaman kung wala ako. Makinig kang maigi: ang uod at ang bangungot ay iisa – tulad ng kung paanong iisa ang Anak at Ama na binabanggit sa Juan 10:30 ng iyong Bibliya – at alam ng uod at ng bangungot ang lahat, ang lahat lahat.
Ako ang uod na lumalantak sa iyong utak at ang bangungot na aalingawngaw sa bawat hibla ng iyong bulbol hanggang may pintig ang iyong pulso.
Smitten, Nicolai. ‘Yan ang tunay nilang pangalan; hindi ang ibinabandera ng masmidya. Ipinapaalala ko sa ‘yo: ito ang umpisa ng iyong kamulatan tungkol sa kasong panggagahasa.
Si Nicolai ay isang babaeng Badjao na kabilang sa lahing inagawan ng dagat ng iba’t ibang alien na gumahasa sa Perlas ng Silangan na tinawag din ni Dr. Jose Protacio Mercado Y Rizal na isang Perdido Eden. Samantala, si Smitten ay isang Plutonian at tandaan mo ito: ang kanyang krimen ang dahilan kung bakit hindi na planeta ang Pluto ngayon.
At tulad ng alam mo na, may tatlo pang sangkot sa krimen maliban kay Smitten. Pero di na mahalaga ang kanilang mga pangalan. Mas importanteng malaman mo ang matematika at lohikang ito: isa laban sa tatlo. Si Smitten na taga-Pluto o ang tatlong kasabuwat niyang taga-Atlantis? Alam mo, masayahing tao ang mga taga-Atlantis kaya tawa sila nang tawa nang gahasain ni Smitten si Nicolai.
Pero ano ba talaga ang gusto kong puntuhin? Didiretsuhin na kita: maglalaslas ng pulso ang utak ng pakanang dukutin si Smitten. Pansinin mo: talagang pinilit kong pagtugmain ang dalawang huling salitang itinagilid ko pa para tumimo sa iyo ang susunod kong sasabihin.
Resolbado na ang kaso ni Smitten bago pa man ito litisin. Huwag mong kalimutan: ako ang uod at ang bangungot, alam ko ang lahat, ang lahat-lahat.
Isang buwan bago ang hatol: Tiririiiink, kwink, kwink, oink! ‘Hello?’ (Huwag kang magkamali, hindi ito ang alam mong Hello Garci scandal). Tumuloy sa hangin ang isang high-voltage cockroached voice: ‘Judge, save the boys!’ Isang buwan bago ang tawag na ito, sa land of the alien, magkatabi ang pulubi at ang diyos: ‘Go and protect my boys!’ Mula nang pagpistahan ng mass media ang kaso hanggang ilang oras bago ang hatol: ‘Ibasura ang VFA!’
‘Justice for Nicolai, Justice for the Universe!’ Isang linggo bago ang hatol: mula sa diyos tungo sa pulubing umaasta ring diyos tungo sa hukom: ‘No conspiracy theory!’
Nang ibaba ang hatol, nag-appear di lamang ang mga palad ng mga naghihintay ng conviction ni Smitten kundi maging ang mga aninong nagkukubli sa patong-patong na anino ng may anino: ‘Appear,’ sabi ng mga pro-conviction. ‘Appear,’ sabi rin ng mga kakampi ng akusado. At umalingawngaw ang mga plak mula sa mga aninong may iba’t ibang kutis at kapal ang palad: APPEAR! APPeal! APpeal! Appeal! appeal! appeal! Habang ngumangalot sila ng apple.
Ha ha ha ha haaaaatsing! Hindi ako marunong magbiro pero marunong akong humatsing. Hi hi hi hi hihikain yata ako sa pagkukwento ko sa ‘yo. Pero huwag kang mag-abala, kayang kaya ko ‘to.
Okey, pagkababang pagkababa ng hatol, mga abogado ni Nicolai: ‘Pinupuri namin ang katapangan ng hukom – tagumpay ito ng buong uniberso.’ Mga abogado ni Smitten: ‘Tagumpay ito para sa amin, hindi nila na-prove ang conspiracy theory.’ Isang reporter: ‘Paano po si Smitten?’ ‘Appeal, appeal, appeal…’ Habang ngumangalot siya ng apple. Ha ha ha haaaaaatsing!
Maniwala ka, narinig ko ito sa mga barbero, sa mga matador, sa mga bendor. Resolbado na ang kaso bago pa man ibaba ang hatol: ‘No conspiracy theory judge!’ Itaga mo ito sa bato: tatlong linggo matapos ibaba ang hatol kay Smitten at magsalimbayan ang mga papuri para sa hukom, sa isang sulok sa land of the alien: ‘Come! Sit! Good! Now, jump! Kulay ube ang paligid ng mata ng utak ng pakana at walang Paskong maaninag sa kanyang mga mata. Come! Sit! Jump! Hahalikan niya sa bibig ang kanyang aso, papasok siya sa banyo at dadamputin ang kanyang labaha.
Ooops, ‘nga pala. Itanim mo ito sa iyong puso para di ko malantakan: Ang tungkol sa pakanang ipuslit si Smitten pati na ang utak ng pakanang ito, ang tungkol sa matematika at
lohika ng isang taga-Pluto laban sa tatlong taga-Atlantis, ang pagkatalo ng conspiracy theory, lahat ng ito, itanim mo sa iyong puso, ay pakana lamang. Nasa utak ako ngayon ng utak na nagpakana ng pakanang ito.
Pasensya na kung medyo nahilo ka. Nahihirapan kasi ako sa aking identity, hindi ko maipirmis kung magsasa-uod ako o magsasa-bangungot. Nalilito na rin ako. Pero pramis: isasalaysay ko sa iyo ang lahat nang malinaw na malinaw. Basta pumili ka: uod o bangungot.
Give me five! Appear! Appeal! Apple!
Tandaan mo: ang uod at ang bangungot ay iisa. At ako ang uod at ang bangungot: alam ko ang lahat, ang lahat-lahat.
Ha ha ha ha ha haaaaatsing! Totoo lahat ng sinabi ko; hindi ako marunong magbiro.
P.S.
Nakalimutan kong sabihin: Kung pinakinggan mong maigi ang iyong binasa, wala nang kahirap-hirap sa iyo ang pag-analisa sa mas madadaling pangyayari. Halimbawa, sisiw na sa iyo ngayon ang tungkol sa ZTE deal – ang pagtanyag ni de Venecia (katunog ‘yan ng veneno na ang ibig sabihin sa espanyol ay lason); ang resignasyon ni Abalos (katunog ng palos pero hindi siya makakahulagpos); ang pagtiklop ng bibig ni Neri (katunog ng keri pero hanggang kailan madadala ng kanyang budhi ang pananahimik); at syempre, ang paglabas ng bansa at ang sakit ng asawa ng pangulo (hindi ko na binanggit ang kanyang apelyido, dahil alam kong kuha mo na kung ano siya sa mga Pilipino pag nilagyan ng isa pang g ang salitang pangulo; pero sige na nga, sabihin ko na rin: arroyo – sapa o bukal. Tama bukal ng kawalanghiyaan at pandarambong).
Ano ang aking ebidensya? Tandaan, isa akong uod. Alam ko ang lahat, ang lahat-lahat.
Paalam. Ano, magkikita ba tayo mamayang gabi?