Mahilig kang magbigay ng pangalan. Ang iyong mga manika, ang mga garapon, ang pinto, bintana, mga baitang ng hagdan – lahat, lahat sa iyo ay may bansag.
Pero bigla ka na lamang naumid, at hindi na kumibo. Inusisa ko ang dahilan; pinanatili mo akong estranghero sa iyong kinikimkim.
Humihiwa sa aking retina ang talim ng iyong pananahimik, lumalapnos sa aking balat ang liyab ng panakaw mong mga sulyap.
Hanggang bulagain ako ng isang bangungot: hindi ka tumigil sa pagbibigay ng bansag. Sa iyong diary, halos mabutas ang pahina sa pagkakaukit ng aking pangalan. Napapaligiran ito ng mariing sulat ng mga salitang humulagpos sa aking bibig nang minsang sumilakbo ang aking galit dahil sa musmos at tapat mong pagkakamali.