Sa Puyo Ng Liwanag


Pak! Isang solidong tunog. Kumislap ang isang higanteng estrelya sa pagitan ng mga mata ni Profesor Salvador Minero. Pumlakda ang kanyang pisngi sa aspalto. Wala siyang maaninag kundi isprey ng maputlang liwanag – minsa'y pula, minsa'y dilaw. Sinakal siya ng dugong umaagos mula sa kanyang batok. Nagpaligsahan ang mga tili at yabag, papalayo. Gusto niyang haplusin ang kanyang mukha pero ayaw tuminag ng kanyang mga kamay. “Buhay pa ba ako”? Unti-unti, nagkapira-piraso ang isprey ng naaaninag niyang liwanag, tila mga banderitas na nagsasalimbayan pataas. Bahagya siyang lumutang, marahang-marahang umugoy ang kanyang katawan, at mula sa taas, sa pinakapuyo ng pagitan ng kanyang mga mata, nagkislapan ang sarikulay na liwanag, umikot nang paikid, pataas-pababa… walang anu-ano'y umulan… umulan ng bulaklak ng ilang-ilang, walang patid ang patak ng mga talulot. Hinaplos siya ng samyo nito, niyakap, marahang marahan, papahigpit, kung gaano katagal hindi niya alam
.

Umindayog ang sarikulay na mga higanteng parol, kumindat-kindat sa tama ng sinag-bombilyang nagmumula sa magkabilang gilid ng kalye. “A, sining,” usal ni Profesor Salvador Minero sa sarili.

Mayamaya’y nagsalimbayan ang mga tili, kantiyaw, palakpak, at putok ng kanyong kawayan, dumagundong ang mga tambol – padating ang pinakahihintay ng lahat, ang parol na oblation na gawa sa pinagpira-pirasong papel. Kuhang kuha ang pigura ng rebultong nasa bukana ng Unibersidad, “parang totoo,” wika ng isang vendor. Nakasuot ng salakot ang parol na oblation, nakasyeyd, humahagikhik ang makukulay na banderitas sa magkabilang braso, kumakampay ang dahon ng Calachuchi na nakalawit sa pagitan ng mga hita nito.

Nakangiting napailing si Profesor Minero, marahang pumalakpak. Ngunit saglit lang. Muling gumitaw sa kanyang alaala ang desisyon ng University Board na tanggalin ang Oblation sa bukana ng Unibersidad. Muling umalingangaw sa kanyang tenga ang kakulitan ng mga boses-ipis na mga guro at estudyanteng feminista na halos araw-araw na nagtatatalak sa kalye upang ipaggiitang rebulto ng babae ang gawing simbolo ng Unibersidad. Kumunot ang noo ni Profesor Minero. Bumunot siya ng malalim na buntong hininga. “Hindi mangyayari ang gusto nila, mga walang pagpapahalaga sa tradisyon, ba’t ba sila galit na galit sa lalaki?”

Tumigil ang parol na oblation, ipinihit ng mga baklang may dala nito paharap sa mga manonood. Isinayaw-sayaw ayon sa mala-ati-atihang ritmo ng umaatungal na mga tambol.Halos malaglag ang salakot ng oblation sa paroo’t paritong hakbang ng mga bakla. Sumirit ang isang sabay-sabay ngunit basag na sigaw: “Mabuhay ang mga makabayang bakla!”

Muling humugong ang mga tili at palakpak. Mayamaya’y biglang umangat ang dahong nakabitin sa pagitan ng hita ng oblation at pumulandit mula rito ang pulang likido. Yumugyog ang paligid sa lakas ng sigawan ng mga manonood. Isang pulang mapa ang nagmarka sa manggas ng barong ni Profesor Minero. Pinaikot-ikot ng majoret na bakla sa kanyang mga daliri ang kapirasong yantok na sa magkabilang dulo’y napapalawitan ng kulay pink na mga himaymay ng sako, pumito ito – isang mahaba at dalawang maikli. Nagpatuloy ang indayog-usad ng mga parol.Walang anu-ano’y biglang may kumiwal sa bandang gitna ng parada. Isang masangsang na amoy ang sumundot sa ilong ni Profesor Minero. Sumulyap siya sa kanyang kaliwa, may isang estudyante, tambay, o kung sinong pigil ang paghingal ang nagsisindi ng sigarilyo habang kipkip ang isang bag na pambabae.

“Kapareho ko pa ng barong,” paismid na bulong ni Profesor Minero.

Ipinagpatuloy niya ang pagpunas ng panyo sa manggas ng kanyang barong. Ilang saglit lang at nawala ang masangsang na amoy. Luminga ang profesor, wala na ang lalaking kapareho niya ng barong.

“Parang bulang naglaho.”

Patuloy ang tilian at palakpakan. Sunud-sunod ang solidong putok ng kanyon. Boommmm! Boommm! Boooom! Nagtakip ng tainga ang profesor.Praaaakatakatak tak tak, praaaaakatakatak tak tak.Pak!

Isang solidong tunog sa batok ni Profesor Minero. Pumlakda ang kanyang pisngi sa aspalto. Patuloy pa rin ang dagundong ng mga tili, palakpak, putok ng kanyon, at atungal ng tambol. Patuloy ang yabag ng mga paang sumusunod sa mga higanteng parol.

Sa di kalayuan, seryosong nag-uusap ang apat na estudyanteng lalaki. Mababa ang kanilang tinig, maiilap ang mga mata. “Kumusta, nayari mo ba?”

“Walang nakakilala sa ‘yo?”

“Huminga ka muna nang malalim ‘tol.” Makikihitit ng sigarilyo ang tinatanong.
“Sapol sa batok,” habang ibinubuga ang usok.

“Nakaganti na tayo ‘tol, matatahimik na si Nestor.” Biktima si Nestor ng isang rambol ng dalawang pinakamalalaking fraternity sa Unibersidad noong nakaraang taon. Bangas na ang bungo nito sa tama ng tubo nang dumating ang mga pulis upang sawatahin ang kaguluhan.

Isa sa mga hinahangaang estudyante ni Profesor Minero ang nagsasalita, magaling sa klase, mahusay magpinta. Di iilang beses na itong manalo sa mga kontes sa pagpinta sa loob ng Unibersidad. Madalas nga lamang itong masangkot sa trobol. Sa pinakahuling kinasangkutan niya ay tinulungan siya ni Profesor Minero na makipag-ayos sa isang myembro ng Gamma Lambda Phi na kabangga ng Rho Kappa Zeta, ang kinabibilangan niyang frat.

“Kundi dahil kay Minero, baka nauna pa ako kay Nestor,” ang minsa’y nabanggit nito sa isang kabrad habang nagkukuwentuhan sila tungkol sa mga adbentyur ng kanilang frat.

Samantala, sa sulok ng isang turo-turo, paanas na nag-uusap ang isang babae at isang lalaking nakabarong.

“Hindi ka ba nasundan?” tanong ng babae.

“Yun lang babaeng may ari nitong bag ang nakakita sa akin.”
“Sigurado ka?”
“May pamasko na tayo,” hinaplos nito ang bag, “pero… ba’t kaya ako hinabol ng mga mokong na estudyanteng yun.”

“Walanghiya, nakilala mo ba, bakit?”

“Namumukaan ko, lagi yun sa tambayan na kinukunan ko ng mga plastik at diyaryo. Pero sigurado akong hindi nila nakitang nanghablot ako.

“Siguradong di ka namukhaan?”

“Kulit mo.”

“Ano’ng ginawa mo?”

“Iniligaw ko.”

“Pa’nong iniligaw?”

“Pumasok ako sa parada, nakibuhat ako nung obleysyon na parol.”

“Tapos?”
“Nakatabi ko pa nga yung mabakla-baklang titser, yung…sino nga yun?”

“Yung nagbigay sa atin ng ham nung pasko?”

“Oo.”
Sa opisina ng isang NGO, nagpupuputak ang executive director habang nakaharap sa kompyuter. <>“Putang ina!”

“O, ang aga-aga pa eh sira na ang araw mo.”

“Inisnats ang bag ko kagabi no.”

“Saan?”

“Sa U.P., manonood pa naman sana ako ng lantern parade. Mga putang inang magnanakaw yan.”

“Magkano ba’ng laman non?”

“Anong magkano, para namang meron akong pera no. Lipstik at iskrats lang ang nandun, at saka yung credit card ko.”
“Ba’t ka pa nagpuputak, e yung card mo’y di na papakinabangan dahil sagad na sa credit limit ang utang mo.”

“A basta, putang inang isnatser yun.”

Isang buwan bago mag-lantern parade, nagmiting ang faculty ng kolehiyo ng Sining at Panitikan na kinabibilangan ni Profesor Minero. Bago pinag-usapan ang pangunahing paksa ng miting, inianawns ng Dean ang pagkakapili kay Profesor Minero upang magsalita sa isang forum sa Germany ukol sa katutubong sining at panitikan sa Pilipinas. Kabisado ni Profesor Minero ang paksa. Bukod sa isa ito sa kanyang itinuturo ay di iilang libro na rin ang kanyang naisulat ukol dito. Sa katunayan, ang huli niyang librong “Pintig ng Buhay sa Sinapupunan ng Lahing Mangyan,” isang riserts ukol sa sining at panitikan ng mga Mangyan, ay nagkamit ng gawad “Aklat ng Taon.”
Nakipagpaligsahan ang palakpakan at “congratulations” sa atungal ng eyrkon. Abot-tenga ang ngiti ni Profesor Minero habang nakikipagkamay sa mga kapuwa-guro. Nang humupa ang pingay, binuksan ng Dean ang paksa ng miting.

“The board has finally decided to remove the Oblation…”
Muling nakipagpaligsahan sa eyrkon ang palakpakan. Hindi tumitinag si Profesor Minero, suson-suson ang kanyang buntong hininga.

“…but they have yet to agree kung ano ang ipapalit. Syempre, malakas ang pressure mula sa mga feminista, isang woman figure ang kanilang gusto.”

“Ano, ibabandera nila ang kanilang mga panat na utong,” bulong ni Profesor Minero sa sarili.

“Ang mga environmentalists naman, gusto nila isang agila, kaya lang magiging kamukha ng Ateneo.”

“Mga walang pagpapahalaga sa sining at tradisyon,” bulong ng profesor.

“The student council, understandably, wants the statue of Andres Bonifacio. Gusto naman ng mga relihyosong grupo na ang ipalit ay rosary o kaya’y bread and wine o kaya’y last supper.”

“Upang iluklok ang isang dambuhalang panlilinlang?”
“Iba pa rin ang gusto ng mga fraternities, ng unyon ng mga empleyado, ng mga vendors.”

“Mga hindi nakakaunawa sa pag-ibig sa bayan at paglilingkod sa sambayanan at sangkatauhan.

”Nagpasya si Profesor Salvador Minero. Hindi siya pupunta sa Germany. Binagabag siya ng desisyon ng Board. Pagkabagabag na gumapang sa buo niyang pagkatao, dumungaw maging sa kanyang mga klase at pakikitungo sa estudyante at kapuwa guro. Kapunapuna ang kanyang katahimikan, ang kanyang pagbulong-bulong sa sarili. May mga gabing hindi siya makatulog, pumupunta siya sa Oblation, kinakausap ito, inaakyat at niyayakap, hinahaplos. May mga gabing naririnig niya ang pagmamakaawa ng kabataang lalaki na nakatindig nang tuwid, nakadipa, nakatingala, at bahagyang nakapikit habang nagninilay.

Hindi iilang sketch pad na ang kanyang nagamit upang ipinta sa iba’t ibang anggulo ang Oblation. Hindi na rin mabilang ang rolyo ng film na kanyang inubos para sa rebulto.

“Hindi kita pababayaan, hindi mangyayari ang kanilang desisyon, dadaan muna sila sa aking bangkay,” ang laging inuusal ni Profesor Salvador Minero sa kanyang sarili. May mga araw na bubulagain na lamang ang Unibersidad ng mga nanggagalaiting plakard sa paligid ng Oblation. “Huwag nyong salaulain ang Unibersidad.” “Ilaan ang pera ng mag-aaral para sa kanilang kagalingan.” “Pahalgahan ang tradisyon.”

Isang 500 pahina rin ng pahayag na walang lagda ang minsan isang araw ay kumalat sa buong Unibersidad na ipinagpiyesta naman ng mga magbobote at magdidiyaryo. Nilalaman ng pahayag ang kasaysayan at silbi ng Oblation sa Unibersidad at sa Pilipinas, at lahat ng magagandang bagay na kaakibat nito.

Nagmistulang zombie si Profesor Salvador Minero. Kung paanong walang nakakaalam sa pinagmumulan ng walang humpay na pagtutol sa pagtanggal ng Oblation gayundin, walang nakakabatid sa pait ng digmaang inilulunsad ng profesor.

Hanggang isang araw ay humitik sa bubuyog ang bawat pasilyo, silid, tambayan, kainan – ang bawat ng sulok ng Unibersidad. May sira na yata si sir. Bakla siguro yan, 59 na ayaw pang mag-asawa. Pedopilya raw. Baka hiniwalayan ng kanyang syota. Nasobrahan sa salsal. Lagi sigurong nagnanaytklab.

At ibinaba ng mga hukom ang hatol: Bilang pagmamalasakit sa iyo ng Unibersidad at sa kanyang sarili, pinapayuhan ka Ginoong Salvador Minero, at ang payong ito ay hindi mababali, na ikaw ay magpahinga at magpagaling.

Sa pagitan ng mga hikbi, antok, at nakakatulig na bulong ng mga bubuyog ay nagbalik kay Minero ang ugat ng lahat: “Ito ang magiging simbolo ng dunong at dangal ng mga Pilipino anak,” wika ng kanyang ama habang idinudrowing nito ang isang lalaking nakadipa at hubo’t hubad. Ama ni Profesor Salvador Minero ang gumawa ng Oblation at sa kanyang murang isip ay tumimo ang pagpapahalaga sa karunungan, karunungang buong puso at walang puknat niyang tinugis hanggang makarating siya sa kanyang kinalalagyan ngayon. Karunungang para sa kanya’y nakakapit sa bawat pisig at kurbada ng katawan ng Oblation. Para kay Profesor Salvador Minero, ang Oblation ay simbolo di lamang ng dunong kundi ng kagitingan, lalo pa’t sa paanan nito bumulagta at nalagutan ng hininga ang kanyang ama. Dating profesor din sa Unibersidad ang kanyang ama, aktibong nakilahok sa kilusang tanyag at lihim para sa pagbabagong panlipunan. Pakikilahok na kinitil ng Batas Militar.

Dapit hapon noon nang paslangin ang kanyang ama sa paanan ng Oblation. Para kay Profesor Salvador Minero, katulad ng watawat ng Pilipinas ang silbi ng Oblation. Naghatid ito ng di matingkalang prestihiyo hindi lamang sa Unibersidad kundi sa buong bansa.

“Mga walang pagpapahalaga sa tradisyon, mga kaaway ng pagtuklas sa karunungan.”
Parada ng parol. Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang ibaba ang desisyong tatanggalin na ang Oblation ay naligo si Profesor Minero. Isinuot niya ang barong na kanyang ginamit noong tanggapin niya ang gawad “Aklat ng Taon.” Pagbaba niya sa kanyang kotse ay nasagi ng isang galising askal ang kanyang pantalon. Isang matinding saydkik ang inabot ng askal. Nakasimangot na pinagpag ni Profesor Minero ang kanyang pantalon habang paika-ikang tumungo sa kalyeng dadaanan ng parada.

Pak! Isang solidong tunog. Kumislap ang isang higanteng estrelya sa pagitan ng mga mata ni Profesor Salvador Minero. Pumlakda ang kanyang pisngi sa aspalto. Wala siyang maaninag kundi isprey ng maputlang liwanag – minsa'y pula, minsa'y dilaw. Sinakal siya ng dugong umaagos mula sa kanyang batok. Nagpaligsahan ang mga tili at yabag, papalayo. Gusto niyang haplusin ang kanyang mukha pero ayaw tuminag ng kanyang mga kamay. “Diyos ko buhay pa ba ako”? Unti-unti, nagkapira-piraso ang isprey ng naaaninag niyang liwanag, tila mga banderitas na nagsalimbayan pataas. Bahagya siyang lumutang…marahang-marahang umugoy ang kanyang katawan… at mula sa taas, sa pinakapuyo ng pagitan ng kanyang mga mata, nagkislapan ang sarikulay na liwanag, umikot nang paikid, pataas-pababa… walang anu-ano'y umulan… umulan ng bulaklak ng ilang-ilang, walang patid ang patak ng mga talulot. Hinaplos siya ng samyo nito, niyakap, marahang marahan, papahigpit, kung gaano katagal hindi niya alam. Mayamaya, ngumiti ang Oblation, yumuko ito, bumaba ang mga kamay. Bumuntong-hininga ang naghihingalong profesor, tigib ng kaligayahan. Ngunit napatda siya nang biglang bumaklas ng bato ang Oblation sa kinatutuntungan nito, iniangat ang kamao at mabilis na iniunday patungo sa duguang mukha.ni Profesor Salvador Minero.

Sa saliw ng alulong-panaghoy ng isang aso na magdamag na umukyabit sa tainga ng buong kampus, umindayog ang katawan ng mga ipis, sumayaw ang kanilang mga antena, mula sa mga basurahan, kuwarto, kasilyas – mula sa bawat sulok ng kampus ay naglabasan ang milyon-milyong ipis. Binaybay nila ang mamasamasa pang dugo na nakabalatay mula sa harap ng Faculty Center, sa lugar na kinalugmukan ni Profesor Minero, hanggang sa Oblation. Matiyaga nilang tinugaygayan ang mga lamad at dugong sumabit sa mga damo at tinik ng Makahiya.

Sa paanan ng Oblation, nakahiga si Profesor Salvador Minero, kalong ng isang galising askal. Luhaan, buong pagmamahal na hinihimod nito ang duguang mukha ng profesor.

At muling nabuhay ang Unibersidad. Kinondena ng kakarampot na aktibista ang pagpaslang sa isang dakilang profesor at ikinawing nila ang karumaldumal na krimen sa imperyalismo at kawalang kakayahan ng estadong protektahan ang kanyang mamamayan.

Isang buwang tinalakay ng Philippine Collegian ang buhay at pakikisangkot ni Profesor Minero at ang iba’t ibang anggulo ng kanyang kamatayan.

Gumawa naman ng isang dambuhalang parol ng bulaklak ang mga kaguruan bilang simbolo ng pagkilala at pagmamahal sa yumao nilang kapuwa guro. May kung ilang gabi din silang nagdaos ng parangal para sa yumaong profesor at nagtulos ng kandila sa kanyang kinalugmukan.

At hindi iilang beses namang nagdaos ng prayer session ang mga relihiyosong grupo sa kampus para sa kaligtasan ng kaluluwa ng isang dakilang anak ng Diyos – si Profesor Salvador Minero.