Bangungot

           Mahilig kang magbigay ng pangalan. Ang iyong mga manika, ang mga garapon, ang pinto, bintana, mga baitang ng hagdan – lahat, lahat sa iyo ay may bansag.

          Pero bigla ka na lamang naumid, at hindi na kumibo. Inusisa ko ang dahilan; pinanatili mo akong estranghero sa iyong kinikimkim.

          Humihiwa sa aking retina ang talim ng iyong pananahimik, lumalapnos sa aking balat ang liyab ng panakaw mong mga sulyap.

         Hanggang bulagain ako ng isang bangungot: hindi ka tumigil sa pagbibigay ng bansag. Sa iyong diary, halos mabutas ang pahina sa pagkakaukit ng aking pangalan. Napapaligiran ito ng mariing sulat ng mga salitang humulagpos sa aking bibig nang minsang sumilakbo ang aking galit dahil sa musmos at tapat mong pagkakamali.

Taimtim Na Panalangin



Tila tuod sa pagkakaluhod si Aling Inocencia. Magkasalikop ang kanyang mga palad, taimtim na hinahaplos ng patpat niyang hinlalake ang bawat butil ng nanlalagkit na rosaryo. Walang patid ang pagkibot ng kulay tabako niiyang mga labi. Wala siyang ibang nakikita kundi ang duguang paa ng plastik na imahe ni Hesus sa altar; wala siyang ibang naririnig kundi ang alingawngaw ng sariling bulong at hininga.

Nakaikid sa sulok ng kalan ang isang ahas, walang katinag-tinag ang ulong nakaamba sa pagtuklaw. Labas- pangil namang pumorma ng pagdamba ang pusang nasa pasamano ng kalan. Sa isang iglap, kasabay ng matinis nitong angil, lumipad ang pusa. Bahagyang nasalat ng paa nito ang umigkas na ulo ng ahas.

Umalimbukay ang abo sa atip na kogon ng kalan nang bumalandra ang pusa sa dating kinaroroonan ng ahas. Agad nitong ikinalmot ang mga paa sa harap para salagin ang ulos ng katunggaling nakapulupot na sa kabilang dulo ng pasamano. Hangin ang nahagip ng pangil ng ahas pero humampas ang leeg nito sa panga ng kasukatan ng lakas.

Sumadsad ang pusa sa kabilang tungko ng kalan. Lumigwak ang umuusok na kape mula sa nadumpog nitong takure. Kidlat na umekis-ekis ang ahas sa sawaling dingding. Sumirit ang init sa talampakan ng pusa, sinunggaban nito ang ulo ng ahas na agad namang nakailag.

Sumalpok sa dingding ang pusa. Tumilapon sa ere ang gasuntok na bagang dumikit sa paa nito at nahulog sa pugad ng manok na nakasabit sa gilid ng kalan.

Nagulantang ang naglilimlim na inahin, nagpuputak at ikinampay ang mga pakpak. Napaypayan ang baga, umusok ang dayami sa pugad. Sa ilang saglit, sinagpang ng apoy ang tayantang na dingding at atip ng kalan.

Patuloy sa pag-usal ng panalangin si Aling Inocencia. Walang tinag, nakapako ang titig at tinig sa duguang paa ni Kristo sa altar, taimtim ang dalanging ipag-adya ang kanyang kaluluwa sa apoy ng impyerno.

Ina


Dapit-hapon, sa gilid ng layb.* Muli siyang dumaan pasan ang isang tuyong sanga na may nakabiting itim na supot. Sinundan ko siya ng tingin: diwatang tanod ng gubat pero walang mahika. At maikli ang kanyang buhok, tagpi-tagping bestida ang kanyang suot, kulay lupa ang kanyang balat, namumutok sa umbok at buhol-buhol na ugat ang kanyang mga binti at braso, nakausli ang kanyang mga panga.

Sumuksok siya sa dilim, doon sa halos hindi na maabot ng aking tingin. Pumikit ako at dinama sa aking dibdib: nagniningning ang mga ngiti ng mga paslit na sumalubong sa kanyang pag-uwi. Muli, nadama nila ang tibay ng gigiray-giray nilang barung-barong. Muli, nadama nilang mas lumiwanag ang aandap-andap na tinghoy na tanging tanglaw nila sa dilim ng gabi.


* layb – main library ng UP Los BaƱos campus